top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | March 20, 2023



BUMAGSAK ang ilang bangko at financial institution sa US.


Meaning, hindi lang China ang dumaranas ng economic meltdown kundi maging ang America.

◘◘◘


KUNG ang mga may ‘superpower’ ay hindi immune sa krisis sa ekonomiya, paano sasabihin na hindi tatablan nito ang Pilipinas?


Bagama’t mabuti ang maging kalmante, mas magandang mag-abiso sa ordinaryong mamamayan na maghanda sa isang krisis na mahirap iwasan.

◘◘◘


SURPRESA ang pagbagsak ng mga bangko, hindi ito inaabiso dahil kahit nakakakita ng ‘lamat’ ang mga regulators ay hindi ito isasapubliko.


Ito ay upang maiwasan ang bank run, ibig sabihin, sabay-sabay o magkakasunod na pagwi-withdraw ng mga deposito.

◘◘◘


ANG digital banking ay mayroon ding negatibong epekto, partikular sa bank run.


Ito ay dahil sa simpleng pindot sa laptop, computer o cellphone ay puwedeng ma-withdraw kahit sabay-sabay nang hindi kailangan pumila nang aktuwal na bangko.

◘◘◘


DIGITAL withdrawal ang naranasan ng malalaking bangko sa US sa loob lang ng isa o tatlong araw, kung saan bilyun-bilyong dolyar ang na-withdraw upang makatakas sa delubyo ang mga depositors.


Alerto naman ang mga eksperto, agad na nagpautang o nagsuporta rin ng bulto-bultong dolyar sa mga bangkong dumaranas ng bank run.


May ganyan bang sistema ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para iligtas ang mga bangko na mabibiktima ng bank run?

◘◘◘


KAHIT pa naareglo o natugunan ng bulto-bultong ayudang cash ang mga bangko na biktima ng bank run, hindi ‘yan ang isyu.


Malinaw ang isyu — may nararanasang economic meltdown ang buong mundo.

Ligtas ba ang Pilipinas sa digital catastrophe?

◘◘◘


OPO, mabuti ang teknolohiya. Pero, lahat ng bagay sa mundo ay may side effects.


Kahit sa matematika, may percentage error na inilalaan.


Dapat laging paghandaan ang krisis dahil surpresa itong nararanasan.

◘◘◘


MAHALAGANG magkaroon ng kampanya ang gobyerno tungkol sa malawakang pagtitipid, pagsisinop, at pagiging episyente.


Simulan ito mismo sa burukrasya o sa loob ng mga tanggapan at ahensya ng pamahalaan.


◘◘◘


MAGING ang pribadong sektor ay dapat himukin sa ibayong pagsisinop, pagtitipid at pagiging episyente. Mayroon bang ganyang programa ang gobyerno at malalaking korporasyon?


Wala. Lahat ay sabay-sabay nagbubulagsak.


Diyos na mahabaging langit, maawa ka!


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | March 6, 2023



KAPANSIN-PANSIN ang pagdami ng kaso ng pagpatay at ambush na hinihinalang may kaugnayan sa pulitika.


Ibig bang sabihin, ang hustisya ay isinasalong na sa kanilang mga kamay o ito ay sanhi ng maruming pulitika?


◘◘◘


NASISIRA na naman ang imahe ng pambansang pulisya.


Hindi maiiwasan na balikan ang panunungkulan ni dating PNP Chief Guillermo Eleazar kung saan luminis at tumino ang pambansang pulisya.

◘◘◘


NAKAPAGTATAKANG hindi inaalok ng anumang puwesto si Heneral Guillor gayung siya ang may pinakamagandang performance bilang PNP chief sa panahon ni Digong.


Kailangan ng isang lider na pinagpipitaganan at may magandang track record.


◘◘◘


MALINAW na dispalinghado ang larangan ng agrikultura dahil pinaiikot-ikot lang ang kalihim ng kanyang mga tagapayo.


Maging ang pulisya ngayon ay nagkaletse-letse na.


◘◘◘


MAPAPASO na ang pagbabawal sa pagtatalaga sa mga natalong kandidato noong nakaraang taon.


Mas mainam kung magsagawa ng malawakang balasahan si Pangulong ‘Bongbong’ Marcos Jr.


◘◘◘


KABILANG sa inirerekomenda sa gobyerno sina Eleazar at dating Defense Secretary Gibo Teodoro.


Malaki ang maitutulong nila sa administrasyong Marcos.


◘◘◘


DAPAT nang kastiguhin ng gobyerno ang Maynilad, sapagkat malaking pagkalugi na ang nararanasan ng mga negosyante dahil sa napakahabang water interruption.


Imposible ang ganyang sitwasyon pero kinukunsinte ng Malacañang.

◘◘◘


SA totoo lang, pinatawan na ng penalty ang Maynilad dahil sa hindi makatarungang water interruption, pero patuloy pa rin ang kanilang paglabag.


Hindi sila papatawan ng penalty kung “justified” o naaayon sa batas ang pagputol sa serbisyo ng tubig.

◘◘◘


KUNG ganu’n, malinaw na lumabag ang Maynilad sa regulasyon ng prangkisa.


Pero, paano makakasingil ng naluging kapital ang mga naperwisyong negosyante?

◘◘◘


INALERTO na ang posibleng kakapusan ng suplay ng kuryente, pero dinededma lang ito ng Department of Energy (DOE).


Eh, bakit?

◘◘◘


MARAMI nang eskuwelahan ang nagdeklara ng online class ngayong lingo dahil sa banta ng transport strike.


Maselan ang sitwasyon dahil posibleng gamitin ang isyu laban sa Marcos administration. Kwidaw!

◘◘◘


MASASAKSIHAN natin kung ano ang magiging sitwasyon sa isang ibinabantang transport strike.


Sana ay hindi maging madugo.

◘◘◘


MAGKAKAIBA ang ulat sa media. May ulat na hindi tuloy ang welga at may ilan naman na nagsasabing tuloy ang transport strike.


‘Yan ang tinatawag na ‘propaganda war’.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | March 5, 2023



MALAKING pagbabago na ang nagaganap sa mainstream media.


Sinasakop ng mainstream media ang print, radio, television at pelikula.

◘◘◘


KAUNTI lang ang nakakaunawa ng pagbabagong ito.


Inobasyon ang tawag d’yan at ‘yan ay normal sa alinmang henerasyon.


◘◘◘


KAPAG inugat ang kasaysayan, magsisimula ito sa panahon na hindi pa naiimbento ang matematika.


Susunod ang panahon na puro berbal o bigkas at ungol lamang ang palitan ng mga impormasyon dahil wala ang sinaunang papyrus.

◘◘◘


BUMILIS ang daloy ng impormasyon nang gumamit ng scroll o inukit na letra sa mga kahoy na siyang sinaunang imprenta.


Ang pundasyon ng sinaunang imprenta ang paggamit ng silk screen upang magkaroon ng mass production.

◘◘◘


ANG pagkakaimbento ng scroll na sinundan ng modernong makina ay nagpabilis ng palitan ng impormasyon.


Nakakalungkot lamang dahil ang modernong imprenta ay inaangkin ng mga taga-Europe at itinambal ito sa modernong sibilisasyon.

◘◘◘


DAHIL ang mga taga-Europe ang nag-imbento ng modernong imprenta at nagparami ng mga aklat, naimpluwensiyahan ng mga ito ang sistema, iskema at proseso ng edukasyon.


Ang edukasyon ay isang moderong sistema ng paglilipat-lipat ng impormasyon na pinaigting ng mga pagkatuklas at mala-siyentipikong diskarte.


◘◘◘


INAAKALA ng mga tao na ang Europe ang sentro ng kaalaman at galaw ng mga ito.


Isinusulat ang mga aklat mula sa perspektibo o pananaw ng mga taga-Europe, kaya ang Pilipinas ay pinalitaw na “nadiskubre”, imbes na palabasin na ito ay may sinaunang sibilisasyon na nauna kaysa sa Europe.

◘◘◘


TALIWAS sa pinalalabas ng mga taga-Europe, mas maraming paham at lihim na karunungan.


Ang mga ito ay nakaugat sa kontinente ng Asya mula sa Tsina, India at Malay peninsula na kinabibilangan ng Pilipinas.

◘◘◘


SA panahon ng modernisasyon at pag-unlad, pinaniniwalaang babalik sa Asya ang sentro ng pagkilos sa daigdig kasama ang edukasyon, pinansyal at karunungan.


Ang Pilipinas at mga Pilipino ang No.1 sa paggamit ng modernong internet.

◘◘◘


ANG internet ay lipas na ring termino dahil may bago nang anyo at porma ang lahat. Ito ang ‘metaverse’ na sesentro mula sa talino at kakayahan ng mga Pilipino.


Ang mainstream media ay nagbago na ng anyo at ang ‘metaverse’ na may kakaibang depinisyon taliwas sa deskripsiyon ng mga eksperto.

◘◘◘


ANG mga nagpapakilalang eksperto ay napag-iwanan na rin ng “monster of information”.


Sinuman ang makaunawa ng inobasyong ito, siya ang kokontrol ng lipunan, gobyerno at maging ng buong daigdig sa isang payapang pamamaraan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page