top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 21, 2022



Bago pa man magpandemya, maraming “working nanay” ang kumukuha ng mga tagapag-alaga ng kani-kanilang anak o “yaya” kapag swak pa sa kanilang badyet.


Kinakain kasi sila ng oras sa kanilang trabaho at kaysa abalahin pa ang mga lolo at lola ng mga bata para sila alagaan, eh, nagha-hire na sila ng mga tagapag-alaga sa kanilang mga anak o yaya.


Ang mga yaya ang ikalawang nanay ng ating mga anak. Hindi biro ang kanilang mga sakripisyo at pagod sa pag-aalaga ng mga batang hindi nila kadugo na minamahal rin nila ng totoo.


Alam ko kaya ang feeling at ng aking ading na si Bongbong na magkaroon ng yaya. Si Nanay Resureccion “Siony” Bunag ang ikalawang nanay naming magkakapatid.


Si Nanay Siony ang nagpapaligo, naghahanda ng aming pagkain at nag-aasikaso ng lahat ng aming mga pangangailangan. Hindi namin siya makakalimutan at hindi matatawaran ang kanyang pagmamahal at pasensiya sa aming magkakapatid kahit pa kami nga, eh, naging makulit din.


At paglipas nga ng napakaraming taon, eh, nagsilakihan na kami at nahiwalay na sa amin si Nanay Siony, lalo na noong kami ay namuhay sa Amerika at ibang bansa.


Pero ngayong 2022, malaking sorpresa na nagkaroon kami ng komunikasyon kay Nanay Siony!


Ang saya! Sa tulong ng social media at mga netizen, inaasahan namin ang kapana-panabik naming “reunion” kay Nanay Siony.


Excited na tayo at aking mga kapatid na makita at ma-kumusta ang aming ikalawang Nanay Siony na ngayo’y 80 years old na. Sasalubungin natin si Nanay Siony ng napakahigpit na yakap sa tindi ng pagka-miss sa kanya. Hay, kaysarap ng pakiramdam! Mahal namin kayo, Nanay Siony!


‘Wag nating isantabi ang hindi matatawarang pag-aaruga sa atin ng mga “Super Yaya”.


Kahit naglalakihan na tayo, IMEEsolusyon na suklian natin sa ating abot-kayang pamamaraan at lingunin ang kanilang pagmamahal sa atin at pananatilihin din nating bukas ang komunikasyon sa kanila.


Hindi lang pera, kundi paminsan-minsan, mas mahalaga pa rin na dinadalaw natin sila ng personal para mas ma-feel nila ang ating pagpapahalaga sa kanila. Sa lahat ng mga yaya na naging parte ng ating buhay, saludo tayo sa inyo!


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 18, 2022



May naamoy tayong kakaiba sa Sugar Regulatory Administration. Takang-taka tayo kung bakit todo-push ito sa importasyon ng 200,000 metric tons ((MT) ng asukal sa katuwirang may shortage raw dahil napinsala ang industriya dahil sa Bagyong Odette?


Talaga ba?


Ganun?! Eh, bakit reklamo ng mga sugar farmers na nakarating sa ating tanggapan, walang shortage sa supply, isang gilingan lang ng asukal ang binaha ng bagyo at naayos na ito habang ang iba pang sugar mills sa buong bansa, eh, gumagana naman?


Eh, mismong United Sugar Producers Federation (UNIFED) sa Negros, kung saan nakabase ang 13 sa 27 sugar mills sa bansa, eh, nagsabi rin na isang linggo lang ito nagsara dahil sa baha ang Southern Negros Development Corporation Mill sa Kabankalan, Negros Occidental!


Mukhang pinalulusot ng SRA ang pag-angkat ng libu-libong tonelada ng imported na asukal ng mga pangunahing manufacturers ng softdrinks at iba pang 'sugared products', tulad ng kendi at biskwit. Hay nako, I smell something fishy!


Hmmm... Meron nga bang pinapaboran ang SRA? Eh, talaga bang may naipangako itong sugar manufacturers sa SRA? Hello, hindi normal na pursigido ang isang ahensiya na mag-import gayung wala naman daw shortage!


Mabuti na lang naging IMEEsolusyon dito ang pagharang ng korte at naglabas ito ng Temporary Restraining Order sa nasabing importasyon! Palakpakan! Reminder naman sa SRA para hindi mapagdudahan, ilantad sa publiko ang listahan ng mga pinayagang mag-angkat ng asukal para makita kung may mga ‘sweetheart deal', 'di bah!


Pero, hindi pa tapos ang problema ng ating sugar farmers, nasa peligro pa rin na hindi sila makapagtanim sa susunod na crop season, dahil napakataas ng presyo ng fertilizer, gayundin ang presyo ng gasolina, kaya naman marami na sa kanila ang nagsanla na ng lupain, o ang iba, eh, nagtatanim na lang ng kamote!


Sa harap niyan, bilang chairman ng Senate committee on economic affairs, IMEEsolusyon na magpatupad agad ang ating pamahalaan ng 'price freeze' sa fertilizer, pero dapat siguruhing 'for emergency use' lang ito at dapat gawin itong gobyerno-sa-gobyerno, 'di ba!


Bukod d'yan, dapat din ibaba ang dami ng mga inaangkat na asukal o mag-iskedyul ng pautay-utay na pagde-deliver na hindi kasabay ng milling season, habang pinag-aaralan pa ang paggawa ng mga lokal na abono para sa pangmatagalang programa para rito.


Pakatandaan natin, ang maliliit na sugar farmers ang bumubuo sa 85% ng ating sugar industry, at kapag binalewala lang ang kanilang kalagayan, kakapusin tayo sa suplay at tiyak tataas, lalo n ang presyo ng asukal sa merkado. Hindi malayong maghingalo ang industriya ng asukal sa ating bansa. Katakot 'yan, ha?


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | February 16, 2022



Nagtataka tayo sa ating mga opisyal ng gobyerno, tila pepetiks-petiks at hindi kumikilos para sa mga OFWs at Pinoy migrants sa gitna ng diumanong banta ng Russian invasion sa Ukraine.


Nakaabang na ang ating mga kababayan doon kung ano ang kanilang dapat na gawin.


Aba, eh, sabi ng ating mga kababayan, ni wala pa raw ipinararating sa kanilang contingency plan sakaling magkagulo.


Tanging ang ginagawa lang daw ngayon, kinukuha pa lang ang mga pangalan ng mga gustong umuwi sakali mang matuloy ang giyera sa Ukraine.


Eh, ang tanong, paano kung bigla ngang sumiklab ang giyera, paano sila? Saka lang bibigyan ng instruction ng DFA, OWWA at mga tao natin sa pinakamalapit na Philippine embassy? Ano bah!


Take note, wala tayong embassy sa Ukraine, kundi nasa Poland pa! Bakit nga ba wala pang klarong plano? Nangangapa na ang ating mga kapwa Pilipino doon! Eh, last year pang balita ang napipintong gulo. Hello!


Halos nasa 400 Pilipino sa Ukraine. Napaisip tuloy tayo na ‘yan ba ang dahilan kaya hindi pa ganon ka-komprehensibo ang pagkakasa ng mga plano at pagkilos ngayon ng ating mga opisyal?


Juicekolord!


Hindi porke kakarampot lang ang mga kababayan natin doon, tila lelembot-lembot kayo at walang kagyat na pagkilos para asikasuhin ang kalagayan nila! Ano’ng ibig sabihin niyan, kikilos kayo kapag andyan na ang aktwal na bakbakan?


‘Wag i-underestimate ang sitwasyon. IMEEsolusyon na maghanda na ng todo para wala tayong sablay! Latagan na ng contingency plan.


Kabilang dito ang pagkakasa ng maayos na komunikasyon sa OFWs, lugar kung saan sila tatakbo para pik-apin at ililikas, badyet sa kanilang masasakyan sa paglikas.


Gayundin, ikasa na ang safety health protocols oras na makauwi na sa ‘Pinas at transportasyon na rin pauwi sa kani-kanilang mga bahay.


Bago pa man sumiklab ang giyera sa Ukraine, agapan na rin natin ang impact nito o epekto sa ating ekonomiya, dahil siguradong sisirit ang presyo ng langis sa world market.


IMEEsolusyon na manmanan ng ating pamahalaan ang presyo ng langis at ikonsidera na taasan ang ating reserba, sa harap ng tinatayang pagsirit sa $120 dolyar kada bariles mula sa $90 hanggang $95 dolyar ngayon. Dapat din na matukoy na agad ang mga alternatibo nating pagkukunan.


Mas maigi nang maging maagap sa paghahanda, kaysa naman magkumahog at mataranta kapag nasa peligro na ang buhay ng ating mga kababayan at mahuli sa paghahanda sa dagok nito sa ating ekonomiya. Kaya plis DFA, OWWA, mga opisyal ng ating pamahalaan, kilos na agad, Now na!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page