top of page
WINNER - LEA, IN-UNFOLLOW SINA RM AT J-HOPE NG BTS, TINAWAG NA CLOUT CHASER NG FANS-IG _ms
Search

BYUTING TISAY NA AKTRES, NAUBOS NA NGA NG MADIR ANG DATUNG, WALA PANG CAREER AT MALAS DIN SA LALAKI

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 14, 2020



BLIND ITEM:


Labis na nagtataka ang mga kaibigan, kakilala at tagahanga kung bakit sobrang minalas sa buhay ang byuti at tisay na aktres-TV host na dati-rati ay maganda ang career.


Nu'ng bagu-bago pa lang sa showbiz ang aktres ay marami siyang manliligaw. Pinagpapantasyahan siya ng maraming aktor. Paborito rin siyang kunin na leading lady ng mga action stars. In demand din siya sa mga out of town shows dahil napapanood siya sa isang sikat na youth-oriented show. Marami rin siyang product endorsements kaya mabilis siyang nakabili ng mga properties.


Sobrang istrikto ang parents ng tisay na aktres, lalo ang kanyang nanay na pinagbawalan siyang makipag-boyfriend. Naging masunurin siyang anak kaya nakipaghiwalay sa aktor na una niyang minahal noon.


Kayod-kalabaw ang ginawa ng tisay na aktres. Halos wala na siyang pahinga dahil sa kanya lang umaasa ang kanyang pamilya. Maraming naipundar na properties ang aktres, pero isa-isa ring nawala at hindi maipaliwanag ng kanyang ina ang dahilan.


Ang mommy niya ang humahawak ng kanyang kinikita sa showbiz. Huli na nang malaman ng aktres na wala na ang mga bahay atbp. ari-arian na kanyang naipundar. Wala na siyang sariling bahay at nakikitira na lang ngayon sa kanyang kapatid. Wala na rin siyang career dahil matagal na siyang hindi napapanood sa TV at wala rin siyang pelikula.


Hindi rin siya sinusuportahan ng kanyang ex-husband kaya sumubok ang aktres na balikan ang kanyang career sa 'Pinas. Pero, nataon naman na nagka-Covid pandemic.


Awang-awa sa tisay na aktres ang mga kaibigang artista. Hindi nila akalain na sasapitin niya ang malaking indulto sa buhay. Mabait naman ang aktres at masunuring anak. Hindi lang siya nagkaroon ng lakas ng loob na ipakipaglaban kung ano ang kanyang karapatan. At hinayaan niyang ang kanyang mga magulang ang magpalakad ng kanyang buhay.

 
 

AKTRES NA HIWALAY SA MISTER, BAGETS ACTOR NA CO-STAR SA SERYE AT MAY GF ANG DYOWA, SOBRANG SELOSA KAYA BANTAY-SARADO ANG GUY

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 12, 2020



BLIND ITEM:


Labis na ipinagtataka ng mga kaibigan ng poging young actor kung bakit pa ito nali-link sa mass matanda sa kanyang aktres na kasama niya sa serye. Alam kasi ng mga katropa ng young actor na may non-showbiz GF na siya.


Ayaw lang maging open ng young actor sa kanyang love life dahil baka makaapekto sa kanyang career, pero marami ang nakakahalata na may lihim na silang relasyon ng aktres na ilang taon din ang agwat ng edad sa kanya.


Pareho nilang idinedenay sa media ang kanilang relasyon kapag tinatanong sa kanilang mga interviews at consistent ang aktres sa pagtanggi sa tsismis.


Kung tutuusin, malaya naman na ang aktres na magmahal ng kahit sinong lalaki dahil maayos naman siyang nakipaghiwalay sa dati niyang mister. Dapat pa nga na maging proud ang aktres dahil nakakuha siya ng bata at guwaping na karelasyon.


Sey naman ng mga kaibigan ng guwapong aktor, siguro ay tinukso o natukso lang ito sa aktres dahil madalas silang magkasama sa serye at may mga love scenes pang ginawa. Natural lang sa lalaki ang matukso lalo na kung ang babae na ang nagpapakita ng motibo.


Ang siste, may pagkaselosa raw ang aktres at laging inaalam kung nasaan ang aktor at ano ang mga ginagawa nito. Panay din ang tawag nito sa telepono ng young actor at napakakulit pa raw. Daig pa ng aktres ang guwardiya sibil sa higpit ng pagbabantay.


Good luck na lang sa kanya kung magtatagal ang relasyon nila ng poging young actor.

 
 

RESPETADONG AKTRES, NAGKA-SECRET AFFAIR SA MAS BATANG GUWAPONG AKTOR BAGO NAGPAKASAL SA PULITIKO

ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga! | September 11, 2020



BLIND ITEM:


Napakagaling magtago ng sikreto sa buhay ng magaling at inirerespetong aktres. Dahil maganda, sikat at malakas ang karisma, naging napakakulay ng kanyang buhay-pag-ibig. Maraming aktor-basketball players at negosyante ang nanligaw sa magaling na aktres. Marami siyang nakarelasyon lalo na noong kanyang kabataan.


Pero hindi siya makondena ng publiko dahil mabait siya at karespe-respeto. Hindi siya hinusgahan at nilait-lait. Tinanggap na lang ng lahat maging ng kanyang mga loyal fans ang mga kaganapan sa love life ng magaling na aktres.


Unang nagpakasal ang aktres sa isang aktor na hindi kasingsikat niya, pero malakas ang personalidad. Nagkaanak sila pero nauwi sa paghihiwalay. Marami silang hindi mapagkasunduan at laging nag-aaway. Pareho silang mataas ang standard sa buhay at ayaw magpadaig-magpatalo sa isa't isa!


May ilang karelasyon pang sumunod bago nakilala ng magaling na aktres ang isang non-showbiz guy na nalilinya sa pulitika. Naging daan ito upang mabuksan ang oportunidad sa aktres na subukan ang kanyang kapalaran sa pulitika. Mismong sa bayan ng kanyang mister pinalad na makapuwesto ang magaling na aktres.


Pero bago pa nagpakasal ang aktres sa baguhang pulitiko, may lihim na siyang May-December affair sa isang guwapo at mas batang aktor. Tanging ang mga taong nakapaligid sa respetadong aktres ang nakakaalam ng kanyang sikreto. Patago ang lahat pero totoong na-in love sila sa isa't isa.


Masaya at tahimik na ang buhay ngayon ng guwapong aktor sa piling ng kanyang maybahay at mga anak, gayundin naman ang aktres na masaya sa napangasawa niya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page