top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | June 20, 2023


USAP-USAPAN ang isyu sa noontime show na “Eat Bulaga”.


Sa totoo lang, isang normal na isyu ‘yan sa “employer-employee” relationship.


---$$$---


MAYORYA ng sosyo sa TAPE, Inc.. ay pag-aari ng pamilya Jalosjos.


Moral at legal -- sila ay may final decision at diskarte sa pagpapatakbo ng programa o negosyo.


---$$$---


WALA namang binanggit na “management contract” upang ipagdiinan ng TVJ na sila ang dapat mamahala sa produksyon.


D'yan nag-ugat ang problema.


---$$$---


MASALIMUOT ang larangan ng “sining” dahil marami rito ay hindi nasasakop ng existing law partikular ang intellectual property rights.


Pinag-aagawan ang karapatan sa pagmamay-ari ng “Eat Bulaga” na marka at titulo.


Ang TAPE, Inc. ba o ang TVJ?


Maselan, makakaabot ‘yan sa Korte Suprema.


---$$$---


UNANG hakbang dito ay tukuyin muna kung “proper noun” o “common noun” ang Eat Bulaga.

Kapag proper noun, mayroong aktuwal na may-ari nito.


Pero kung common noun -- malaya ang lahat na gamitin ito.


---$$$---


ALAM natin na ang terminong “Eat” ay common noun at maging ang terminong “Bulaga”.


Nang ikambal ni Joey de Leon ang “Eat” sa “Bulaga” — at nilagyan ng logo o lettering, kulay at disenyo -- ito ay naging proper noun.


Ang tanong: Kapag ba ang empleyado o kawani o talent ang umimbento ng logo -- ay aktuwal nang “siya ang may-ari” ng logo o ng IP item?


Iyan ang isyu.


---$$$---


MARAMING layout artist na pinapasuweldo -- at lahat ng mga ito ay inutusan ng kanilang employer na magdisenyo para magamit sa proyekto at aktibidad, ang idinisenyo ba niyang logo ay mananatiling “kanya” o sa management na nagpasuweldo sa kanya?


Kung pinasusuweldo si Joey de Leon o tinanggap niya ang “talent fee” — masasakop ba nito ang “IP rights” sa lahat ng kanyang ideya, inobasyon at imbento sa durasyon ng programa?


Iyan ang argumento na dapat linawin ng hukuman.


---$$$---


DAPAT ay makakuha ng opinyon o desisyon sa Korte Suprema kaugnay ng “Eat Bulaga” -- dahil apektado rito ang lahat ng negosyo kung saan nagtatrabaho ang mga “artist o talent”.


Sa ngayon, walang malinaw na sagot o desisyon hinggil d'yan.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 19, 2023



NAGKAKASUNUD-SUNOD na ang paglindol.


Dapat nang paghandaan ang “The Big One” lalo na ng mga nakatira sa matatayog na gusali sa Makati at Taguig.


---$$$---


MODERNO na ang bisinidad sa dalawang siyudad kung saan nakokontra na nila ang negatibong epekto ng bagyo at baha, pero makontra kaya nila ang “The Big One’?


Kapag kasi dumating ang magnitude 8 earthquake, maging ang mga rescuer sa bisinidad kasama na ang city hall — ay mapapasama sa mga “biktima”.


Pwedeng sumaklolo ang “biktima” sa “biktima” rin?


Maselan.


---$$$---


SA totoo lang, walang pinakaepektibong gamit sa panahon ng malakas na lindol kundi ang helicopter.


May sapat bang bilang ng helicopter ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) o Department of Social Welfare and Development (DSWD)?


Malungkot ang sagot: Wala.


---$$$---


HINDI pa rin maka-move on ang ilang residente kaugnay ng kontrobersyal na agawan ng teritoryo ng Makati at Taguig.


Ito ay sa kabila na nagdesisyon ang Korte Suprema.


---$$$---


KAKAUNTI lang ang tunay na nakakaunawa sa isyu partikular ang pagpasok sa Entry of Judgment ng naturang desisyon.


Kapag naipasok na sa Entry of Judgment ang desisyon, hindi na ito pwedeng iapela o irebisa.


---$$$---


SA kabila nito, dapat pa rin nating unawain ang personal na opinyon at emosyon ng mga apektadong mamamayan.


Hindi biro kasi na baguhin ang address at iba pang official document ng mga residente ng apektadong barangay na ang dating “address” ay Makati, pero biglang magiging “Taguig”.


---$$$---


GANYAN din sa mga negosyante at mismo sa ordinaryong mamamayan na nakikinabang sa benepisyo mula sa Makati City Hall.


Ibig sabihin, apektado ang “yellow card” na ginagamit sa pag-claim ng benepisyo sa Makati.


---$$$---


APEKTADO ng desisyon ang 729 ektaryang Fort Bonifacio Military Reservation kabilang ang Bonifacio Global City (BGC) at ang mga “embo barangays”.


Sa isang media survey, nagtanong kung ano ang sentimyento ng dating “Makati citizen” na magiging taga-Taguig at marami ang nalulungkot.


---$$$---


KASI’Y isinilang sila na taga-Makati, pero magiging taga-Taguig sila sa simpleng desisyon.


Ayon sa isang vendor, pabor sila du’n para mabago ang administrasyon ng barangay nila.



Nilinaw naman ni Alicia Esguerra, 1982 pa siya residente ng Makati, malungkot pero dapat sundin ang hukuman.


---$$$---


“Pagdating sa benefits na nakukuha namin sa Makati, naniniwala ako na pagdating ng araw ay makukuha din namin sa Taguig, ang request lang namin sa mayor ng Taguig ay kung ano ang ginagawa ng Makati ay gawin nila,” sabi ni Esguerra.


Para sa driver na si Margarito Solis mainam din na masubukan ang pamamahala ng Taguig.


---$$$---


NOONG Abril 3, inilabas ang desisyon sa 30 taong boundary dispute kung saan mas binigyang bigat ang historical, documentary at testimonial evidences na iprinisinta ng Taguig.


Dapat nang mag-move-on ang lahat at tanggapin na ang desisyon na nakapundasyon sa teknikal na aspekto ng isyu.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | June 10, 2023



Hindi lang kelot o bebot ang pinag-aagawan ngayon.


Kundi ang teritoryo ng mga barangay, pero pumagitna naman ang hukuman.


***


NAGDESISYON na ang Korte Suprema na nasa ilalim na ng pamamahala ng Taguig ang siyam na barangay na inaagaw ng Makati City.


Pero tulad sa love triangle sa mga nobela, hindi maka-move on ang Lungsod ng Makati.


***


KUNG tutuusin, dahil nagdesisyon mismo ang Korte Suprema, malinaw na tapos na ang laban.


Pero dahil mismo sa modernong “marites” na social media, hindi pa rin tapos ang patutsadahan.


***


NAGKALAT kasi ang fake news at propaganda sa social media.


Kumalat sa Facebook ang isang post na diumano’y kausap ng alkalde ng Makati ang Pangulo, First Lady, at ang Punong Mahistrado upang buksan muli ang kaso.


Dahil d'yan, mula sa hukuman, ang isyu ay maghuhunos bilang “political issue”.


***


NAGNGINGITNGIT naman ang mga netizen sa post na ito.


Bukod sa fake news, tila kinukwestyon nito ang disposisyon ng Korte Suprema.


***


Sinasabing nagsalita sa isang video ang alkalde ng Makati na mayroon pa raw silang ilalaban sa kasong ito.


Pinadalhan sila ng sulat ng Korte Suprema na magkakaroon pa ng hearing tungkol sa naturang usapin.


***


NILINAW mismo ng tagapagsalita ng Korte Suprema na si Atty. Brian Keith Hosaka ang isyu.


“I have no information about this. The SC-PIO (Public Information Office) will immediately post any notices on the SC website and official Twitter account should we receive any,” wika ni Hosaka.


***


SINABI rin sa pahayag ng officials ng Taguig na walang anumang update na natanggap mula sa korte.


May kakaiba talagang impluwensya ang social media, hindi na malaman natin ngayon kung alin ang totoo at alin ang palsipikado.

***


ANU’T anuman, dapat nating igalang ang desisyon ng hukuman.


Hindi rin natin dapat idamay sa “marites” ang mga tao sa Malacañang. Period!


***


LUMALALA ang giyera ng Russia at Ukraine.


Tulad sa Makati at Taguig, 'yan naman ang “royal rumble” ng mga bansa.


Kasi, nakikisali ang US at NATO na nagpapalala ng sitwasyon.


***


IBINABALA na ang panganib sa nuclear war dahil may mga aksyon na sinasalakay na rin ang loob ng teritoryo ng Russia.


Kapag ganyan, damay-damay na ang lahat.


***


NILINAW ni P-BBM na walang nababago sa relasyon ng Pilipinas at China.


Malaki ang tama niya.


***


ANG nababago lamang kasi ay ang impresyon batay sa nababasa sa media.


Dahil sa social media, maraming impresyon ang itinutulak na mula sa palsipikadong impormasyon.


Mag-ingat.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page