top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | November 30, 2022


BINISITA ni Pangulong Marcos, Jr. ang International Rice Research Institute (IRRI).

IRRI ang sentro ng pagsasaliksik kaugnay sa binhi ng palay.

◘◘◘

KUNG ibubunyag lamang ng mga eksperto sa IRRI ang tunay ng sitwasyon sa rice farming industry ay makatutulong ito sa pagpaparami ng produksyon.


Sa totoo lang, dapat ibunyag ng IRRI ang masamang epekto ng “hybrid seeds” kung saan, naglulustay ang gobyerno ng salapi na nakokopo lamang ng pribadong grupo.


◘◘◘


MAY sariling binhi ng IRRI at ang binhi ng palay na ito ay makatutulong sa pagpaparami ng ani.


Pero ang gobyerno ay bumili ng “hybrid seeds” sa pribadong korporasyon na siyang “ibinebenta” sa mga magsasaka.


◘◘◘


DAPAT paimbestigahan ni P-BBM ang proseso o iskema kung saan “pribadong korporasyon” ang kinokontra sa pagbili ng hybrid seeds.

Ipinatatanim ang “hybrid seeds” sa mga magsasaka, pero ito ay ginastusan ng gobyerno.


Isang “diskarte” ito na walang nagbubunyag.


◘◘◘


BIGLANG ibinagsak ang presyo ng petrolyo.


Salamat sa malawakang protesta sa China at mahabang lockdown.


◘◘◘


BUMABA ang presyo ng petrolyo dahil walang gaanong demand mula sa China.

'Yun nga, ang lahat ay apektado ng “law of supply and demand”.


Ano kaya ang masasabi ni Sen. Robinhood, puwede kayang ipa-“repeal” ito?


◘◘◘


PINALULUWAG na rin ng Germany ang immigration law.


Ibig sabihin, tulad sa Canada ay puwede na mag-resident ang mga OFW.


◘◘◘


MAHUSAY at de-kalidad ang mga produkto sa Germany.

Inihahanay sila sa “Made in USA, Made in Japan, Made in Germany”.


Mas maunlad ang Germany kaysa sa Canada.


◘◘◘


OTSENTA’Y singko porsyento ng mga Pinoy ay naniniwala na “nasa tumpak na daan” ang ipinaiiral na regulasyon ng Marcos Jr administration.


Kumbaga, diretso lang ang biyahe.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | November 29, 2022


HINDI maiiwasan ang pagtaas-singil sa konsumo ng elektrisidad.


Kahit anong pigil ang gawin ng gobyerno, hindi talaga ‘yan maiiwasan.


◘◘◘


KAHIT bawasan pa ang VAT o buwis na ipinapatong sa electricity bill—ang lahat ng ‘yan ay pansamantala lamang.


Dapat magparami ng supply, tulad sa pagpapagawa ng imprastruktura, tulad ng geothermal plant, pag-angkat ng wind turbine at pikit-matang pagpaparami ng hydroelectric plant o mga dam.


◘◘◘


MALAWAKAN at hindi pakonti-konti lang—at radikal at agaran dapat ang mga desisyon.


Hindi dapat magpatumpik-tumpik ang desisyon kung saan hindi lamang ang krisis ngayon ang mabibigyan ng solusyunan—bagkus ay ang krisis na paparating sa mga susunod na henerasyon.


◘◘◘


PINAKAEPEKTIB pa rin ay ang paggawa o pagmamanupaktura ng solar panel.


Gayunman, hindi ito dapat ipinamomonopolyo sa mga buwitreng kapitalista na kakutsaba ng mga pulitiko—‘yan ang mga batambatang oligarko.


◘◘◘


NAGKAKAGULO sa iba’t ibang siyudad ng China.

Hindi malayong biglang ma-kudeta si Xi Jinping na kinokopo ang kapangyarihan ng kanyang bansa.


Mahihirapan na itong mai-reverse.


◘◘◘


HINDI malayong magkasabay na bumagsak sina Vladimir Putin at Xi.


Kung magkagayun, mahahati ang China sa iba’t ibang maliliit na bansa, tulad sa naranasan ng USSR.


◘◘◘


MAAARING masorpresa rin si Putin sa kanyang pagbagsak kung saan, maaaring buksan ang Moscow sa mga kapitalistang maka-US sa hinaharap.

Marami pang magaganap.


Ito ay resulta ng nararanasang “tahimik at lihim na ikatlong digmaang pandaigdig”.


◘◘◘


MABABAGO ang kalakaran ng pulitika sa buong daigdig nang wala gaanong dadanak na dugo.


Ang direksyon ay patungo lahat sa demokratikong proseso ng pamamahala sa gobyerno.

 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | November 27, 2022


MALINAW ang disposisyon ng Marcos Jr. Administration.

Ang giyera kontra droga ay dapat nakapundasyon sa batas.


Gets?


◘◘◘


AKTUWAL na hiwalay o malayo sa diskarte ni Digong ang porma ni P-BBM.


Ito ay tungkol sa pagsugpo sa droga.


◘◘◘


MALAYO rin ang disposisyon ng Marcos Administration Jr. sa diskarte ni Digong sa kaugnay ng isyu sa West Philippine Sea.


Nakahapay sa China si Digong, samantalang nakahapay naman si P-BBM sa US.


◘◘◘


SA paglaban sa korupsyon, parehong walang linaw ang disposisyon nna Digong at P-BBM.


Walang espesyal na diskarte ang dalawa kung paano masusugpo ang talamak na graft and corruption.


◘◘◘


HINDI gaanong tinutukan ni Digong ang pagmimina.


Pero si P-BBM, sinusuportahan ang maliliit na minero upang magkaroon ng hanapbuhay.


◘◘◘


WALA pang isang taon ang Marcos Jr administration, pero nakikita na ang impact partikular sa larangan ng turismo.


Sa kabilang panig, dumanas ng iba’t ibang krisis ang Duterte administration mula sa Marawi Siege hanggang sa pandemic.


◘◘◘


HALOS natoka naman sa Marcos Jr. administration, ang pagsisimula ng “Bagong Lipunan” na wala nang COVID at may bago nang hilatsa ang larangan ng ekonomiya, pulitika at cyber community.


Kung paano susunggaban ng Marcos Jr. administration ang hindi ordinaryong oportunidad ang susukat ng kanyang kakayahan bilang modernong lider ng bansa ay malaking paghamon.


◘◘◘


INIUULAT na sinibak si Cardinal Tagle bilang lider ng makapangyarihan Caritas International.

Pero sa kabilang panig, makakapagpokus na siya sa “pangangampanya” bilang susunod na Santo Papa sa Roma.


‘Yan ay kung magagamot niya ang negatibong impresyon sa pagbalasa ng Vatican.


◘◘◘


PINANINIWALAANG may malaking tsansa pa rin si Cardinal Tagle na maging kauna-unahang Santo Papa mula sa Asia.


Magdasal tayo ng milagro.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page