top of page
Search

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 23, 2022


Nabuhay na naman ang napakainit na usapin sa West Philippine Sea o sa mga pinag-aagawang isla sa Spratlys.


Eh, kailan lang kasi ay namamasyal na naman ang mga barko ng mga Chinese sa ating inaangkin na teritoryo. Although kakarampot lang sila, nakita ng mga nagpapatrulyang barko ng Philippine Navy ang ilang barko ng China na nagkukumpulan sa isla.


Sabi ng embahador ng China sa ating bansa na si Huang Xilian, maganda pa rin ang relasyon ang Pilipinas at China na hindi dapat masira ng ganun-ganon na lang at daan pag-usapan ng masinsinan ang isyu ng teritoryo sa maayos na paraan.


Pero siyempre, hindi naman maiaalis sa ating mga kababayan na maging emosyunal sa isyung ito. Sa ganang akin, IMEEsolusyon na harapin ang isyung ito na kapwa malamig ang ulo ng China at Pilipinas. Imbes na magalit o uminit ang ulo, idaan natin 'yan sa “maboteng”, este mabuting usapan.


Puspusan tayong makipag-usap at isaayos ang mga “rules of engagement” o patakaran ng pakikipag-ugnayan ng Pilipinas at China tungkol sa mga insidente sa dagat.


IMEEsolusyon dito 'yung plantsahin na ang Code of Conduct sa South China Sea, kasama ang ating mga kapitbahay na bansa. Remember, hindi lang China ang claimant dito, kundi kasama rin ang Vietnam, Malaysia, Brunei at Taiwan.


At ingat din sa pagsulsol ng ibang bansa na itinuturing na kalaban ang China. Hindi tayo puwedeng maging kasangkapan ng kanilang sariling interes.


Kailangang mas matikas ang ating Navy at Coast Guard sa pagpapatrulya sa karagatan para maramdaman ang kanilang presensya, 'di ba? Sinusuporta natin ang karagdagang pondo para hindi naman sila menus-menosan ng anumang lahi na balak pumasok sa ating teritoryo. Agree?!

 
 

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | December 2, 2022


Ipinagmamalaki ko ang aking pagkababae, ang aking pagka-Pinay. Kaya naman, nakikibahagi ako sa paggunita ng buong daigdig sa “16-Day Campaign to End Violence Against Women”, na nagsimula noong Nov. 25. Ang ating pambansang kampanya ay pinalawig pa ng dalawang araw, hanggang December 12, bilang pag-alala sa makasaysayang paglagda noong 2000 sa UN Protocol to Prevent, Suppress and Punish Trafficking in Persons. Kinikilala nito na ang mga babae at bata ang karamihan sa mga biktima.


Bagama’t may mga umiiral na batas laban sa karahasan, tulad ng Anti-Violence Against Women and their Children Act (Republic Act 9262), ang Magna Carta of Women (RA 9710), pati ang Safe Spaces Act o ang “Bawal Bastos Law,” aminado tayong hindi pa rin matigil ang karahasan at pananakit sa kababaihan.


Ang IMEEsolusyon natin d’yan ay huwag bigyan ng taning o deadline ang pagsasampa ng kasong rape at iba pang porma ng karahasan sa mga nabibiktimang kababaihan at bata, lalo na kung ang may sala ay magulang, step-parent, tagapag-alaga o kamag-anak hanggang sa fourth degree of consanguinity o affinity.


Wala rin dapat kawala, habambuhay mananagot ang mga taong may awtoridad, impluwensya o tinatawag na moral ascendancy, lalo na sa mga lugar ng trabaho o training at sa mga institusyong pang-edukasyon.


Nakasaad ang ating panukala sa Senate Bill 1535 na inihain nitong nakaraang linggo.


Naniniwala ako na ang karamihan ng kalalakihang Pinoy ay magigiting at masigasig na poprotektahan ang kanilang nanay, kapatid, anak, apo, jowa, kaibigan at katrabaho laban sa karahasan sa kababaihan at kabataan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page