top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | March 4, 2023



GUMAGAPANG na sa hirap ang ordinaryong mamamayan dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin.


Gumagrabe ang sitwasyon kapag hindi maayos ang serbisyo sa tubig at elektrisidad.

◘◘◘


SA Metro Manila, napaparalisa ang mga negosyo dahil sa paulit-ulit at grabeng water interruption.


Pero, hindi inaaksiyunan ng mga awtoridad ang mga water distribution firm.

◘◘◘


SA Mindanao, may 3,000 residente ng Island Garden City sa Samal, Davao del Norte ang sumugod sa tanggapan ng Northern Davao Electric Cooperative (NORDECO).


Hindi kasi maayos ang serbisyo ng elektrisidad at mataas na presyo ng singil.

◘◘◘


PARANG beerhouse ang nararanasan ng mga residente dahil “patay-sindi” ang serbisyo.


Apektado ang lahat ng sektor, lalo na ang mga ospital, hotel, resort, lahat ng negosyo at maging ang mga pobreng estudyante.

◘◘◘


ANIM na taon nang kalbaryo ang nararanasan ng mga residente, kaya nakikiisa na rin ang Local Government Unit (LGU) sa pagbatikos dito.


Mas mataas nang P9 kada kilowatt-hour ang singil kumpara sa iba pang electric cooperative, pero hindi ito dinidisiplina ng mga awtoridad.


◘◘◘


KAPAG walang serbisyo ang elektrisidad, awtomatikong paralisado rin ang serbisyo ng tubig at telekomunikasyon.


Hiniling ng mga residente na tanggalan na ng prangkisa ang naturang electric cooperative dahil hindi nila kayang magtiis hanggang 2033 kung kailan mag-e-expire ang prangkisa.

◘◘◘


MALINAW na hindi nagagampanan ng NORDECO ang kanilang responsibilidad, kaya malaking paglabag ito sa batas.


Dapat nang aksyunan ito ng mga kinauukulan dahil lantaran naman ang pagkadismaya ng mga subscriber.

◘◘◘


NAPAKAHALAGA ng serbisyo ng elektrisidad at tubig, pero bakit dinededma ito ng mga regulating bodies?


May milagro ba sa ilalim ng mesa?


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | February 26, 2023



ISANG taon nang nakapasok ang Russia sa teritoryo ng Ukraine.


Ibig sabihin, sa loob ng 12 buwan, hindi pa napapalayas ang mga dayuhan sa Ukraine.


Sino ang nagtagumpay?

◘◘◘


INILALARAWAN ng Russia na isang special operations lang ang pagsalakay sa loob ng Ukraine, pero ang mga ulat na inilalabas ng international press ay aktuwal na digmaang sakupin ang buong bansa.


Dapat ay matuto tayo sa pagbabasa sa “likod ng mga balita”.

◘◘◘


BIGO ang U.S. at mga kaalyado nito na maparalisa ang ekonomiya ng Russia.


May negatibong epekto ang embargo, pero malinaw na umaandar pa rin ang ekonomiya ni Vladimir Putin.

◘◘◘


ANG Russia-Ukraine war ay ginagamit na modelo sa posibleng pagkubkob ng China sa Taiwan.


Ang problema, karagatan ang pagitan ng Mainland China at Taiwan.


Nangangahulugan ito na air force at battleships ang gagamitin. Isa ‘yang palaisipan.

◘◘◘


SA loob ng 12 buwan, hindi naman nadamay ang karatig-bansa ng Ukraine sa pagsalakay ng Russia.


Ibig bang sabihin, hindi totoo na madadamay ang Pilipinas kapag sinalakay ng China ang Taiwan? Sumagot kayo!

◘◘◘


DIRETSO lang ang deliberasyon sa Chacha.


Mauuwi rin kaya ito sa wala?

◘◘◘


TAMA si Pangulong Marcos Jr., hindi kailangan ang pagbabago sa Konstitusyon kung nais lang natin na umunlad ang ekonomiya.


Puwede namang palakasin ang turismo, export industry atbp. kahit walang Chacha.


◘◘◘


ANG susi sa pag-unlad ay ideolohiya.


Ipaliwanag at ugatin sa mga Pinoy ang kanyang likas na kultura at tradisyon. Yakapin ang pagmamalasakitan, alisin ang inggitan at away, at tulungan ang pamahalaan.

◘◘◘


KORUPSYON at hindi Konstitusyon ang sagwil sa pag-unlad.


Kahit sino ang maupo sa Malacañang, talamak ang korupsyon.

◘◘◘


ANG graft and corruption ay laganap mula sa antas ng barangay, munisipalidad, probinsya, regional at national.


Sabagay, kahit ang mga pribadong korporasyon ay biktima ng mga korup na ehekutibo.

◘◘◘


HINDI sapat ang batas o kahit pa ang Konstitusyon para mawala ang korupsyon sa publiko at pribadong sektor.


Ideolohiya lang ang makakagamot d’yan.


◘◘◘


PERO ang ideolohiya ay dapat pinangungunahan ng isang lider na may karisma, sapat na karanasan at talino.


Isang paham na lider ang kailangan, hindi rin isang pulitiko o akademisyan. Isang tunay na lider na may malawak na pang-unawa sa buong aspeto ng gobyerno at lipunan.


Mayroon bang ganyan sa Pinas? Itaas ang kaliwang kamay!


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | February 24, 2023



SUMASALIMUOT ang takbo ng Marcos administration.


Sana’y malampasan ni P-BBM ang mga pagsubok.

◘◘◘

UMIINIT ang Charter Change.


Mailusot kaya ng Marcos administration ang hindi nagawa ng mga nakaraang administrasyon?


◘◘◘


ECONOMIC provisions lang daw ang babaguhin sa Constitutional Convention.


Duda tayo r’yan.


◘◘◘


AYON kay P-BBM, sapat na ang mga umiiral na batas ay para mailagay sa ayos ang ekonomiya.


Malaki talaga ang tama niya.

◘◘◘


HINDI naman kailangan ang amyenda sa Konstitusyon.


Kung babaguhin, baguhin lahat. Wala nang tse-tse-buretse.


◘◘◘


IDEOLOHIYA ang tunay na susi sa pagbabago ng alinmang lipunan at gobyerno.


Ang mismong ideolohiya—ang siyang ipinapasok o ipinapatupad sa loob ng Konstitusyon.


◘◘◘


ANG Konstitusyon ay espesipiko, konkreto at nagdodokumento ng isang ideolohiya.


Ang ideolohiya ay siyang esensya ng Konstitusyon—kumpleto siyang pundasyon ng isang Republika.

◘◘◘


KAPAG walang malinaw na ideolohiya ang isang bansa, nasyon o gobyerno, ‘yan ay isang tipikal na “Banana Republic”.


Ibig sabihin, ang direksyon ng isang bansa ay idinidikta ng mga “personalidad”, imbes ng ideolohiya o Konstitusyon.


◘◘◘


MAGKAKAMBAL dapat ang ideolohiya at Konstitusyon.


No ifs, no buts, period.

◘◘◘


KUNG ang mga delegado o framer ng Konstitusyon ay walang ideolohiya, sila ay tuta lamang ng mga Oligarko o dambuhalang komprador, negosyante o ilegalista.


Karaniwan ding tuta sila ng malalaking bansa o super-power na nais dambungin ang kayamanan o potensyal ng maliliiit na bansa.

◘◘◘


DAHIL manghihimasok ang mga super-power, partikular sa “economic provisions”, napakahalaga ng ‘ideolohiya’.


Ang problema, hindi nauunawaan ng mga tao sa gobyerno—Malacanang, Senado at Kamara— ang depinisyon nito. Dahil diyan, anumang pagbabago ay nauuwi sa wala.


Kumbaga, aksaya lang ‘yan ng panahon at salapi ng bayan.


‘Yan mismo ang posibleng nais ipahiwatig ni P-BBM, kaya kontra siya sa Chacha.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page