top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 04, 2021



Heto na naman tayo. Matapos ang isda at bigas, gulay naman ngayon ang ini-import natin? Bakit? Aber, pakipaliwanag nga? Reminder, nasa gitna pa tayo ng pandemya, ha? Pero heto na naman ang pamamayagpag ng mga mapagsamantalang negosyanteng importer? Ano ba!


Hindi ko talaga maintindihan ang sistemang ito na import nang import, eh, ang malaking tanong, kapos ba ng gulay, 'di ba hindi? Nakapagtataka naman at napapalusot ito ng Department of Agriculture. Nasa walong metriko


toneladang mga kamatis mula Ifugao ang itinapon na lang, ibinenta ng palugi sa mga hog at duck raisers, o ibinalik na lang sa kanilang mga taniman dahil sa hindi man lang ito binibigyang-pansin ng DA.


Nakakapikon talaga, eh, 'di ba nga, sobra-sobra ang supply ng mga lokal na gulay natin sa Benguet at iba pang taniman sa Cordillera at nabubulok na nga lang sila? At palugi nang ibinebenta ito ng ating mga lokal na maggugulay?! Ano ba naman kayo, DA! 'Wag naman magbulag-bulagan na naman!


Hello! Namamayagpag na rin maging ang smuggling ng mga gulay mula China, nasaan kayo? Aba, pananabotahe na ito sa ating ekonomiya, nasa kasagsasagan pa tayo ng pandemya, remember! Juicekolord!


Eh, 'di ba nga kamakailan lang nakakumpiska ang BOC ng nasa Php4.7 milyong imported na mga repolyo, carrot, broccoli at iba pang gulay sa isang raid sa Divisoria at iba pang parte ng Tondo, Manila.


Awang-awa tayo sa ating local farmers, biktima na naman sila ng mga mapagsamantalang negosyante. Hindi natin palulusutin ang mga 'yan. IMEEsolusyon natin d'yan, paiimbestigahan natin 'yan sa pamamagitan ng resolusyon.


Ipahahanting din natin ang mga importer at opisyal sa DA at taga-Bureau of Customs na sangkot sa agricultural smuggling. Grabe kayo, ha? 'Wag ganyan, mga bantay salakay na pesteng dapat nang masampulan!


At, para naman sa walang kasusta-sustansiyang pamamalakad ng DA, aba, magkakain nga kayo ng lokal na gulay! Tanong ko lang nasaan na ang mga Kadiwa trucks, lulubog-lilitaw lang ang peg niyan, ha? Ano'ng silbi niyan, panakip-butas lang kapag may problema? Dapat tuluy-tuloy ang pagtakbo niyan! Plis naman DA, gising! Pagaanin n'yo naman buhay ng ating mga local farmers at ating mga kababayan! Now na!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | October 1, 2021


Iba talaga kapag sama-sama at tulung-tulong na may iisang layunin, ang makaboto ang lahat sa paparating na 2022 elections.


Gaano man katigas ang pagtanggi ng Comelec noong una na bigyang-extension ang voters registration dahil sa pag-angal nitong doble-trabahong kanilang gagawin, kapos sa panahon at logistics, iba pa rin ang boses ng nakararami.


Bilang chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation, eh, pinush talaga natin ang panukalang-extension ng rehistrasyon ng hanggang October 31 na oks na rin sa Kamara, para naman hindi masayang ang 12 milyong botante.


Salamat naman at lumambot na ang Comelec at inaprub na ang extension nito sa loob ng isang buwan. Pero reminder pa rin sa ating mga kasamahang taga-Comelec, huwag nang palusutin ang mga flying voters.


IMEEsolusyon dito, hingan na ng Comelec ang tulong ng mga election watchdog tulad ng PPRCV sa beripikasyon ng personal details ng mga botante para naman maiwasan ang mga flying registrants, para maiwasan ang mga pandaraya sa mismong eleksiyon.


Ikalawa, marami pa ring hindi agad-agad makakabatid na extended na ang voter registration, partikular na ‘yung mga taga-probinsiya. Kaya IMEEsolusyon natin dito, pakiusapan na rin ng Comelec ang mga LGUs na ipaskil na per barangay ang extension ng pagpaparehistro.


Ipa-post na natin ito sa mga social media accounts o website ng bawat barangay para mas mabilis ang daloy ng impormasyon, ‘di ba?!


Unang araw na ng paghahain ng kandidatura ng bawat pulitiko nitong Biyernes, October 1, at ang sama-samang effort natin at ng lahat ng sektor ay kailangan ngayon para makaboto ang lahat sa malinis, maayos, masistema at mapayapang eleksiyon kahit nasa kasagsagan tayo ng pandemya! Agree?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | September 27, 2021



Sadsad na naman ang presyo kada kilo ng palay sa P10 hanggang P13 dahil sa paparating na panahon ng anihan. Kawawang mga magsasaka.


Pero ang higit na masaklap, mga friendship, inihayag ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na wala umanong ganang mamili ng palay ang mga local miller para hindi raw sila malugi! Ano ba ‘yan? Eh, kasi nga raw dahil ito sa dami ng mga imported rice na dumarating sa bansa.


At tinaya pa ng SINAG na siguradong babagsak pa ang presyo ng palay dahil magsisimula pa lang ang bulto ng anihan sa loob ng isa hanggang dalawang linggo mula ngayon. Juicekoday!


Naalala na naman natin bago pa sumiklab ang COVID-19 pandemic, eh, talagang palugi nang ibinibenta ng mga magsasaka ang kanilang mga aning palay. At heto na naman ngayon. Hay kaawa-awa na naman ang ating farmers.


Ang malaking problema ngayon, paano na ang mga inaning palay at aanihin pang palay ng mga magsasaka?


IMEEsolusyon lang dito, eh, pakiusapan ulit natin ang Department of Agriculture na bilhin ang palay ng mga lokal na magsasaka sa P16 kada kilo kung basa at P19 per kilo naman kung tuyo.


At harinawa ang NFA, eh, panatilihin ang P19 na pagbili ng tuyong palay na may 14% moisture content bilang tulong na sa ating mga magsasaka kahit sumadsad na naman ang presyo nito kada kilo.


Sa kuwenta ng SINAG, nasa P15 ang ginagastos ng mga magsasaka para makaani ng isang kilong palay. Ngayong nangangailangan ang mga magsasaka ng suporta mula sa pamahalaan, hoping tayo na aalalay sa kanila ang DA at ang economic team ng ating pamahalaan.


Hirit naman natin sa ating mga kasamahan d’yan sa DTI, pakibantayan ang mga bentahan ng bigas sa merkado. Baka naman kasi kahit bagsak-presyo na ang mga palay, eh, may ilang mga negosyante pa ring matututong magsamantala at magtaas ng presyo ng bigas, ‘di ba?! Mabuti nang maagapan kaysa maunahan na naman ng mga mapagsamantalang trader!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page