top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 17, 2022


Sa gitna ng pagluwag ng restriksyon sa COVID-19, marami ang nagiging kampante na at minsa’y nakakalimutang mayroon pa ring pandemya.


Kaya naman, kahit saan tayo lumingon sa mga malls, palengke, pasyalan, pampublikong sasakyan at kung saan-saan pa, hindi mahulugang-karayom ang pagdidikit ng mga tao — wala nang social distancing.


At heto na nga, meron ding ayaw nang magsuot ng face mask, nakakalimutan na ring mag-alcohol at ang obligasyong maghugas mabuti ng mga kamay.


Mga friendship, reminder, hindi pa tuluyang tapos ang pandemya. Humupa lang ang mga tinatamaan nito dahil marami na ang bakunado. Pero ‘wag tayong maging kampante at ‘wag balewalain ang mga pinaiiral na safety protocols.


Bagama’t nauunawaan natin ang mga negosyante sa panawagan nilang ‘wag gawing mandatory ang pagsusuot ng face mask, sa ganang akin, ‘wag muna tayong maging maluwag ng husto.


Aba, eh, ‘di ba nga, kasasabi lang ng Department of Health, nakapagtala sila ng ng 1,682 bagong kaso ng COVID-19 mula June 6 hanggang June 12 o average na 240 kada araw.

Ito ay 30.4 % na mas mataas sa kaso noong May 30 hanggang June 5.


Nakapagtala rin ng kabuuang 498 o 11.3% ng COVID-19 na mga pasyente sa mga ospital ang nasa malala at kritikal na kondisyon. Noong Lunes, nakapagtala naman ng 386 bagong kaso na pinakamataas sa daily cases o kaso ng COVID-19 kada araw sa nagdaang dalawang buwan mula noong April 13.


Pero iklaro lang natin, ‘yung mga lugar naman na talagang halos zero na ang kaso ng COVID-19, lalo na kung napakaluwag naman ng mga kalsada at lugar, puwede naman ikonsidera na ‘wag magsuot ng face mask.


Pero sa mga crowded area o mga espasyo tulad sa mga mall, sasakyan, palengke, eh, IMEEsolusyon para mas protektado tayo kailangan pa rin nating magsuot ng face mask.


Kailangan na nating masanay sa ganitong klaseng pamumuhay na kasama na si “COVID”.


Iba na ang nag-iingat at sumusunod sa mga patakaran para sa kaligtasan ng ating kalusugan at pamilya. Dahil kapag hindi tayo nag-ingat, hindi lang sakit ang ating magiging problema, kundi butas din ang ating bulsa. Pero, paano kung wala rin tayong mahuhugot na panggastos, lalo na’t krisis ngayon at mataas ang presyo ng mga bilihin, ‘di ba?!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 13, 2022


Ang taas ng pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo. Grabe, nasa P6.55 at P2.70 sa kada litro ng diesel at gasolina ang pagtaas! Juicekolord!


Angal to the max ang maraming tsuper sa taas ng presyo ng gasolina, kahit ‘yung mga may pribadong sasakyan.


At isa na nga sa mga dumaraing ay ang driver ng taxi na nasakyan ng isa nating staff.

Eh, sabi nga ni Tatay na nasa 70 plus na ang edad, kumakayod pa siya at bumibiyahe

mula ala-5: 00 ng gabi hanggang alas-12: 00 ng hatinggabi para man lang daw mabawi ang ginastos niya sa gasolina.


Biruin n’yo naman ‘yan, uugud-ugod na si tatay, pero hindi pa makauwi ng maaga kayod-kabayo kasi ang peg niya para masulit ang ikinargang mahal na gasoline, kawawa naman!


Hindi lang si Tatay, kundi lahat tayo ay butas ang bulsa sa sobrang taas na sirit ng diesel at gasolina — pasahero man ‘yan o nagmamay-ari ng pribadong sasakyan.


Eh, ‘di ba nga may domino-effect o chain reaction 'yan, siguradong taas-presyo rin ngayon ang maraming presyo ng mga bilihin. Santisima!


Ikinakasa na ng papasok na administrasyon ang mga puwedeng remedyo para mapababa ang presyo ng mga bilihin. At plis, tumulong tayo sa abot ng ating makakaya na mag-monitor sa mga posibleng magsamantala at mag-hoard ng mga produkto para dumoble kita, ha?


IMEEsolusyon na nakikita natin bilang chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, eh, payagan ng Department of Energy na mahaluan ng mas maraming bioethanol ang gasolina at diesel para mapababa ang presyo.


Kahit naman kasi obligado sa ilalim ng Biofuels Act of 2006 na haluan ng 10% na bioethanol ang mga produktong petrolyo, eh, puwede namang dagdagan kung papayagan ng DOE ang ihahalong bioethanol mula 15% hanggang 20% — na lebel na ligtas para sa mga sasakyang ang model ay mula 2001.


FYI, may mga napipinto pang kasunod na oil price hike, lalo na't magdudulot ng pabagu-bagong presyo hanggang sa susunod na taon ang mga sanction ng Western countries sa ini-export na langis ng Russia at ang limitadong pagtaas ng supply ng langis ng Middle East.


Saka plis lang, Department of Agriculture, IMEEsolusyon din na magtanim tayo ng sugarcane o mga tubo, sorghum, mais at kamoteng kahoy para sa produksyon ng sarili nating bioethanol, para naman hindi tayo palaging nakaasa sa mga imported mula sa Australia, U.S. at South Korea.


Gawin na natin ang mga IMEEsolusyon na 'yan ASAP para makatulong sa mga konsyumer, saka pantulong na rin natin ito sa bagong administrasyon bilang senador at SAP o Super Ate ng Pangulo!


 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | June 8, 2022


Nag-aalala tayo sa backlog ng mga gurong hindi pa rin nakakakuha ng mga eksaminasyon o licensure exam. Biruin n’yo naman, daing ng mga nagsipagtapos ng kursong edukasyon noong 2021 at makakatapos na rin ngayong 2022, na sa susunod na taon pa raw sila makaka-exam, ayon sa Professional Regulation Commission?


Paano na lang ‘yan? Ibig lang sabihin niyan, hindi sila makakapagtatrabaho sa taong ito! Santisima! ‘Ika nga, tengga na muna sila ngayong taon, hindi pa puwedeng mag-exam para makapagturo na sana. Hay naku!


Eh, paano sila magkakaroon ng tsansang magturo at kumita na pansuporta sa kanilang pangangailangan at pamilya kung ganyan na hindi pa sila pinakukuha ng exam? FYI, hindi na akma ‘yung ginawa noong nakaraang taon na maliliit na batch o grupo ang pinakuha ng Licensure Examinations for Professional Teachers dahil sa COVID-19.


Mas maluwag na kasi ngayon ang restriksiyon sa health safety protocols, ‘di ba! Hindi na rin ganun karami ang tinatamaan ngayon ng COVID-19 kumpara sa nagdaang taon.


IMEEsolusyon natin, ‘wag na ilimita ng PRC at Civil Service Commission na tanging ang mga nakatapos lang ng kursong edukasyon noong nakaraang taon at mas maaga pa sa 2021 ang makakakuha ng exam, plis lang!


Naku, eh, lalaki lang ang backlog ng mga nagtapos ng edukasyon pero hindi pa rin sila puwedeng magturo dahil hindi pa nakakakuha ng licensure exam. Kailangan na nilang magtrabaho at kumita, ‘wag na nating ipagkait ‘yan sa kanila.


IMEEsolusyon para mas mapabilis ng PRC at CSC ang pagbibigay sa kanila ng special exam, eh, isagawa na ang online version ng Licensure Examinations for Professional Teachers o LEPT. Eh, kundangan ba naman kasing magbingi-bingihan kayo sa aming panawagan na gawin na ‘yan noong kasagsagan pa ng pandemya, ‘di ba?!


Eh, kung ‘yung Career Executive Service Board at iba pang regulatory board ginagawa na ang online version ng exam, eh, bakit naman hindi puwedeng gawin ‘yan sa mga aspiranteng maging guro?!

Ibigay na ang mga pagkakataong makapaghanapbuhay sa madaling panahon ang mga nagtapos ng kursong edukasyon. ‘Wag na nating hintayin pa sa 2023 ang pagpapakuha sa kanila ng eksaminasyon! Agree?!

 
 
RECOMMENDED
bottom of page