top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 13, 2023


Bahagi ng ating layunin bilang chair ng Senate Committee on Health na mapalakas ang ating healthcare system at mapaganda ang kalagayan ng ating mga healthcare workers — kabilang dito ang mga nasa sektor ng medical technology.


Noong simula ng Disyembre ay isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. (SBN) 2503, o ang magiging “Philippine Medical Technology Act of 2023”. Kung maisabatas, layunin nito na mas makasabay ang ating medical technologists sa global practices and standards ng kanilang larangan, maisulong ang kanilang kapakanan, at ma-update ang mga kasalukuyang umiiral na batas na ilang dekada nang nand’yan, partikular ang Republic Acts No. 5527 at 6138, gayundin ang Presidential Decrees No. 498 at 1534 na gumagabay sa sistema ng medical technology sa ating bansa.


Sa ginanap na 59th Annual Convention of the Philippine Association of Medical Technologists Inc. (PAMET) noong December 5 kung saan naimbitahan tayo bilang panauhing pandangal kasama si Sen. JV Ejercito, binigyang-diin natin na napakaimportante na kilalanin ang napakahalagang papel na ginagampanan ng medical technologists. Malapit sila sa puso ko dahil sa malaking ambag ng mga MedTechs sa paglaban natin sa mga sakit at hamon sa kalusugan ng ating mga mamamayan.


Ibinahagi ko sa kanila na ang SBN 2503 ay naglalayong sagutin ang kanilang mga hinaing na ipinarating nila sa aking tanggapan. Kabilang dito ang pagkakaroon ng mas komprehensibong paglilinaw kung anu-ano ang sakop ng trabaho ng medical technologists gaya ng iba’t ibang laboratory procedures and techniques, gayundin ang pagtuturo at pamamahala sa mga estudyante sa mga educational institutions na nag-o-offer ng Medical Technology courses.


Mahalagang bahagi ng SBN 2503 ang panukala na mapataas ang kanilang suweldo, madagdagan ang mga benepisyo, at naproteksyunan sila laban sa mga banta na kasama sa kanilang trabaho.

 

Dapat din ay magkaroon sila ng maayos na lugar sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin, at magkaroon ng oportunidad para sa kanilang professional growth. Hangad din ng ating panukala ang pagtatatag ng Professional Regulatory Board of Medical Technology, sa ilalim ng pangangasiwa ng Professional Regulation Commission.


Sa mga MedTechs, bukas palagi ang aming opisina para pakinggan kayo at hingin ang inyong mga opinyon upang masiguro na makakabenepisyo kayo sa anumang batas na aming ipapasa para sa inyo.


Patuloy nating itinataas ang pamantayan sa medical practice sa ating bansa. Bukod sa SBN 2503, isinumite rin natin ang SBN 191, o ang “Advanced Nursing Education Act of 2022,” na layuning maparami ang educational opportunities para sa ating nurses, at matiyak na taglay nila ang mga skills at kaalaman para matugunan nila ang pangangailangan ng ating healthcare sector.


Samantala, tuluy-tuloy ang ating pagseserbisyo para sa iba’t ibang sektor sa buong bansa upang matulungan ang ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap sa abot ng aking makakaya.


Pinangunahan natin ang panunumpa ng bagong class officers ng Public Safety Officers Senior Executive Course (PSOSEC) Class 2023-07 noong December 9 sa Davao City. Ipinaalala ko na buo ang aking suporta sa ating kapulisan, kasundaluhan at iba pang uniformed personnel na nangangalaga sa kaligtasan ng ating bansa.


Nasa Oriental Mindoro naman tayo noong December 10 at dumalo tayo sa ginanap na Araw ng Pasasalamat sa Calapan City, kung saan opisyal na idineklara tayo bilang Adopted Son ng lalawigan. Nagpapasalamat tayo kay Governor Bonz Dolor, Vice Governor Ejay Falcon, sa Sangguniang Panlalawigan, mga alkalde, bise-alkalde, mga konsehal, barangay captains, at SK officials. Isang malaking karangalan po ito para sa akin na maging inyong kalalawigan. Naroon din si Senator Win Gatchalian na ginawaran din ng pagkilala bilang Adopted Son din ng lalawigan. Matapos nito ay personal kong sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Bansud kasama sina Mayor Ronnie Morada at Vice Mayor Rico Tolentino. Mahigit 600 na Super Health Centers ang napondohan sa sa taong 2022 at 2023, sa tulong ng aking mga kapwa mambabatas, DOH at LGUs, para mailapit ang pangunahing serbisyo medikal sa taumbayan lalo na sa mga liblib na lugar.Nakarating naman ang aking Malasakit Team para maghatid ng tulong sa iba’t ibang komunidad. Naayudahan natin ang 99 na biktima ng insidente ng sunog sa Brgy. 732 at Brgy. 739 sa Malate, Maynila. Natulungan din ang 1,000 mahihirap na residente sa Hermosa, Bataan.Nabigyan din ang 25 na naapektuhan ng bagyong Paeng sa Malapatan, Sarangani Province, bukod pa ang natanggap din na housing assistance na mula sa NHA sa pamamagitan ng programang ating isinulong noon para makabili ng pako, yero at iba pang materyales na pampaayos ng bahay ang mga biktima ng sakuna.Nagbigay rin tayo ng dagdag suporta at tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 177 sa Hermosa, Bataan katuwang si Board Member Tony Roman; 196 sa Ronda, Cebu kasama si Mayor Terence Blanco; 278 sa Pontevedra  kasama si Mayor Joemar Alonso at sa Bago City kasama si Vice Governor Jeffrey Ferrer sa Negros Occidental; 513 sa Roxas City, at 250 sa Pilar, mga lugar sa Capiz katuwang si Governor Fredenil "Oto" Castro. Nabigyan din ang mga ito ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE.Naayudahan din ang 200 hog owners and raisers sa Tangalan, Aklan na ang negosyo ay naapektuhan ng African Swine Flu, katuwang si Governor Joen Miraflores; 70 miyembro ng Guindulman Women’s Association for Progress and Advancement sa Guindulman, Bohol kasama ang kanilang presidente na si Marivic Golosino; 50 miyembro ng iba’t ibang asosasyon sa Kalinga katuwang si Governor James Edduba; at 30 miyembro ng iba’t ibang sektor sa boli, South Cotabato kasama si Councilor Swain de Groot. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng hiwalay na tulong pangkabuhayan mula sa gobyerno.Nakapag-abot din tayo ng dagdag na pamaskong handog para sa ilang residente ng Quezon City, katuwang si Councilor Mikey Belmonte.Ngayong panahon ng Kapaskuhan, bigyan natin ng dagdag na importansya ang pagmamalasakit sa kapwa. Pangalagaan din natin ang ating kalusugan upang masigurong ligtas ang ating pamilya at komunidad. Higit sa lahat, isapuso natin ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa sa abot ng ating makakaya, dahil ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 6, 2023


Kinokondena ko ang ginawang pagpapasabog ng mga terorista sa Dimaporo Gym ng Mindanao State University sa Marawi City habang may ginaganap na misa noong December 3.


Itinaon pa sa First Sunday of Advent, na isang mahalagang araw para sa mga kababayan nating Katoliko. Nagresulta ito sa pagkamatay ng apat na biktima. Nasugatan din ang 45 katao na agad isinugod sa Amai Pakpak Medical Center para malapatan ng lunas.


Nagpahatid din tayo ng taus-pusong pakikiramay sa mga pamilya ng mga namatayan at nasaktan sa pag-atakeng ito. Masakit para sa sinumang magulang, kapatid o anak, ang mawalan ng mahal sa buhay, lalo na kung dulot ng karahasan.


Bilang vice chair ng Senate Committee on National Defense at maging ng Committee on Public Order, nananawagan din ako sa ating law enforcers na tugisin ang sinuman na responsable sa karahasang ito at ipataw sa kanila ang nararapat na kaparusahan na naaayon sa ating mga batas. Kailangang makamit ng mga biktima ang hustisya sa lalong madaling panahon.


Binigyang-diin ko rin na napakahalaga na maprotektahan ang ating mga educational institutions sa mga ganitong akto ng terorismo. Ang pagtiyak na ligtas ang ating mga estudyante sa anumang banta ng terorismo ang dapat nating maging pangunahing prayoridad para mapalaganap ang panatag na learning environment para sa ating mga kabataan.


Sa gitna ng ganitong trahedya, nanawagan din ako sa ating mga kababayan na manatiling matatag at nagkakaisa. Ang gawain at layunin ng terorismo ay ang maghatid ng takot sa mga tao.


Kung hahayaan natin ang ating mga sarili na mamuhay na may malaking sindak sa ating mga kalooban ay magwawagi ang mga terorista. Dapat tayong manatiling buo ang loob at hindi nagkakawatak-watak. Huwag nating hayaan na ang nangyaring krimen ay maging mitsa ng hidwaan sa pagitan ng mga sektor sa ating lipunan at lalong magpalaki sa pagkakahati-hati ng mga Pilipino.


Gusto ko ring banggitin ang naging karanasan natin sa Marawi City at kung paano nagpakatatag ang mga residente roon matapos silang atakihin ng mga terorista noong May 2017 noong panahon ni dating pangulong Rodrigo Duterte at nagkaroon ng matagal na labanan hanggang mabawi ng puwersa ng ating gobyerno ang siyudad. Sa ngayon, ang ating mga kapatid doon ay bumabangon pa mula sa madilim na abo ng Marawi Siege habang patuloy pa ang pagbibigay ng compensation na alam naman natin na hindi pa sapat upang tuluyang maibalik ang mga nasirang gusali at kabuhayan ng mga biktima.


Huwag nating hayaan na ang panibagong aktong ito ng karahasan ay maging sagabal sa ating mga naging pagsisikap na makamtan ang pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa Marawi City, kung saan ang mga taong naninirahan ay mapayapang namumuhay nang sama-sama at may respeto sa isa’t isa sa kabila ng kanilang pagkakaiba ng relihiyon at paniniwala.


Samantala, tuluy-tuloy naman ang ating pagseserbisyo para sa iba’t ibang sektor sa buong bansa upang matulungan ang ating mga kababayan lalo na ang mga mahihirap sa abot ng aking makakaya.


Bilang chair ng Senate Committee on Sports, dumalo tayo noong December 4 sa ginanap na 3rd Siklab Youth and Sports Awards sa Market Market, Taguig City sa imbitasyon ng PSC-POC Media Group. Nagpapasalamat tayo sa ipinagkaloob sa atin na Godfather of the Year Award dahil sa ating suporta sa sports sector ng ating bansa.


Kinilala rin at binigyang-pugay sa pagtitipon ang mga atletang kabataan na nagpamalas ng galing, talento at determinasyon sa larangan ng palakasan at nagdala ng karangalan para sa ating bansa. Ang palagi kong paalala sa lahat, ‘get into sports, stay away from drugs to keep healthy and fit!’


Kahapon, December 5, ay naging guest speaker tayo sa opening ceremonies ng 59th Philippine Association of Medical Technologists, Inc. (PAMET) Annual Convention sa kanilang paanyaya.


Inilahad ko ang aking buong suporta sa ating medical professionals kasama na ang mga MedTechs bilang pagkilala sa kanilang papel upang mapalakas ang ating health sector.


Dumalo rin tayo sa year-end activity at Christmas party ng Provincial Board Members League of the Philippines (PBMLP) Region 8 na ginanap sa Maynila noong gabing iyon.


Pinaalalahanan ko ang mga kapwa ko lingkod bayan na kahit magkaiba kami ng posisyon, iisa ang aming hangarin na magserbisyo sa aming kapwa.


Nabigyan naman ng tulong ng aking opisina ang mga naging biktima ng insidente ng sunog gaya ng 13 residente ng Butuan City, at isa pa sa Nasipit, Agusan del Sur.


Napagkalooban din sila ng tulong pinansyal para pambili ng gamit sa pag-aayos ng kanilang bahay mula sa programa ng National Housing Authority na ating isinulong noon at sinusuportahan hanggang ngayon.


Nabigyan din namin ng tulong ang 920 mahihirap na residente ng Gapan City, Nueva Ecija katuwang ang tanggapan ni Cong. GP Padiernos.


Gayundin, ang 16 maliliit na negosyante sa Makilala, North Cotabato ay nabigyan din ng tulong ng ating tanggapan bukod pa sa natanggap nilang livelihood kits ng DTI mula sa programa nilang ating isinulong at patuloy na sinusuportahan.


Natulungan din natin ang mga nawalan ng hanapbuhay gaya ng 205 sa Tuguegarao City katuwang si Mayor Maila Ting, at 180 sa Dumangas, Iloilo katuwang si Mayor Toto BJ Biron.


Pinagkalooban din ang mga ito ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Samantala, bilang pagsuporta sa OFWs at pagkilala sa importansya ng sports sa nation-building, nagkaloob din tayo ng mga bola at shirts sa mga nakiisa sa basketball match sa pagitan ng mga celebrities at ng mga pamilya ng ating overseas Filipino workers na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila, sa imbitasyon ni OFW Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino.


Lagi nating tandaan na ang mga kababayan natin ay gustong lamang mamuhay nang tahimik.


Bigyan natin ang ating mga kapwa Pilipino ng mas ligtas at mapayapang buhay at proteksyunan natin sila laban sa hirap at karahasan. Magtulungan tayo para makamtan ito.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | December 2, 2023


Tumataas na naman ang mga kaso ng respiratory illnesses gaya ng COVID-like flu sa China gayundin sa USA.


Gaya ng madalas kong sabihin noon pa man na huwag tayong maging kumpiyansa. Kahit patungo na tayo sa pandemic recovery, nand’yan pa rin ang banta ng ibang nakahahawang sakit.


Kaya kung hindi naman magiging sagabal sa parte ninyo, ipinapayo ko bilang chair ng Senate Committee on Health na magsuot pa rin ng face mask. Kung nagawa nating magsuot nito sa loob ng dalawang taon, kakayanin din natin ngayon kahit hindi na mandatory. Importante pa rin na mag-ingat tayo dahil sa mga respiratory illnesses na kumakalat.


Sa ngayon, kahit hindi naman kailangang ibalik ang mandatory na pagsusuot ng face mask, pero ineengganyo ko ang ating mga kababayan na mas makabubuti kung mag-ingat pa rin tayo.


Natutuwa ako na nakikitang marami pa rin naman ang nagsusuot ng face mask sa ngayon.


Kung mayroon kayong nararamdaman sa inyong katawan ay agad na kayong magpa-checkup. Sa mga lugar na mayroon ng Super Health Center, magpakonsulta na agad kayo para sa early detection kung ano ang inyong sakit at mapigilan ang paglala. Kaya natin isinulong na magpatayo ng SHC ay para mailapit sa inyo ang serbisyo medikal ng gobyerno. Matutulungan din kayo ng Malasakit Center sa inyong hospital bill.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, kaya natin pinagsusumikapang maparami ang mga health facilities ng gobyerno ay para ilapit natin ang serbisyo medikal sa ating mga kababayan lalo na sa mga sitwasyon na tulad nito para hindi na maulit ang nangyari noong pumutok ang pandemya na nabulaga tayo, na halos bumagsak ang ating healthcare system at nahirapan ang ating mga healthcare workers.


Nananawagan naman ako sa DOH na mahigpit na i-monitor ang sitwasyon sa ibang bansa kung saan kumakalat ang iba’t ibang sakit. Huwag nating hayaan na magkaproblema tayong muli at baka bumalik na naman sa pagsasara ng ating ekonomiya. Habang bumabalik na tayo sa dating sigla ng ating ekonomiya, mag-ingat pa rin tayo. Mas importante sa akin ang kalusugan ng bawat Pilipino. Ang katumbas ng kalusugan ay buhay ng bawat isa. Kung kinakailangan nating magpatawag ng pagdinig sa Senado ay gagawin natin para malaman ang plano at preparasyon na gagawin ng DOH.


Sa parte ko, lagi kong inuuna ang pagpapalakas at pag-i-invest sa ating healthcare system. Marami tayong isinusulong sa Senado gaya ng mga panukala para magtayo ng Center for Disease Control o National Disease Prevention Management Authority, at ang Virology Science and Technology Institute para maisabatas ang mga ito dahil importante na maging laging handa tayo.


Bukod dito, pinoprotektahan din natin at sinusuportahan ang ating healthcare workers.


Muli tayong nanawagan sa DOH at sa Department of Budget and Management na ibigay na agad ang kanilang unpaid COVID-19 Healthcare Emergency Allowance.


Napagtrabahuhan na nila ito, nagsakripisyo sila at ang iba ay nagbuwis pa ng buhay kaya marapat lang na ibigay na sa kanila ang para sa kanila. Kung may pondo ang gobyerno, unahin itong mga healthcare workers natin. Hindi naman natin mararating itong kinatatayuan natin ngayon kung hindi dahil sa ating mga frontliners, at sa kanilang naging sakripisyo.


Samantala, tuluy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo ng inyong Senator Kuya Bong Go sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Nasa Bohol tayo noong November 29 at nag-inspeksyon sa itinayong sports complex sa Candijay na ating sinuportahan kasama ang kapwa ko mga senador at lokal na pamahalaan. Matapos ito ay ininspekyon din natin ang itinayong Super Health Center, sa Candijay pa rin. Naging panauhin din tayo sa ginanap na 169th Candijay Foundation Day. Pinasalamatan natin ang mga opisyal sa lugar tulad nina Gov. Aris Aumentado, Vice Gov. Dionisio Victor Balite, Cong. Alexie Tutor, Candijay Mayor Thamar Olaivar at Vice Mayor Toper Tutor, at iba pang mayors, vice mayors at opisyal ng mga karatig na bayan.


Noong November 30, dumalo rin tayo sa pagsisimula ng Bicameral Conference Committee ng General Appropriations Bill o House Bill 8980 kasama ang mga kapwa natin mambabatas para talakayin ang panukalang batas para sa magiging budget ng ating bansa sa 2024. Mahigpit nating ipinaglaban dito ang mga karagdagang pondo para sa sektor ng kalusugan at sports.


Matapos ito ay naging panauhin naman tayo sa ginanap na 48th Institute of Integrated Electrical Engineers of the Philippines Annual National Convention na ginanap sa Pasay City. Sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Malabon City kasama si Mayor Jeannie Sandoval. Namigay din tayo ng kaunting grocery packs para sa mga indigents sa lugar.


Dumalo rin tayo sa ginanap na 2nd NCR Senior Citizens Stakeholders Summit 2023 sa Pasay City.


Iba-iba man ang sektor na ating nakasama, nagpahayag ako ng suporta sa kanila para matulungan at maprotektahan ang kanilang kapakanan.


Masaya ko namang ibinabalita na kahapon, December 1, ay idinaos na ang turnover ceremony ng multi-purpose building, day care centers at isang multi-purpose vehicle sa Brgy. Malabog, Paquibato District, Davao City. Ang mga nabanggit na proyekto ay ating isinulong na mapondohan noon.


Nakarating naman ang aking team sa iba’t ibang komunidad para maghatid ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Namahagi tayo ng tulong sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog sa Davao City gaya ng 27 sa Barangay 23-C; at 12 pa sa Barangay Pampanga, Buhangin District.


Natulungan din ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 645 sa Roxas, Oriental Mindoro katuwang si Mayor Leo Cusi; 180 sa Victorias City, Negros Occidental katuwang si Konsehal Derek Palanca; 96 sa Masbate City kasama si Board Member Alan Cos; at 500 sa Hagonoy, Bulacan katuwang ang opisina ni Majority Leader Senator Joel Villanueva. Nabigyan din ang mga benepisyaryo ng pansamantalang trabaho ng Department of Labor and Employment.


Naayudahan natin ang 15 mahihirap na residente ng Malungon, Sarangani, na nakatanggap din ng livelihood kits mula sa Department of Trade and Industry.


Nakiisa rin tayo sa pamamahagi ng Pamaskong Handog, kasama si Councilor Mikey Belmonte, sa ilang mga residente ng Quezon City. Namahagi tayo sa kanila ng ilang bola, t-shirts, at cellphone pop sockets.


Sa mga aral na natutunan natin sa pandemya ay napakaimportante na lagi tayong handa, one step ahead at higit sa lahat ay patuloy na nag-iingat para pangalagaan ang ating kalusugan. Uulitin ko na huwag tayong maging kumpiyansa. Maging disiplinado tayo at magmalasakit tayo sa ating kapwa para protektado ang buhay ng bawat isa sa ating komunidad.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page