top of page
Search

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 17, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Isang magandang balita ang hatid natin ngayon dahil 166 na ang Malasakit Centers na naitayo sa buong Pilipinas. Kahapon ay sinaksihan ng aking opisina, kasama ang lokal na pamahalaan na pinangungunahan ni Gov. James Edduba at mga opisyales ng DOH, ang paglulunsad ng pinakabagong Malasakit Center na nasa Kalinga Provincial Hospital sa Tabuk City.


Sa pinakahuling datos na inilabas ng DOH, humigit-kumulang 10 milyong Pilipino na ang natulungan ng Malasakit Centers Program. Nakakataba ng puso na malamang nakikinabang ang mga kababayan sa programang isinulong natin noon at naisabatas sa pamamagitan ng RA 11463 o ang Malasakit Centers Act of 2019 na aking pangunahing iniakda at inisponsor sa Senado.


Napakahalaga ng mga inisyatiba tulad ng Malasakit Centers para kahit papaano ay nababawasan ang gastusin ng isang pasyente at nailalaan nila ang kanilang budget sa ibang bagay gaya ng pagkain. Dahil one-stop shop ito kung saan mas madaling makakakuha ng medical assistance mula gobyerno ang mga mahihirap na maysakit, hindi na nila kailangang bumiyahe pa sa iba’t ibang opisina upang makahingi ng tulong pampagamot.


Kung tutuusin, pera naman ng taumbayan ‘yan, ibinabalik lang sa kanila sa pamamagitan ng mabilis, maayos at maaasahang serbisyo para sa kanilang kalusugan.


Huwag kayong mahihiyang lumapit sa mga Malasakit Centers para ‘yan sa mga Pilipino. Nalulungkot ako tuwing may mga nag-aalangang magpatingin sa doktor dahil natatakot sila sa babayaran sa hospital. Pangalagaan niyo ang inyong kalusugan at ang Malasakit Center ay handang tumulong sa inyo!


Bilang chair ng Senate Committee on Health, hindi ako titigil sa aking adbokasiya na ilapit ang serbisyo medikal lalo na sa mga mahihirap. Kaya bukod sa Malasakit Centers, isinusulong din natin at nakikipagtulungan tayo sa DOH, kapwa mambabatas at LGUs para maparami naman ang Super Health Centers sa Pilipinas.


Ang Super Health Centers ay medium-sized polyclinic pero higit na mas malaki naman sa karaniwang health centers. Kabilang sa mga serbisyo nito ang database management, outpatient, birthing, isolation, laboratory gaya ng x-ray at ultrasound, pharmacy, at ambulatory surgical unit. Sa tulong ng lokal na pamahalaan ay pwedeng dagdagan ang mga serbisyong pangkalusugan dito.


Mayroong 700 Super Health Centers na pinondohan sa buong bansa, at ang iba ay naipatayo na. Noong July 13 ay binisita natin ang itinayong SHC sa Mati City, Davao Oriental upang mailapit ang pangunahing serbisyong pangkalusugan sa komunidad.


Habang nasa Davao Oriental tayo noong Sabado ay naghatid din tayo ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng Mati City katuwang si Mayor Michelle Rabat bukod sa tulong pinansyal mula sa lokal na pamahalaan na ating sinuportahan. Mayroong 1,639 pa tayong natulungan doon na mahihirap kasama si Gov. Niño Uy.


Dumalo rin tayo sa pagdiriwang ng Mati National Comprehensive High School 77th Founding Anniversary Grand Alumni Homecoming sa paanyaya nina Batch President Atty. Apple Cherrie Amolata Javier.


Bumisita rin tayo sa bayan ng Caraga para sa pagdiriwang ng Araw ng Caraga at Kaan Silatan Festival at pinasalamatan ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Ronie Osnan, sa mainit na pagtanggap. Natulungan din natin doon ang 2,250 mahihirap sa Caraga katuwang si Cong. Nelson Dayanghirang, Sen. Robin Padilla at Sen. Francis Tolentino.


Bumisita naman tayo sa Bohol noong July 15. Katuwang sina Mayor Jane Yap at dating mayor Baba Yap ay nagkaloob tayo ng dagdag-tulong sa 1,666 mahihirap na residente ng Tagbilaran City bukod sa tulong pinansyal ng lokal na pamahalaan na ating sinuportahan. Binisita rin natin ang Malasakit Center sa Gov. Celestino Gallares Memorial Hospital at namahagi ng lugaw sa mga pasyente at hospital staff.


Kahapon, July 16, mga kababayan naman natin sa Northern Samar ang ating binisita. Kasama si Gov. Edwin Ongchuan ay naghatid tayo ng tulong sa 1,664 mahihirap na residente ng Silvino Lobos bukod sa tulong pinansyal na naibahagi ng lokal na pamahalaan na ating sinuportahan. Natulungan din namin ang 1,000 mahihirap na residente ng Catarman katuwang si Mayor Antet Rosales bukod sa pansamantalang trabaho na ibabahagi sa kanila ng gobyerno. Nag-inspeksyon din tayo sa Malasakit Center na nasa Northern Samar Provincial Hospital at nagpalugaw doon. Inispeksyon din natin ang Catarman Public Market na ating isinulong na mapaayos noon bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance.


Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan tulad ng 47 pamilyang nabiktima ng sunog sa Muntinlupa City.


Naghatid din tayo ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng San Policarpo, Eastern Samar katuwang si Mayor Conrado Nicart; at 1,000 sa Tapaz, Capiz kasama si Mayor Nonong Palomar.


Umalalay tayo sa mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 571 sa Sablayan, Occidental Mindoro katuwang si Mayor Bong Marquez; 40 sa Tuguegarao City, Cagayan kaagapay si Board Member Mila Lauigan; 111 sa Cortes, Surigao del Sur kaagapay si Mayor Josie Bonifacio; 1,000 sa Valenzuela City katuwang si Mayor Wes Gatchalian; 33 sa Cainta, Rizal kasama si Councilor Ruru Ferriols; 155 sa Tacurong City, Sultan Kudarat katuwang si Mayor Joseph Lechonsito; at 111 sa Sapang Dalaga, Misamis Occidental kaagapay si Mayor Donjie Animas. Sa ating inisyatiba, ang mga benepisyaryo ay mabibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Binalikan naman natin at binigyan ng tulong ang pitong residente ng Manolo Fortich, Bukidnon. Nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong noon upang may pambili sila ng materyales tulad ng pako at yero pampaayos ng kanilang tirahan.


Sikapin sana natin na walang maiiwan sa ating muling pagbangon at patuloy nating ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga nangangailangan nito lalo na pagdating sa kalusugan. Tandaan na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.


Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa inyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa kapwa ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 14, 2024


Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Sa mga graduation na ating dinaluhan, may isang bagay na paulit-ulit kong naririnig mula sa mga graduating student na nakakausap natin. Bukod sa makatapos ng pag-aaral sa eskwelahan, gusto rin nilang maka-graduate mula sa kahirapan.


Edukasyon ang puhunan natin sa mundong ito. At ang mga kabataan ang kinabukasan at future leaders ng ating bayan. Obligasyon nating nakatatanda na ituro at gabayan sila sa kanilang paglabas sa mas malawak na mundo. At sa hangarin nilang makamit ang mga pangarap, pabaon nating mensahe, “Never stop chasing your dreams. Go lang nang go!”


Sa ginanap na 22nd Commencement Exercises ng Gordon College sa Olongapo City, Zambales noong July 11 na naimbitahan ako bilang guest speaker, isang pagbati at paghanga sa mga nagsipagtapos dahil sa kanilang determinasyon sa kabila ng maraming hamon.


Kinilala rin natin ang sakripisyo ng mga magulang ng mga nagsipagtapos. Pinapurihan natin ang mga guro sa kanilang commitment na maibigay ang dekalidad na edukasyon. Bilang adopted son ng Zambales, patuloy ang ating suporta para sa edukasyon ng mga mag-aaral sa lalawigan. Mayroon tayong siyam na scholars na tinutulungan sa naturang kolehiyo.


Bilang keynote speaker sa University of Perpetual Help System-Delta Calamba Campus 7th Senior High School Commencement Exercises noong July 12, at sa paanyaya ng university president na si Jose Anthony Tamayo at school director, Dr. Ernesto Ramirez, ibinahagi rin natin sa mga mag-aaral ang paborito nating motto: Gawin ang tama, unahin ang kapwa, at hinding-hindi ka riyan magkakamali!


Nagbigay din tayo ng mga graduation gift packs sa lahat ng graduates pati na rin sa mga faculty at staff, habang may dagdag na tulong akong personal na ibinigay sa topnotchers at piling mag-aaral.


Noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, naisabatas ang Republic Act No. 10931, o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Tumulong tayong maisakatuparan ito bilang special assistant to the president noon. Sa pamamagitan nito, naging abot-kaya ng mga estudyante sa buong bansa ang makapag-aral sa kolehiyo. Dahil sa tagumpay ng RA 10931, isinusulong natin ngayon sa Senado ang Senate Bill No. 1360 bilang co-author at co-sponsor upang mas mapalawak ang sakop ng Tertiary Education Subsidy.


Co-author at co-sponsor din tayo ng RA 11984, o ang No Permit, No Exam Prohibition Act, at pati ng RA 11997, o ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act,” na naging ganap na mga batas kamakailan lang.


Bilang chair ng Senate Committee on Health, ipinanunukala natin ang SBN 1786 na naglalayong atasan ang public higher education institutions na magtatag ng mental health offices sa kanilang mga campus. Co-author at co-sponsor din tayo ng SBN 220 o ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Bill. Isinusulong din natin ang SBN 1864, o ang “Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act.”


Bilang chair ng Senate Committee on Sports, naisabatas ang ating prayoridad na RA 11470 na nagtatag sa National Academy of Sports (NAS) noong 2020. Tayo ang isa sa may-akda at co-sponsor nito. Sa NAS, napagsasabay ng student-athletes ang pagsasanay at pag-aaral nang walang nasasakripisyo.


Ang lagi kong bilin sa mga kabataan, gamitin ang kanilang napag-aralan para mas makapagserbisyo sa kapwa. Inilahad ko sa kanila ang aking paniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kaya noong July 10 ay personal kong binalikan ang mga kababayan nating nabiktima ng sunog sa Barangay 330, Sta. Cruz, Maynila, para bigyan sila ng karagdagang tulong, kasama ang National Housing Authority na nagpamahagi ng emergency housing assistance na ating isinulong para may pambili ng materyales ang mga biktima na pampaayos ng kanilang mga bahay.


Sa ating pagbisita sa Zambales noong July 11, bago ang graduation ceremony, ay personal nating pinangunahan ang pamamahagi ng suporta sa 500 nawalan ng hanapbuhay, katuwang si Olongapo Mayor Rolen Paulino Jr. Ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay mabibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.


Sa araw ding iyon ay idinaos na ang inagurasyon ng Super Health Center sa San Ricardo, Southern Leyte. Dinaluhan ito ng aking opisina kasama si Mayor Roy Salinas.


Naimbitahan naman tayo sa ginanap na Ugnayang Nagkakaisang Manggagawa (UNM) UST Hospital 10th Anniversary, sa paanyaya ni UPHUP Spokesperson and UNM Chair Ronald Ignacio at iba’t ibang health workers union presidents. Ibinahagi ko sa kanila na laging bukas ang aking opisina upang maging avenue para mapakinggan ang kanilang mga hinaing.


Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan tulad ng mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 50 residente ng Bay, Laguna katuwang si LGBTQ+ Leader Mhel Evangelista; 84 sa Alaminos, Laguna katuwang si Mayor Glenn Flores; 84 sa Carmona City, Cavite kaagapay si Mayor Dahlia Loyola; 169 sa Pangil, Laguna kasama si Mayor Gerald Aritao; 488 sa Sison, Pangasinan katuwang ang iba’t ibang barangay officials. Sa Romblon, natulungan din ang 265 sa Magdiwang, 301 sa Cajidiocan, at 76 pa sa San Fernando katuwang ang mga local official na sina Mayor Greggy Ramos, Mayor Nanette Tansingco, at Mayor Arthur Tansiongco. May pansamantalang trabaho rin na ibibigay ang DOLE sa mga kuwalipikadong benepisyaryo.


Tinulungan ng aking opisina ang 20 residente ng Mambajao, Camiguin na nasunugan. Binalikan natin ang mga nawalan ng tahanan gaya ng 27 sa Cagayan de Oro City. Bukod sa hatid nating tulong, makatatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa NHA pambili ng mga pako, yero, semento at iba pang materyales.


Sa Cebu, naging benepisyaryo natin ang mga maliliit na negosyante kabilang ang 50 sa Talisay City katuwang si Mayor Gerald Anthony Gullas; 45 sa Minglanilla katuwang si Mayor Rajiv Enad; 55 sa Dumanjug katuwang si Mayor Gungun Gica; at 50 sa Alegria katuwang si Mayor Gilberto Magallon. Sila ay nabigyan din ng tulong pangkabuhayan ng gobyerno.


Napagaan natin ang dalahin ng mga mahihirap na residente kabilang ang 1,000 sa Laoang, Northern Samar katuwang sina Mayor Hector Ong at Cong. Harris Ongchuan; at 1,000 residente mula sa South Upi, Maguindanao del Sur, kaagapay si Gov. Mariam Mangudadatu.


Dagdag pa riyan, nag-abot tayo ng tulong sa 22 TESDA scholars mula sa Manila City.


Minsan lang tayong daraan sa mundong ito. Kung anong kabutihan at tulong ang puwede nating ibigay sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon. Bilang inyong Mr. Malasakit, saan mang sulok ng bansa at sa abot ng aking makakaya ay patuloy akong magseserbisyo sa inyo dahil bisyo ko ang magserbisyo.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 10, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Kakambal ng ating buhay ang maraming pagsubok na kung minsan, akala natin hindi na matapos-tapos. Laging nasa isip ng inyong Senator Kuya Bong Go, paano pa kaya ang mga mahihirap nating kababayan na pati ihahain sa kanilang hapag-kainan ay pinoproblema sa araw-araw? Sa rami ng Pilipinong nangangailangan ng tulong, huwag nating sayangin ang oportunidad na maging parte ng solusyon. Laging tandaan na isang beses lang tayong daraan sa mundong ito. Anumang kabutihan na magagawa natin sa kapwa ay gawin na natin ngayon.


Nang makasama ko ang mga lokal na opisyal sa Batch 2 Liga ng mga Barangay - Northern Samar sa paanyaya nina Governor Edwin Ongchuan at Board Member Arturo Dubongco Jr., para sa kanilang Provincial Assembly nitong July 8, nagpaalala ako sa kanila na laging unahin ang kapakanan ng mga mahihirap at maglingkod nang tapat para manatili ang tiwala ng taumbayan sa gobyerno. Tayo ang inaasahan nilang maglalapit ng serbisyo ng pamahalaan kaya hindi dapat mawala ang focus sa paglilingkod anumang mga pagsubok o batikos ang kaharapin natin. Ang tunay na bida sa ating buhay ay ang taumbayan na nagluklok sa atin.


Ito rin ang mensahe ko sa mga kabataang susunod na lider ng bansa sa pagdalo natin sa opening ceremony ng Sangguniang Kabataan - Iloilo Chapter Provincial Congress sa paanyaya naman ni Board Member Esara Javier. Nakasama rin natin sa pagtitipon sina Senator Alan Cayetano, Cong. Lorenz Defensor, Gov. Art Defensor at Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano.


Naniniwala ako na kapag matibay at marangal ang pundasyon ng bagong henerasyon, tulad ko ay magiging bisyo rin nila ang pagseserbisyo. Naibahagi ko sa mga SK na sa unang yugto pa lang ng kanilang pagseserbisyo publiko ay kapakanan ng mahihirap na ang kanilang dapat unahin. Sa ganitong paraan, hinding-hindi sila magkakamali.


Gaya nga ng lagi kong sinasabi, ang tunay na pagseserbisyo ay may malasakit at walang oras at lugar na pinipili. Kaya nitong Lunes, July 8, naghatid din tayo ng serbisyo sa ating mga kapwa Batangueño sa isla ng Tingloy. Personal nating sinaksihan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center. Isa ito sa ating mga inisyatiba bilang chair ng Senate Committee on Health para ilapit sa ating mga kababayan lalo na sa mahihirap at nasa malayong lugar ang serbisyo medikal ng pamahalaan.


Ang isla ng Tingloy ay nasa dulo na ng Batangas at malayo sa siyudad. Limitado ang pasilidad sa bayan at kinakailangan pang magbangka upang makarating sa ospital. Kaya nasilayan ko sa aking pagbisita ang mga hamon sa mga residente sa pagkakaroon ng access sa mga pangunahing serbisyong pangkalusugan kapag sila ay nagkakasakit. Kaya naman malaking tulong na ang pagsulong natin na magkaroon ng Super Health Center doon.


Matapos ang inagurasyon ay naghatid tayo ng dagdag na tulong sa mga barangay health workers na dumalo sa okasyon bilang pagkilala at pagsuporta sa ating hangaring mapangalagaan ang kalusugan ng komunidad. Personal din nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong sa 500 residente roon na nawalan ng hanapbuhay. Bukod sa ating naipamahagi, sa ating inisyatiba ay mabibigyan din ng DOLE ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ng pansamantalang trabaho.


Pinasalamatan natin ang mga taga-Tingloy at ang kanilang mga opisyal kabilang sina Congresswoman Jinky Bitrics Luistro, Mayor Lauro Alvarez,  Vice Mayor Dawn Erika Alvarez-Amboy at former Mayor Noel Luistro para sa kanilang patuloy na pagsisikap na mapalakas ang mga programang pangkalusugan. Nagpasalamat din tayo sa pagdedeklara sa atin bilang Adopted Son of Tingloy, na para sa akin ay isang malaking karangalan. Bilang isa ring adopted son ng CALABARZON region, patuloy akong magsusumikap upang ilapit ang serbisyong nararapat para sa mga kapwa ko Batangueño at iba pang taga-Southern Tagalog.


Nakilala rin natin sa ating pagbisita sa isla ng Tingloy si Aling Ramelyn Marquez na nagtitinda ng palamig at empanada. Nalaman natin na may sakit pala ang kanyang mister. Sinabi natin kay Aling Ramelyn na tutulungan natin siyang maipasuri ang kanyang mister sa abot ng ating makakaya at kapasidad. At para makauwi nang maaga si Aling Ramelyn sa kanyang pamilya, binili na rin natin ang kanyang mga paninda.


Samantala, tuluy-tuloy rin ang ating Malasakit Team sa pag-alalay sa ating mga kababayan na nangangailangan. Nagkaloob tayo ng suporta sa mga naging biktima ng sunog kabilang ang 104 na residente ng Mandaue City, 37 sa Cebu City at 92 sa Manila City.


Namahagi tayo ng tulong sa 200 micro-entrepreneurs na mga kababayan mula sa Lapu-Lapu City at Cordova, Cebu. Nakatanggap din sila ng livelihood assistance mula sa national government.


Natulungan natin ang 830 mahihirap na residente ng Barangay 40-D, Poblacion District sa Davao City kaagapay si Brgy. Captain Felizardo Villacampa.


Hindi rin natin kinalimutan ang 65 kababayan na nawalan ng hanapbuhay sa Bato, Catanduanes. Katuwang si Vice Mayor Roy Regalado at sa ating inisyatiba ay nabigyan ng gobyerno ng pansamantalang trabaho ang mga kuwalipikadong benepisyaryo.


Tao lamang tayo at napapagod din sa harap ng napakaraming pagsubok pero mas nangingibabaw sa inyong lingkod na inyong tinaguriang Mr. Malasakit ang mandato ko na magserbisyo sa ating kapwa. Makakaasa kayo na sa harap ng maraming pagsubok, hindi maaapektuhan ang ating patuloy na paghahatid ng tunay at may malasakit na serbisyo sa mga Pilipino. Basta’t kaya ng aking katawan at oras, tutulong ako saan mang sulok ng bansa. Bisyo ko na talaga ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page