top of page
Search

ni Ka Ambo - @Bistado | March 25, 2023



TUMATAGILID na ang mga negosyo.


Sa Pasay at Parañaque area, pineperhuwisyo ng talamak na water interruption ang negosyo nang halos isang taong singkad gamit ang iba’t ibang alibi.


Bigo ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na disiplinahin ang Maynilad. Eh, bakit?!

◘◘◘


DAPAT ay saklolohan ng gobyerno ang mga negosyo sa halip na pigilan sa paghahanapbuhay.


Survival of the fittest na ang batas. Pero, ang gobyerno ay patuloy pa rin sa pagkakait ng trabaho sa mga obrero.

◘◘◘


ISANG halimbawa nito ang panukalang-batas na ipagbawal nang tuluyan ang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).


Lehitimong negosyo ito at mayroon ding ganitong klase ng business ang ibang bansa.

◘◘◘


ITO ang itinuturong dahilan ng pagdami ng krimen, sa halip na pulisya. Pero, itinanggi ng Philippine National Police (PNP) na may malaking bilang ng POGO-related crimes.


Meaning, propaganda na ang ilang impormasyon.

◘◘◘


KINUMPIRMA rin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na malaki ang buwis na ipinapasok ng POGO, bukod pa ang hanapbuhay na ibinibigay sa mga manggagawa.


Eh, bakit ipagbabawal?

◘◘◘


MAYORYA ng mga senador ay hindi pabor na ipagbawal ang POGO, kaya hindi nakakuha ng sapat na boto o suporta ang committee report na isinumite ni Senator, Ways and Means Committee chairman Sherwin Gatchalian.


Permanent ban kasi ang inirerekomenda ng komite ni Gatchalian.

◘◘◘


KABILANG sa hindi pumirma sa committee report na nagbabawal sa POGO si Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito.


Nababahala kasi ang Senador sa negatibong epekto ng biglaang pagsara ng POGO, kung saan bigla ring mawawalan ng trabaho ang libu-libong kawani rito.

◘◘◘


MASAMA rin ang magiging imahe ng Pilipinas sa mga investors at dayuhan dahil kahit lehitimo ang isang negosyo, posibleng maging ilegal sa simpleng kumpas ng ilang mambabatas.


Sa totoo lang, puwede namang patuloy na suriin ang isyu at mga datos, pero hindi puwedeng ipatupad ito nang biglaan.


Kumbaga, dapat ay hinay-hinay lang, lalo pa’t nababangkarote na ang mga bangko sa ibang bansa.

◘◘◘


MAGING sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Imee Marcos ay bantulot pa rin sa paglagda sa Committee Report. Dahil nabasted sa last day ng Senate session ang Committee Report, nag-privilege speech na lang si Gatchalian.


Pero, mistulang inismol niya ang kapwa Senador na kumontra sa panukalang-batas.

◘◘◘


MALINAW ang pahayag ng PNP na wala halos nang mga POGO-related crimes. Maging ang BIR ay nagsasabi na nakakapag-ambag sa government income ang POGO industry.


Sa panahon ng krisis sa ekonomiya, hindi dapat nagagambala ang operasyon ng anumang klase ng negosyo, lalo pa’t lehitimo naman ang mga ito.


 
 

ni Ka Ambo - @Bistado | March 24, 2023



WALANG duda, magkaalyansa na ang Russia at China kontra sa US at NATO.


Ang Ukraine? Tulad sa Pilipinas, noong World War I at II, battleground ang Ukraine sa proxy war ng dalawang super-power.

◘◘◘


MALINAW na malinaw ang mensahe. May panganib ng Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Bakit?


Dahil nag-iikot na ang mga lider ng mga bansa upang lihim na mag-alyansa at bumuo ng diskarte, at siyempre, sikret-sikret muna.

◘◘◘


DESIDIDO ang mayorya ng Kamara sa isang constitutional convention o con-con, kung saan ang babaguhin lamang ay ang economic provisions.


Kontra rito ang mayorya ng Senado. Kontra rin kuno si P-BBM.

◘◘◘


ISANG kaplastikan kasi na irekomenda sa isang con-con at pili lang ang babaguhin.


Kung totoong con-con ang ihahalal, hindi na ito sakop ng mga batas sa Kongreso.


Kumbaga, 100% na malaya ang con-con delegates sa kanilang gagawin. No ifs, no buts.

◘◘◘


KITANG-KITA rito ang kamangmangan ng mga mambabatas sa depinisyon kung ano ang Konstitusyon.


Mas sagrado at makapangyarihan ang con-con kaysa sa Kongreso dahil ito ay pinagsanib na Kamara at Senado.

◘◘◘


HINDI puwedeng idikta ng anumang batas ng Kongreso ang trabaho ng con-con.


Limitado sila sa pagtatakda ng petsa ng eleksyon at pagpopondo rito. Hanggang ganu’n lang.


◘◘◘


DAPAT nating maunawaan na mithiin ng con-con ay bumuo, lumikha at magpundar ng Konstitusyon na siyang “pundasyon” ng isang Republika.


Hindi puwedeng diktahan ang pundasyon ng sinumang bahagi ng gusali—poste, sahig, bubong o bintana.

◘◘◘


UULITIN natin, limitado ang kapangyarihan ng Kongreso sa pagtatakda ng petsa at pondo sa constitutional convention.


Kapag idinikta ng Kongreso ang trabaho ng con-con, hindi ito nalalayo sa sinasabing diniktahan ng anak ang kanyang magulang. Mahirap bang isipin ‘yan?

◘◘◘


IPINAPAALALA natin, hindi kasingkahulugan ng pagiging senador, kongresista, gobernador o mayor ang pagiging matalino.


Nahalal lang ang mga ‘yan dahil sa popularidad at bulto ng campaign fund, pero hindi dahil sa kuwalipikasyon. Marami r’yan ay mangmang at pa-cute lang. He-he-he!


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | March 22, 2023



NAGMAMAKAAWA ang mga bangko sa United States na ayudahan sila ng gobyerno upang makaligtas sa nararanasang “bank run”.


Hindi lang bangko ang bumabagsak, bagkus, maging ang kalakalan sa “stocks” ay ganundin.


Ligtas ba ang Pilipinas? Parang awa, huwag n’yong lokohin ang mga sarili n’yo!


◘◘◘


SA kabila ng positibong pagtaya ng mga eksperto sa “growth” ng ekonomiya, paulit-ulit nating ibinababala ang hindi maiiwasang pagbagsak nito.


Ang negatibong epekto ng COVID-19 pandemic at giyera ng Russia at Ukraine ay mararanasan mula ngayong taon, didiretso ito sa 2024 hanggang 2025 at nalalabing mga taon sa dekadang ito.


Bumagsak na ang presyo ng petrolyo, isang kongkretong indikasyon ‘yan ng krisis.

◘◘◘


SAPOL ng negatibong epekto ng krisis ang Marcos Administration, pero hindi puwedeng sisihin ang Pangulo ng bansa o ang gobyerno.


Imbes na sisihin, dapat ay makipagtulungan ang pribadong sektor at mga ordinaryong mamamayan.

◘◘◘


PERO, kailangan ng Marcos administration na ipakitang seryoso sila na harapin ang krisis sa pamamagitan ng ibayong pagtitipid, pagsisinop at pagiging episyente sa buong burukrasya.


Hindi puwedeng dakdak, kuwento o talumpati—dapat ay maglabas ng espesipikong executive order na magbubunga o pagtitipid at pagsisinop.

◘◘◘


ISANG halimbawa nito ay ang pagpapatupad ng daily saving time (DST) kung saan paaagahin ang pagbubukas ng opisina ng publiko at pribadong sektor upang makatipid sa konsumo ng elektrisidad at tubig.


Puwede ring ipatupad agad ang ‘four-day workweek’ upang isarado ang mga opisina tuwing Biyernes, Sabado at Linggo.

◘◘◘


MAGING ang pribadong sektor ay maaaring magpatupad nito, hindi lang para makatipid kundi upang mapasigla ang ekonomiya.


Himukin ang mga tao na maging aktibong bahagi ng ekonomiya—produksyon, marketing atbp. gaya ng turismo o outsourcing industry sa panahon na walang pasok.

◘◘◘


IBIG sabihin, ang Biyernes, Sabado at Linggo ay gamitin sa personal entrepreneurship o family business upang hindi umasa lamang sa suweldo o employment.


Ang salary increase ay hindi solusyon sa krisis—ang solusyon at makipagkalakal o magnegosyo sa “idle time”.

◘◘◘


INOBASYON at iwasang matali o maikadena ng lipas na sistema ng ekonomiya ang idinikta ng Europe at Amerika.


Kailangang magkaroon ng “yagbols” ni P-BBM na magpasimuno ng mga inobasyon at talikuran ang payo ng mga delibro o makalumang tagapayo.


◘◘◘


IDIREKTA ang takbo ng gobyerno sa LGUs at mga barangay at bantayan ang talamak at garapalang graft and corruption sa mga lalawigan, siyudad, bayan at barangay.


Ang mga kontratang ipinapasok ng mga LGU ay batbat ng technical corruption.


Naging legal ito dahil sa talamak na ‘under the table’ deal.


◘◘◘


MARAMING iskema upang maibsan ang krisis kung magsisipag at magpapakatalino ang mga ehekutibo ng gobyerno at pribadong sektor.


Ngayon na kailangang magdesisyon at hindi next month o next year dahil baka masurpresa tayo sa hindi inaasahang bago at panibagong delubyo.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page