top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 23, 2021



Noon pa man, go tayo sa ideyang limidatong face-to-face classes. Dahil unang-una, pare-parehong makatutulong ito sa pagbalanse ng buhay ng mga guro at estudyanteng nabuburo na lang sa bahay, at doble-pahirap naman sa mga magulang na abala na sa gawaing bahay, tumatayo pang titser din sa online classes.


Kaya naman, suportado natin ang pilot testing ng face-to-face classes ng nasa 120 paraalan. Tinitingnan ngayon ng DepEd at CHEd, ang mga lugar na kakaunti lang ang kaso ng COVID-19.


Pasalamat tayo kay Pangulong Rodrigo Duterte at aprubado na niya ito at nakita ang pangangailangang simulan na ang paunti-unting panunumbalik ng mga face-to-face classes. Eh, ‘di ba nga, ayon sa World Bank, ang pagsasara ng mga eskuwelahan na tumagal ng limang buwan ay magreresulta sa pagkawala ng 0.6 na taon ng pag-aaral.


Ikalawa, bagama’t nakababahala ang sitwasyon ngayong may pandemya, kailangan na itong isagawa dahil mawawalan na ng interes sa pag-aaral, ambisyon at pagiging positibo ang mga mag-aaral, ‘di ba?! Whether we like it or not, new normal na tayo at kailangan nating yakapin ang sitwasyon na may COVID-19 sa ating paligid.


Ikatlo, ang mental health ng mga bata, magulang at guro ay dapat ring isaalang-alang. Huwag natin hayaang ang pagkaburo sa online classes ang maging daan para mauwi sa depresyon ang pag-iisip ng mga batang bagot na bagot na sa bahay! Kahit ang tibay ng loob ng mga nanay at guro may hangganan din.


Basta marunong lang sumunod sa health protocols ang mga school administrators, titser, mag-aaral at iba pang school staff, mairaraos natin ang face-to-face classes.


IMEEsolusyon sa pilot testing na ito, eh, dapat doble ang pag-iingat para hindi magmintis. Maraming proseso pa ang daraanan nito bago tuluyang maisakatuparan. Para sureball ang pagiging epektibo nito, kailangan munang sumang-ayon ang mga LGUs kung nasaan ang mga paaralang lalahok sa pilot testing at ang lahat ng mga magulang kailangan din hingan ng permiso.


Dahil hindi compulsory o pipilitin ang mga magulang, kailangan pang masiguro ng bawat paaralan kung ilang estudyante ang lalahok, tapos aayusin pa ang scheduling ng mga klase, pati ang bagong paglatag ng mga classroom.


Ang mga teacher na above 65 kailangan namang mahanapan ng gagawin kung hindi sila papayagan makalahok sa face-to-face classes. Maiiwasan ang peligro sa kanilang kalusugan kung hahawakan nila ang mga online classes na itutuloy pa rin naman, kasi paiikliin ang oras ng sa face-to-face.


Kung susundin natin lahat ng factors at bagay na dapat nating bigyang-konsiderasyon bago ipatupad ang pilot testing ng face-to-face classes, siguradong magtatagumpay ito. Kaya plis lang, ang suporta ng mga magulang sa kanilang mga anak at konsiderasyon sa mga guro ang susi ng maayos na implementasyon nito. Agree?

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 18, 2021


Ngayong may pandemya at gipit na gipit ang ating mga kababayan, madalas na takbuhan, eh, 'yung mga lending companies na madaling mag-apply kahit sa cellphone lang.


Samu't sari ito sa cellphone at namamayagpag pa rin sila kung saan magpapakita lang ng dalawang government IDs, at magbibigay ng mga limang reference na may kaukulan ding contact number. Kabilang sa mga hinihinging reference ay mga kamag-anak, kaibigan at ka-trabaho.


Sa unang tingin, ikaw ay makaluluwag dahil mabilis nga naman maproseso at dahil sa dami nila nakatutuksong umutang dito, umutang doon.


Pero 'yun nga, aba, eh, base sa reklamong inilapit sa atin, kung umutang ng P5,000, halos tatlong libo o minsa'y kalahati na lang ang makukuha mo. Juicekolord, kaltas agad! At hindi lang 'yun, kapag nahuli ng pagbabayad, mayroon pang kasamang pananakot?!


Eh, ang siste pa ng mga lending company, tinatawagan nila lahat ng ibinigay na reference at minsan ay ipinahihiya pa ng husto ang taong nangutang sa kanila. Kumbaga, hina-harass ng mga ito ang mga umutang?! Juicekoday!


Kung ganito naman pala ang sistema ng mga lending companies, sa halip na makatulong, eh, lalo pang nagpapabaon sa nanghihiram ng pera at namamahiya pa!


Aba, kung ganyan rin lang, IMEEsolusyon d'yan, eh, 'wag na umutang sa ganyang mapanggipit na mga lending companies. Maigi pang sa kakilala o sa kaibigan na lang manghiram, pero siguraduhin mo namang ito rin ay iyong mababayaran sa petsang iyong itatakda.


IMEEsolusyon din na kung wala namang trabaho at wala ring katiyakang suweldo, 'wag na isubo ang sarili sa pag-utang sa ganyang mapang-harass na lending companies. 'Di ba?! Eh, kung may kakarampot na suweldo, matutunan nating pagkasyahin at ibadyet ng maayos. Magtanim tayo ng malunggay na puwedeng makain at iba pang mga gulay, mag-alaga ng mga sisiw sa bakuran at iba pa, 'di ba?!


IMEEsolusyon din sa mapanggipit na mga lending companies, ang mabantayan ang mga ito at puwede naman silang mapanagot sa kanilang mga panggigipit sa mga nanghihiram sa kanila! Ayon nga sa Securities and Exchange Commission (SEC) bawal ipahiya at i-harass ang mga nangungutang.


Pero kailangan na masiguro munang ang hiniramang lending companies ay lehitimo dahil kung hindi mababalewala rin ang reklamo sa SEC. Dapat ring masigurong may sapat na ebidensiya at mga dokumentong susuporta sa mga inirereklamong mga lending company at kailangang may valid government ID ang isang complainant.


Para naman maiwasan ang mga ganitong mga abala, iwasan na nating mangutang sa mga lending companies. Remember, mga dear, habang maiksi ang kumot, magtiis na munang mamaluktot.


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 17, 2021


Heto na naman tayo, mula nang magpandemya noong nakaraang taon, nanawagan tayong ayusin na ang medical waste disposal. Pero nakadidismayang malaman, na mas tumaas pa pala ngayon ang medical waste sa bansa. Juicekolord!


Base sa isang report, mula June 1, 2020 hanggang July 31 sa taong ito, nakapagtala ng 1,697.20 metric tons kada araw ng kabuuang health care waste ang Pilipinas. Santisima!


Kasama na nga riyan ang PPEs, facemasks, face shield at maging ang mga syringe na ginagamit sa vaccination program.


Aminado naman ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na talagang mas dumami o mas tumaas ang mga medical waste sa ating bansa sa patuloy na pamiminsala sa atin ng COVID-19.


Nakababahala ito, ha? Delikado ito sa ating kalusugan, sa mga hayop at sa kalikasan! Reminder mga friendship, ang bawat hayop na mapipinsala ng mga medical waste ay katumbas rin ng posibleng kakapusan ng malinis nating makakain, tulad na lang sa karagatan.


Aba, eh, ‘di ba nga, maraming medical waste ang napupunta sa dagat at marine resources ang naaapektuhan? Nand’yan ang napuluputan ang mga pawikan, nakakain ang mga isda ng basura mula sa mga hospital na kanila ring ikinamamatay! Ilan lang ‘yan, ha? Eh, paano pa ang ating kalikasan? Juicekolord!


Habang sa tao, marami tayong kababayan na kahit may pandemya, eh, dahil sa kahirapan tuloy ang kanilang pangangalakal sa mga basurahan. Paano na kung makalkal nila ang mga medical waste na ‘yan, eh, ‘di nahawahan din sila ng veerus! Nakupo! Que Horror!


IMEEsolusyon, bukod sa pagsasaayos ng DENR ng proper medical waste disposal, ihirit na rin natin sa mga LGUs na mas maging responsible sa kanilang mga nasasakupan at mas maging istrikto sa tamang pagtatapon nito. Ipa-segregate o ipahiwalay natin ang mga medical waste

sa normal na mga basura sa bawat bahay.


Pakiusapan nawa ng LGUs ang bawat barangay na maging istrikto sa medical waste segregation. Palagyan na rin natin ng mga label ang mga medical waste kung kinakailangan para makapag-ingat rin ang ating kababayang garbage collector para hindi mahawa ng virus.


Kung may mga iresponsable namang citizens na nagtatapon ng medical waste sa alinmang water ways at karagatan, warningan sila at kung walang kadala-dala at paulit-ulit nilang gagawin, eh, kahit pagmultahin na kung matigas talaga ang ulo at ayaw sumunod.


Protektahan natin ang ating kalusugan sa deadly virus na ito na posibleng makuha sa mga medical waste, ingatan din natin ang kalikasan at mga hayop sa mga pakalat-kalat na basurang naging proteksiyon ng mga mamamayan sa pandemya. Protektahan din natin ang kalikasan.


Agree?

 
 
RECOMMENDED
bottom of page