top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 20, 2022


Samu't saring aberya ang sumalubong sa pag-arangkada ng isang buwang botohan ng ating OFWs sa iba’t ibang bansa. May na-delay na election paraphernalia, doble-doble ang mga mail-in ballots o kaya’y di pa nakakarating, sinasabing may ‘shade’ na ang ibang balota, may mga OFWs na ‘di pa nakapagparehistro, may hindi nakaboto dahil sa siksikan, etc.


Sa mga nakarating nga sa ating tanggapan, eh meron ding iba na hindi talaga nila alam kung saan sila pupunta para bumoto habang ang iba eh hindi na raw nakapagparehistro dahil tapos na, at ang iba nama’y naipit sa napakahabang pila dahil sa iilan lang ang voting precinct. Hay, Apo, kay daming mga gusot.


Eh ang mga ‘yan eh nangyari sa Hong Kong, Singapore, U.S., Italy, New Zealand, Saudi Arabia, United Kingdom at Sweden.


Nakababahala ‘yan ha, nagsisimula pa lang medyo marami-rami nang aberya. Santisima!


Mantakin mo naman ‘yang mga ganyang aberya, eh posibleng maulit sa iba pang bansa na may malaking populasyon ng mga botanteng OFWs. ‘Wag na nating hintayin na kung kelan last minute doon lang tayo kikilos. Naku, eh libu-libong OFWs ang ‘di makakaboto nang ganyan ha!


Bilang chairman ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation, ako eh humihirit sa mga taga-Commission on Elections (Comelec) na ang pinakamabilis na IMEEsolusyon d’yan eh palawigin ang oras ng pagboto ng ating OFWs sa mga embahada at konsulada ng ‘Pinas.


Saka, pakisuyo na lang Comelec, IMEEsolusyon din ang paigtingin pa ng Comelec at ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbibigay ng impormasyon sa ating OFWs kung saang presinto o voting precinct sila nakatakdang bumoto.


May oras pa naman o hindi pa huli ang lahat para maagapan ang mga problema sa botohan ng mga OFWs. Medyo pakibilis-bilisan lang ang kilos para mas maagang maresolbahan ang mga aberyang ‘yan. Pagtulungan na n’yo, Comelec at DFA. Keri n’yo ‘yan!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 13, 2022


Nakakaalarma na sa gitna ng matinding dagok ng mataas na presyo ng gasolina, presyo ng mga bilihin at pandemya, heto naman ngayon ang panibagong kinakaharap nating problema.


Palugi nang ibinebenta ang mga sibuyas ng ating mga magsasaka sa Occidental Mindoro, Central at Northern Luzon, at iba pang mga lugar sa ating bansa.


Umaaray ang ating onion farmers dahil sa bumagsak na sa P6 kada kilo ang presyo ng lokal na sibuyas. Angal nila eh kakumpetensya kasi ng mga imported na sibuyas ang kanilang lokal na ani.


Aminado si Mayor Romulo Festin ng San Jose, Occidental Mindoro na nakaimbak na lang talaga ang mga lokal na sibuyas at wala na halos bumibili o 'di na maibenta pa at pinag-iisipan na nilang magdeklara ng State of Calamity sa kanilang lalawigan. Nasa 17 barangay sa kanilang lugar ang apektado ng bagsak na presyo ng sibuyas.


Problema pa, walang sariling imbakan o cold storage ang mga magsisibuyas dahil wala silang sapat na pera.


Para mabenta ang mga inaning sibuyas, nakikipagtawaran na sila sa mga 'barat' na 'trader' na may sariling mga 'cold storage' para mabenta lang ang kanilang mga sibuyas.

Talagang aasa to the max na lang sila na mabilhan ng mga trader lalo na't wala silang sariling mga sasakyan o walang panggastos para sa maghahatid ng mga inaning sibuyas direkta sa mga palengke at iba't iba pang karatig lalawigan na puwede nilang suplayan nito.


Bukod d'yan, problemado rin sila sa pananalasa ng mga insekto sa mga taniman ng sibuyas na halos hindi na rin nila naaani dahil sa wala silang mapag-imbakan!

Santisima, samut-sari ang problema ng ating onion farmers, paano na lang sila?


Kawawa!


IMEEsolusyon natin tugunan ang hinaing ng mga lokal na lider na bigyan ng mga cold storage facilities ang mga magsasaka para 'di mabulok ang kanilang ani. Plis, Secretary Dar, simulan na natin sa ating mga magsisibuyas.


IMEEsolusyon din na mismong gobyerno na ang bumili sa kanila ng mga sibuyas at 'wag nang ipadaan pa sa ilang mga ganid na trader na nagagawa pang magsamantala sa mga lugmok nang magsisibuyas!


Ikatlo, ang 'UNLI' nating pakiusap sa Department of Agriculture, na plis rendahan n'yo naman ang importasyon ng mga agri-products. Harangin ang mga sobra-sobrang pag-aangkat ng mga agri-products na tulad ng sibuyas! Sa ngayon nakikita natin na 'di na kailangan ngayon ng onion importation!


Sang-ayon ako sa ilang nasa LGUs na nagsabing isang uri ng pananabotahe sa ating ekonomiya ang sobra-sobrang importasyon ng mga produktong pang-agrikultura, na pumapatay sa mga lokal nating mga produkto.


Agapan na natin ang pagbibigay-ayuda sa ating mga onion farmers at iba pang magsasaka. Kung may paghuhugutan pa naman ng pondo, Secretary Dar, baka puwedeng gora na sa direktang pagbili ng gobyerno sa mga produkto at gobyerno na rin ang magbenta nito sa mga pale-palengke, di bah?!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | April 9, 2022


Ano na naman itong napaulat na hirit na importasyon ng asukal? Hindi na ba tayo nadadala? Kahit ano pang importasyon ang gawin natin hindi naman ito nakakaibsan ng kahirapan ng ating mga kababayan di bah?!


Bakit ba meron na namang midnight deal sa importasyon ng asukal? Abah napakarami ha, 350,000 metriko toneladang asukal?! Que horror! Ang tanong, talaga nga bang kapos na kapos na tayo ng asukal? Ano bah!!!


Umaandar na naman ang utak-importasyon natin n’yan eh. Mr. Agriculture Secretary William Dar, please naman ‘wag mo sanang kampihan at pirmahan ang hirit ni Sugar Regulatory Administration chief Hermenegildo Serafica! Por Diyos por Santo, mag-se-Semanta Santa na kung hahabol pa ang kabalbalang ito ng importasyon.


FYI, Mr. Serafica, hindi mo man lang ba naiisip ang ating mga kababayang mga sugar workers? Matindi ang tama n’yan sa kanilang kabuhayan! Malaking dagok na nga ang hinaharap nila sa epekto ng napakamahal na abono, pandemya, mga kalamidad, giyera ng Ukraine at Russia, daragdagan n’yo pa ang kanilang pasanin?


Bakit ba import nang import ng mga produktong pang-agrikultura, ang dami nang epiko nang kapalpakan ito at mga magsasaka natin, mangingisda, magbababoy, at sugar workers ang nasasakripisyo parati!


IMEEsolusyon naman na bago magdesisyon at magpatupad ng mga ganyang importasyon na konsultahin naman ang naturang mga sektor. Ikalawa, alamin kung totoo talagang kapos o pini-peke lang at mini-midnight express ang pag-aangkat para sa pakinabang ng iilan!


Ikatlo, siguraduhing ipaprayoridad na mabenta ang mga lokal nating mga produkto bago ang mga imported! Hindi tayo aasenso sa utak-importasyon! Gusto ba nating tuluyan nang mawala ang ating lokal na mga produkto? Puro imported na lang?

Matindi ang epekto n’yan hindi lang sa sektor ng mag-aasukal kundi sa lahat ng mga mahihirap nating mga kababayan at ng ekonomiya ng ating bansa sa kabuuan! Plis, bago magpasya, siguraduhing walang masasagasaang sektor sa ating bansa. Magtika nang mabuti sa Semana Santa, para makapag-esep-esep nang tama! Agree?


 
 
RECOMMENDED
bottom of page