top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon |December 04, 2021



Amoy eleksiyon na at magiging puspusan ang susunod na mga eksena ng bawat kandidato sa 2022 dahil iaanunsiyo na ngayong Disyembre 15 ng Comelec pinal na listahan ng mga kandidato.


Umiingay ang mundo ng pulitika sa ating bansa, at kani-kanyang diskarte na ang ating mga kababayang naghahangad na makapuwesto.


Ang iba, bumabanat sa kapwa kandidato, ang iba nama’y panay papogi sa pamamagitan ng pagbalandra ng kani-kanilang plataporma.


Kaliwa’t kanan ang pagpapasiklab, lalo na sa social media na kung minsan maasar ka, minsan ay matatawa ka dahil iba nga naman talaga ang mga Pinoy, masyadong creative at magaling ang karamihan sa pambubuska!


At kahit pa may pandemya at banta na naman ng panibagong COVID variant na Omicron, sinasagasaan na ‘yan ng kani-kanyang caravan ng ating mga kababayang naghahangad na makaupo ang kanilang paboritong kandidato, mapa-nasyunal man o mapa-lokal.


Masakit din na minsan ang ating mga kaalyado, dahil sa pulitika, nagkakatampuhan tayo. Pero at the end of the day, sa ayaw man o sa hindi, and’yan pa rin ang tatak-Pinoy na minsan man ay hindi nagkaintindihan, maayos din sa dakong huli. Nakakalokah ang pulitika, ‘di ba?


IMEEsolusyon para sa lahat ng mga kandidato at may kani-kanyang manok, kaunting lamig lang ng ulo. ‘Wag padadala sa emosyon dahil baka mauwi ito sa kung saan. Bagama’t hindi maiaalis na tayo ay masasaktan, ‘wag tayong maging pikon, kalma lang.


‘Yan ang isa sa mga natutunan ko sa aking ama.


Kahit magkakalaban sa pulitika, pagkakaisa sa paglaban sa pandemya ang dapat nating isulong. Unang-una, gutom ang ating mga kababayan at solusyon ang kailangan ng ating bayan sa tindi ng dagok ng ating krisis na dinaranas. Walang nakakaalam kung kailan matatapos ito sa buong mundo.


Sinuman ang mapili ninyong pamunuan ang ating bansa, pakaisipin at timbangin kung sino sa inyong tingin ang may solusyon sa pandemya, sa bagsak nating ekonomiya, sa kawalan ng trabaho at higit sa lahat nagsusulong ng pagkakasundo ng bawat Pilipino.


Agree?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon |December 01, 2021



May mass vaccination na! Inaasahan nating lahat ay magpapabakuna na plis lang! Harinawa!


Aba, 70% ng mga Pinoy ang target na mabakunahan bago matapos ang taong ito!


At sa ngayo’y nasa 40 milyon pa lang ang fully vaccinated o 36% ng tinatayang nasa 111 milyong Pilipino at aminin man natin sa hindi, mahihirapan tayong makamit ang nasabing target na herd immunity ngayong 2021.


Unang-una, dahil sa pag-aatubili o hesitancy ng karamihan na magpabakuna dahil sa takot sa adverse effects; ikalawa, problema sa paghahatid ng bakuna sa malalayo at bulubunduking probinsiya; ikatlo, ang kawalan ng imbakan ng mga bakuna; ikaapat, ang lumolobong kakapusan ng mga hiringgilya sa buong mundo.


Bagama’t, hindi natin inaalis na mula sa pinakamataas na 26,000 kada araw na nagka-COVID noong Setyembre hanggang sa isanlibo na lang at pababa pa ang impeksiyon, hindi tayo dapat maging kampante kahit pa lumuluwag na ang mga community quarantine at ating ekonomiya!


Bakit?


Bukod sa Delta variants, may panibagong variant na tinawag na Omicron na unang natukoy sa South Africa. Naghahanda na ang mga health expert sa senaryo na maging ang kasalukuyang mga bakuna ay maaaring hindi ganun ka-epektibo laban dito, na talaga namang nakakatakot!


Ngayong malapit na ang Pasko, baka dahil sa sobrang saya ng selebrasyon ay malimutan ang social distancing at iba pang health protocols, ‘wag naman, pagod na tayo sa lockdown!


Sa harap nito, para sa atin ay hindi sapat ang mass vaccination lang kundi makailang beses na nating sinabi na IMEEsolusyon na paigtingin pa ng massive COVID-testing para maagap na matukoy ang mga infected at maagap silang maihiwalay.


Dapat samantalahin na ng gobyerno at pribadong sektor ang alok ng World Health Organization na makabagong blood testing technology! Libre ang lisensiya sa pagpapagawa niyan na swak na IMEEsolusyon sa hindi patas na pamamahagi ng mga bakuna sa buong mundo, lalo na sa mas mahihirap na bansang tulad natin. Eh, bukod d’yan user-friendly o madali pang gamitin sa mga probinsiya. Hindi kailangan ng komplikadong equipment pang-laboratoryo.


May kasunduan na wala nang babayaran ang mga naghihirap na bansang kukuha ng lisensiya sa nasabing teknolohiya at tuturuan pa sila kung paano ito gamitin. Bongga, ‘di ba?!


Seryosohin natin ang paglaban sa pandemya at puspusan na, para hindi malusutan ng Omicron.


Gora na sa alok na makabagong testing technology at magpabakuna na laban sa virus na deadly!


Agree?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | November 26, 2021



Bahagya nang lumuluwag ang community quarantine sa iba’t ibang panig ng ating bansa at lumuluwag na rin ng kaunti ang ating ekonomiya.


Dahil umuusad o kasisimula pa lang ng pagbubukas ng ating ekonomiya, marami pa rin sa ating mga kababayan ang walang trabaho, o nasa mahigit pa sa 4 million base na rin sa pinakahuling rekord ng Philippine Statistics Authority.


Mula nang tumama ang pandemya at naramdaman nating mga Pinoy ang dagok nito mula noong Marso ng nagdaang taon, rescue to the max ang programang tinatawag na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng DSWD.


Pero ‘yun nga lang, sa simula ay nagkagulo sa listahan, at sandamakmak ang reklamong hindi naabutan ng tulong o mabagal ang usad ng ayuda. At sa gitna niyan, kabilang tayo sa mga agad na nagtanong sa DSWD kung ano ang problema at nagbigay tayo ng mga suhestiyon o rekomendasyon para maisaayos ito.


At sa ngayon, marami-rami pa rin ang hindi nararating ng AICS kung saan nabibigyan ng mula P1,000 hanggang P5,000 ang bawat indibidwal na kapos na kapos pa rin, walang trabaho at walang pantustos sa pangkain.


Para naman mas bumilis at mas maging masistema pa ang distribusyong niyan, yaman din lamang na ang inyong lingkod, eh, panay ang rekomenda ng mga puwedeng gawin, heto na nga, naging IMEEsolusyon na natin bilang chairman ng Senate committee on economic affairs na makisawsaw at nagdesisyong tumulong sa kanila sa pamamahagi.


Bilang katuwang na tayo ng DSWD, pinaspasan na natin ang pagpapaabot ng ayudang pangkalusugan at pangkabuhayan sa ating mga kababayan. ‘Ika nga, marami-rami pang aabutan ng tulong sa mga karapat-dapat na lugar at indibidwal na makatanggap ng AICS hanggang sa katapusan ng Disyembre.


Ganyan lang naman dapat, kung meron tayong reklamo, tingnan natin ang puwedeng IMEEsolusyon at magagawang kontribusyon kaysa puro tayo reklamo, wala naman tayong ginagawa, ‘di ba?!


‘Wag nating gawing kostumbre ‘yan, kung may maitutulong tayo, go na! Keri nating labanan ang pandemya, basta lahat tayong mga Pilipino ay nagkakaisa!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page