top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 29, 2023



Napakaimportante para sa akin lalo na sa panahon ngayon na mas mapalakas at mapaganda ang mga pangkalusugang pasilidad sa buong bansa lalo na sa malalayong komunidad.

Nakita naman natin ang naging epekto ng pandemya sa ating bansa. Nabulaga tayo dahil hindi naman natin inaasahan na darating ang ganitong pandaigdigang krisis sa ating buhay. Nahirapan ang ating mga healthcare worker, nagsiksikan ang mga pasyente sa mga ospital, at kinulang tayo sa mga kagamitan at pasilidad.

Gaya ng madalas kong sabihin bilang chair ng Senate Committee on Health, dapat tayong mag-invest sa ating healthcare system para maging mas handa tayo sa anumang krisis pangkalusugan. Tandaan natin na ang maayos na kalusugan ay katumbas ng mas ligtas at masaganang buhay para sa bawat Pilipino sa ating komunidad.

Hindi lang natin pinalalakas ang ating healthcare system, kundi inilalapit din natin mismo sa mga tao ang mga serbisyong medikal ng gobyerno. Sa 18th Congress ay naging principal sponsor tayo ng 69 na batas para sa pagpapaayos o pagpapatayo ng mga pampublikong ospital sa ating bansa.

Bilang vice chair ng Senate Committee on Finance naman, isinulong natin na mapondohan ang pagpapalawak pa ng mga pasilidad pangkalusugan sa iba’t ibang sulok ng bansa. Isa rito ang rehabilitasyon ng Sorsogon Provincial Hospital na ating binisita noong November 24. Mas pinalaki, pinaganda at nabigyan ng mga bagong medical equipment ang ospital dahil sa pondong ating isinulong noon. Itinayo rin doon ang Sorsogon Cancer Treatment Center na atin ding isinulong noon at binisita noong araw na iyon.

Sa pamamagitan naman ng Republic Act (RA) 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 na tayo ang principal author at sponsor, itinatatag ang Malasakit Center sa mga ospital na nasa ilalim ng Department of Health at iba pang kuwalipikadong pampublikong ospital. Isa itong one-stop shop kung saan pinagsama-sama na sa iisang bubong ang mga ahensya ng pamahalaan na nilalapitan ng ating mga kababayan kapag humihingi ng tulong pangmedikal sa pamahalaan.

Ang target ng Malasakit Center ay matulungan ng DSWD, DOH, PhilHealth at PCSO ang hospital bill ng pasyente. Kaya huwag kayong mahihiyang lumapit sa Malasakit Center dahil para sa inyo iyan.


Sa ngayon ay mayroon na tayong 159 Malasakit Centers sa buong Pilipinas, at batay sa datos ng DOH ay humigit-kumulang na 10 milyong benepisyaryo na ang nakinabang sa programang ito -- at patuloy pa sana itong madagdagan.

Sa suporta naman ng aking mga kapwa mambabatas, ng local government units at ng DOH, isinusulong din natin ang pagpapatayo ng mga Super Health Center sa buong bansa. Sa Super Health Center, inilalapit natin ang primary care, makakapagpakonsulta sa doktor ang mga may karamdaman, at maagang matutuklasan kung ano ang kanyang sakit para maiwasan ang tuluyang paglala nito. Noong 2022 ay napondohan ang pagpapatayo para sa 307 Super Health Centers, at 322 naman ngayong taon sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Isa rin tayo sa may akda at principal sponsor sa Senado ng RA 11959, o ang Regional Specialty Centers Act. Layunin nito na magtayo ng Regional Specialty Centers sa mga existing DOH regional hospitals. Ang mga specialty hospitals gaya ng Philippine Heart Center, Lung Center of the Philippines, Children’s Hospital at ang National Kidney and Transplant Institute ay karamihan ay nasa Metro Manila.


Ang mga pasyenteng taga-probinsya ay kinakailangan pang lumuwas para magpagamot. Dagdag pa sa iisipin nila ang pamasahe at kung saan sila tutuloy, gayundin ang gastusin sa araw-araw habang nasa siyudad. Ngayon, inilapit na natin ito sa kanila. Kung ano ang serbisyo, kakayahan, at kagamitan na mayroon sa mga specialty center sa Metro Manila, gayundin sana ang maipagkakaloob ng mga regional specialty center na itatayo sa bawat rehiyon sa pamamagitan ng batas na ito.


Bukod sa serbisyong pangkalusugan, patuloy rin nating inilalapit sa tao ang iba pang serbisyo at tulong mula sa gobyerno lalo na para sa mga komunidad na apektado ng krisis at sakuna. Basta kaya ng aking katawan at panahon, nais kong bumaba sa mga komunidad para makasama ang aking mga kababayan at tumulong sa abot ng aking makakaya.


Dumalo tayo noong November 25 sa ginanap na 95th National Assembly of the League of Vice Governors of the Philippines (LVGP) sa Pasay City sa paanyaya ni Vice Governor Katherine Agapay, ang kanilang national president. Magkaiba man kami ng posisyon sa gobyerno, nagpahayag ako ng aking suporta sa aming iisang hangarin na makapagserbisyo sa kanilang mga nasasakupan. Pinaalalahanan ko ang mga kapwa ko lingkod bayan na huwag pababayaan ang ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap.


Masaya ko ring ibinabalita na kahapon, November 28, ay nagkaroon na ng soft opening ang New Public Market Building sa Pili, Camarines Sur. Ang naturang proyekto ay isinulong nating mapondohan noon.


Nakarating naman ang aking opisina sa iba’t ibang lugar para alalayan ang mga komunidad na nangangailangan. Nagbigay kami ng tulong sa 49 residente ng Brgy. Calarian, Zamboanga City na naging biktima ng sunog kamakailan.


Nagbigay rin kami ng dagdag na tulong at suporta sa 300 mahihirap na residente ng Sarangani katuwang si Governor Ruel Pacquiao, bukod sa livelihood grants na natanggap nila mula sa DSWD.


May 650 na benepisyaryo rin sa Calapan City, Oriental Mindoro na ating tinulungan katuwang si Councilor Atty. Jelina Magcusi.


Naabutan din namin ng dagdag na tulong ang mga maliliit na negosyante gaya ng 20 sa Calasiao, Pangasinan kasama si Mayor Kevin Macanlalay. Nakatanggap din sila ng livelihood kits mula sa DTI mula sa programa nilang ating isinulong noon.


Patuloy nating ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino lalo na sa higit na nangangailangan ng tulong. Huwag nating pabayaan ang mga mahihirap nating mga kababayan na walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan. Bilang inyong lingkod-bayan, patuloy kong ipaglalaban ang kalusugan, kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino sa abot ng aking makakaya.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 25, 2023


Bilang Vice Chair ng Committee on Migrant Workers at miyembro ng Committee on Foreign Relations sa Senado, binibigyang-diin natin ang ating responsibilidad para sa kapakanan at kaligtasan ng ating mga migranteng manggagawa, lalo na sa mga lugar na may kaguluhan tulad sa Israel at mga karatig nitong bansa.

Kapag wala na ang giyera, sana makabalik muli sila sa kanilang trabaho sa ibang bansa. Ngunit ngayon, ang prayoridad dapat ay siguraduhing ligtas sila. Kaya sa pag-uwi ng ating mga OFWs na apektado ng pandaigdigang krisis tulad ng 42 na Pilipinong nailikas mula Israel kamakailan lamang, nananawagan ako sa pamahalaan na asikasuhin at ibigay ang lahat ng mga interventions na kailangan nila. Mahalaga na mayroon silang uuwiang kabuhayan dito at makakuha sila ng suporta mula gobyerno upang maalagaan ang kanilang mga pamilya.

Unang-una, siguraduhin natin ang ligtas na repatriation ng lahat ng Pinoy na nangangailangan ng saklolo sa mga lugar na may digmaan. Tulungan dapat silang makalikas at makauwi sa kanilang mga pamilya.


Pangalawa, importante rin ang sustainable at komprehensibong reintegration program pag-uwi nila. Dapat mayroong handa at maayos na sistema na makakapagbigay ng job counseling, skills retraining, suporta sa mental health, at iba pa.

Kailangang may kakayahan ang ating OFWs na makapagsimula muli nang may dignidad at pag-asa. Mahirap ang pinagdaanan nila roon. Nawalan na sila ng trabaho, may trauma pa ‘yan dahil sa kaguluhan na naranasan nila. Ibigay dapat sa kanila ang sapat na suporta at pag-aaruga pag-uwi nila sa kanilang inang bayan upang makabangon muli.

D’yan po papasok ang Department of Migrant Workers. Isa tayo sa may-akda at co-sponsor ng Republic Act 11641, na lumikha sa DMW. Nakadisenyo ang departamentong ito para protektahan ang ating OFWs mula sa deployment hanggang sa pagbalik nila sa Pilipinas. Higit kailanman, ngayon na ang panahon para gamitin ang batas na ito para mapangalagaan ang ating mga OFWs.

Nai-file din natin ang SBN 2414 o ang OFW Ward Act. Sakaling makapasa at maging ganap na batas, lahat ng ospital sa ilalim ng Department of Health sa buong bansa ay magkakaroon ng specialized ward para sa OFWs at kanilang pamilya na kailangang magpaospital.

Nar’yan din ang SBN 2297 na naglalayon na ma-institutionalize ang OFW Hospital sa Pampanga na ating isinulong noon. Dapat matiyak ang patuloy na operasyon nito sa pamamagitan ng pagkakaloob ng sapat na pondo, tauhan at equipment upang mas mapaganda ang pagkakaloob ng serbisyong medikal sa mga OFWs at kanilang pamilya.


Mayroon ding Malasakit Center sa ospital na ito na ating isinulong upang matulungan ang ating mga kababayan sa kanilang bayarin sa pagpapagamot.

Kamakailan ay naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill No. (SBN) 2221, o ang Magna Carta of Filipino Seafarers. Isa tayo sa may-akda at co-sponsor ng naturang panukala. Ang pag-aapruba ng panukalang ito ay isang tagumpay para sa ating unsung heroes, at isang testamento kung gaano natin pinahahalagahan ang kapakanan ng ating mga marino.

Kaya labis po ang ating pagkabahala para sa ating 17 Pilipinong marino na ngayon ay bihag ng mga rebeldeng Houthi mula sa Yemen. Nangyari ang insidente bilang bahagi ng kaguluhan sa rehiyon, at may kaugnayan sa gulo sa pagitan ng Israel at Hamas.


Bilang senador, nananawagan tayo sa lahat nang involved sa giyerang ito, na pakawalan ang mga walang kasalanan na naghahanapbuhay lamang at huwag sanang idamay sa karahasan.

Habang nagmamalasakit tayo sa pinagdaraanan ng mga Pilipinong nasa abroad, tuluy-tuloy naman ang ating paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan dito sa bansa na nangangailangan ng tulong.

Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, naging guest speaker tayo sa Philippine National Police Academy Intramurals noong November 22 sa Silang, Cavite. Muli nating ipinakita ang ating suporta sa kapulisan at nakiisa sa ating adbokasiya na i-promote ang sports bilang malaking parte ng nation-building. Sa mga kabataan, get into sports and stay away from illegal drugs to keep healthy and fit! Naging guest speaker din tayo sa Year-End Assembly Cum Continuing Local Legislative Education Program ng PCL-Iloilo Chapter na ginanap sa Davao City noong gabing iyon.

Noong November 23 ay dumalo tayo sa pagsisimula ng 31st Asia Pacific Parliamentary Forum sa Pasay City. Sa pamumuno ni Senate President Migz Zubiri, nakiisa tayo sa pag-welcome sa mga parliamentarians mula sa iba’t ibang kasaping bansa at nagbigay ng suporta sa mga gagawing dialogues at workshops.

Kahapon, November 24 ay nasa Sorsogon tayo at sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Sorsogon City. Nag-inspeksyon din tayo sa Sorsogon Provincial Hospital na ating tinulungan na ma-improve para mapaganda pa ang serbisyong medikal sa probinsya.


Itinayo rin doon ang Sorsogon Cancer Treatment Center na ating ipinaglaban na mapondohan noon. Binisita rin natin ang Malasakit Center na nasa naturang ospital at namahagi tayo ng libreng lugaw at iba pang tulong para sa mga pasyente at frontliners.

Pagkatapos ay nagpamahagi tayo ng dagdag na tulong sa 490 mahihirap na residente, na binigyan din ng pansamantalang trabaho ng DOLE. Dumalo rin tayo sa ginanap na Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA) 78th annual national convention kung saan pinahalagahan natin ang papel ng accountants sa good governance. Nagpapasalamat ako sa mga nakasama natin sa ating pagbisita sa Sorsogon lalo na kina Senator Chiz Escudero, Congresswoman Dette Escudero, Governor Boboy Hamor at Mayor Ester Hamor.

Nagbigay rin ng tulong ang aking opisina sa mga apektado ng iba’t ibang krisis gaya ng 21 residente ng Cagayan de Oro City, at dalawa sa Balamban at 14 sa Cebu City sa probinsya ng Cebu na naging biktima ng mga sunog.

Naabutan din namin ng dagdag na tulong ang 50 tour guides sa Samal City bukod sa naibigay na tulong mula sa livelihood program ng DSWD. Sa Laoag City, Ilocos Norte ay 200 na residente naman ang aming natulungan dagdag sa livelihood kits na ibibigay sa kanila ng DTI.

Nabigyan din ng hiwalay na tulong ang 169 displaced workers sa Lipa City, Batangas katuwang si Councilor Mikee Morada, 177 sa Botolan, Zambales katuwang si Samantha Ablola, at 600 sa Sta. Maria, Bulacan katuwang si Congressman Ador Pleyto.


Sa Davao del Sur ay natulungan din ang 207 sa Hagonoy katuwang si Mayor Jesus Dureza, at 198 pa sa Digos City katuwang naman si Governor Yvonne Cagas. Nabigyan din sila ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE.

Napakahirap ng sitwasyon ng ating mga kababayan na apektado ng iba’t ibang krisis sa loob at labas ng bansa. Magtulungan tayo at magmalasakit sa kanilang pinagdaraanan upang makabangon silang muli. Bilang lingkod bayan, prayoridad ko palagi ang kapakanan at kaligtasan ng bawat Pilipino, nasaan man sila sa mundo.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | November 22, 2023


Nakakalungkot na muli na naman tayong dinalaw ng sakuna noong November 17 kung saan tinamaan ng 6.8 magnitude na lindol ang southern Mindanao. Nagdulot ito ng malalaking pinsala sa lugar, at pinakaapektado ang bayan ng Sarangani sa Davao Occidental at maging ilang bayan sa lalawigan ng Sarangani kung saan may naiulat na siyam na nasawi.

Una sa lahat, nakikiramay ako sa mga pamilya ng nasawi. Hindi man natin masabi kailan darating sa ating buhay ang ganitong trahedya, sikapin nating maging mas handa upang maproteksyunan ang mga buhay ng ating kapwa Pilipino.

Ito ang lagi nating ipinaliliwanag at patuloy na panawagan kung bakit kailangan natin ng proactive na approach para sa disaster management sa ating bansa, at kung bakit isinusulong natin ang paglikha sa Department of Disaster Resilience (DDR).

Ang ating bansa ay laging tinatamaan ng iba’t ibang kalamidad gaya ng mga bagyo, lindol, pagputok ng bulkan, pagbaha at minsan ay may buhawi pa. Dahil dito, isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. 188, na naglalayon na itatag ang DDR para maging sentralisado ang pagkilos ng buong gobyerno, mapabilis ang koordinasyon at matiyak ang agaran at epektibong pagtugon sa mga emergency, sakaling makapasa at maging ganap na batas.

Umaasa ako na sa tamang panahon ay maipapasa na rin ito dahil kailangan talaga natin ng departamentong may cabinet-level na secretary para sa mas maayos at mas mabilis na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at ng local government units sa pagtulong sa ating mga kababayan sa panahon ng sakuna at kalamidad.

Kung maisabatas, malaki ang magiging papel ng itatalagang DDR secretary sa paghanda, pagsagip at muling pagbangon ng mga apektadong komunidad. Sa panahon ng kalamidad, ang isang aspeto na dapat nating mas maisaayos pa ay ang inter-agency coordination. Ito ang dahilan kung bakit matagal ko nang inirerekomenda na dapat magkaroon ng isang departamento na may secretary-level na in-charge para mayroong timon na tagapamahala ng preparedness, response, and resilience mechanisms pagdating sa ganitong mga krisis at sakuna.

Kung may DDR, ito na ang lalapitan natin. Ang ahensya na ang aatasan ng Pangulo at magiging timon para makapag-coordinate sa LGU officials at iba pang ahensya para magresponde sa anumang sakuna. Bago pa man dumating ang kalamidad, maghahanda na sila. Hindi na po malilito ang ating mga kababayan kung kanino at saan sila hihingi ng tulong at impormasyon.


Nakahanda na agad ang mga relief goods, at mabilis ang gagawing paglilikas sa mga tao sa ligtas na lugar.

Makikipagtulungan din ang DDR sa iba pang ahensya ng pamahalaan at lokal na mga opisyal sa rehabilitasyon ng lugar upang makabalik sa normal na pamumuhay ang mga apektado.

Bukod sa paglikha sa DDR, nag-co-sponsor din tayo sa Senate Bill No. 2451 o ang Ligtas Pinoy Centers bill. Ang panukala ay nakabatay sa Mandatory Evacuation Center bill na una na nating iniakda, na naglalayon na magtayo ng permanente at kumpleto sa pasilidad na evacuation centers sa mga siyudad, munisipyo, at probinsya sa buong bansa.

Napansin ko na kapag kailangang ilikas ang mga tao kapag may kalamidad at kahit kapag may sunog, walang maayos na evacuation center at mas nagiging kawawa ang mga apektado nating kababayan. Mahirap na nga ang sitwasyon na kanilang pinagdaraanan, mas pinapahirapan pa ang pagbangon dahil sa hindi angkop na pansamantalang masisilungan. Kung saan-saan lang sila inilalagay gaya sa mga covered courts at eskuwelahan. Sa ganitong kondisyon, naaabala pa ang pag-aaral ng mga bata, bukod pa sa nalalagay sa alanganin ang kalagayan ng mga evacuees.

Panahon na rin para magkaroon tayo ng evacuation centers na malinis, kumpleto sa pangunahing pangangailangan at pasilidad gaya ng pagkain, inumin, gamot, sanitation at tulugan. Titiyakin din natin na protektado ang mga apektado nating kababayan hanggang makabalik sila sa kanilang sariling tahanan.

Tuluy-tuloy naman ang ating paghahatid ng serbisyo at iba pang gawain sa labas ng Senado.


Noong November 18 ay sinaksihan natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Caraga, Davao Oriental. Dumalo rin tayo sa isinagawang farmers forum at personal na nagkaloob ng tulong sa 2,500 magsasaka. Nag-inspeksyon din tayo sa itinayong activity center dito na ating isinulong na mapondohan noon.

Matapos ito ay dumiretso tayo sa Mati City at sinaksihan ang pagtu-turnover ng mga motor banca engines sa mga mangingisda sa Dahican na nai-donate ng Manila Metro Premier PH Eagles Club. Ininspeksyon din natin ang itinatayong Super Health Center sa nasabi ring lugar.

Nakarating naman ang aking team sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa para magkaloob ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis, gaya sa ginanap na medical mission sa Meycauayan City, Bulacan kung saan 500 residente ang naging benepisyaryo katuwang ang tanggapan ni Councilor Kat Hernandez. Nagbigay rin tayo ng regalo sa 225 TESDA graduates sa Cordova, Cebu katuwang ang Call Center Academy.

Maagap din tayong umalalay sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog at naayudahan ang 127 residente ng Sta. Rosa City, Laguna; 17 sa Brgy. Alabang, Muntinlupa City; at 12 sa Barangay Tambo, Island Garden City of Samal.

Nabigyan rin ng dagdag na tulong ang mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 400 na residente ng Santa Maria, Bulacan katuwang ang mga tanggapan nina Sen. Joel Villanueva at Mayor Omeng Ramos; at 277 pa sa Polangui, Albay katuwang ang tanggapan ni Mayor Adrian Salceda.

Nabigyan din ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng pansamantalang trabaho ng Department of Labor and Employment.

Naabutan din ng tulong ang mga maliliit na negosyante gaya ng 250 sa Laoag City, Ilocos Norte; 120 sa iba’t ibang bayan sa Bohol; at 33 sa Mangatarem, Pangasinan.


Nakatanggap din ang mga ito ng livelihood kits mula sa national government.

Nakapagbigay rin tayo ng tulong sa sampung farmer associations mula sa probinsya ng Sultan Kudarat, sa pakikipag-ugnayan sa opisina ni Governor Datu Pax Ali Mangudadatu.

Ang ating adbokasiya para sa paglikha sa DDR at pagkakaroon ng maayos na evacuation centers sa buong bansa ay kaugnay ng ating laging ipinaglalaban na mapangalagaan ang ating mga kababayan sa harap ng anumang sakuna at kalamidad. Kung gaano kabilis at kadalas ang pagdating ng krisis sa ating bansa, dapat lamang na maging mas mabilis, mas maayos, at mas maaasahan ang ating serbisyo upang maprotektahan ang kapakanan at buhay ng bawat Pilipino.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page