top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | August 18, 2023


NAIS ibasura ang mga Chinese contractor sa Pilipinas.

Huhh, talaga?


---$$$---


KAPAG ibinawal ang mga Chinese contractor sa mga proyekto sa bansa, tipong handang makipagsuntukan ang isang “unano” laban sa isang “higante”.

Hindi lahat ng “tama” ay dapat maganap o ipatupad.


---$$$---


MARAMING “tama” ang ipinipilit ipatupad, pero ang kinauuwian ay kapahamakan.

Dapat ay maging praktikal, imbes na maging “tigas-titi” lang.


---$$$---


HINDI puwedeng “tigas-tigasan” lang.

Sa alinmang away, hindi nananalo ang matapang, ang nagwawagi talaga ay kung sino ang “pinakamalakas”.


---$$$---


BAGAMAN “tama” na ipagbawal ang mga Chinese contractor, pero hindi ito nangangahulugan ng “tagumpay”.

Emosyon lang ‘yan — na karaniwang nagpapahamak sa isang tao.


---$$$---


HINDI rin dapat pinag-uusapan sa publiko o ilantad sa mga tao ang “detalye” ng anumang impormasyong may kaugnayan sa relasyon sa China.

Ang isyu sa “Chinese contractor” ay isang national security concern.


---$$$---


DAPAT ay manahimik ang mga senador at umiwas magyabang.

Ang isyu sa China ay dapat maselan na pinagdidiskusyunan sa isang “executive session” nang hindi naririnig na media.


---$$$---


INAASAHAN na ang pagtaas sa presyo ng petrolyo at bigas.

Walang susulingan si Juan dela Cruz.


---$$$---


ANG solusyon sa supply ng bigas ay ang pagbubungkal ng mga idle lands.

Bakit walang ganyang programa ang gobyerno?


---$$$---


WALANG karanasan bilang “magsasaka” ang mga nagdedesisyon.

Kailangan ng Malacañang ang isang tagapayo na aktuwal na “magsasaka”.


---$$$---


ANG talino ay hindi monopoly ng mga may sangkatutak na diploma.

Ang isang magsasaka ay mas matalino kaysa sa mga may doctorate degree.


---$$$---


ANG mga edukadong tao gamit ang traditional na eskuwelahan ay nanghihiram at nagnanakaw lang ng impormasyon sa mga sinaunang tao.

Posibleng wala silang talino at wisdom.


---$$$---


PERO ang mga lehitimong magsasaka na apo at apo ng mga sinaunang magsasaka ay posibleng mas matalino kaysa sa nakatungtong sa kolehiyo.


Hinahanap nila ang gumawa ng piramide at iba pang sinaunang gusali, pero dapat nilang maunawaan na “walang eskwelahan” noong unang panahon.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | August 16, 2023


RAMDAM na ramdam ang pagdarahop sa buwan ng Hulyo at Agosto.

Umaasa sila sa himala pagdating ng BER months.


---$$$---


AYAW tumigil ng ulan, hindi magamit nang maayos ang solar panel na pinagmumulan ng murang elektrisidad.

Kailangang magtipid at magsinop upang mabuhay nang maayos.


---$$$---


NAKAIMBENTO ng manipis na solar panel na mabilis na maire-reproduce tulad sa pag-imprenta ng mga diyaryo.

Huh, ‘yan ang dapat pakyawin ng Malacañang.


---$$$---


TUMODO na ang presyo ng petrolyo at posibleng sumunod ang presyo ng elektrisidad.

Kailangan talaga ang mass production ng solar panel.

Renewable energy ang kailangan.


---$$$---


NATUTUWA tayo dahil hindi lang pala ang Meralco ang may programa sa solar electricity kundi ang isa pang distribution utility sa Visayas na More Power.


Nakipagkasundo na sila sa ERC at LGU para makagamit ng renewable energy ang kanilang mga kliyente.


---$$$---


BAGO kasi makapag-offer ng Net Metering ay dapat mayroon na itong imprastraktura tulad ng smart meters, advanced communication systems at iba pa.

Umabot sa P2 billion ang investment na ito.


---$$$---


MAYROON na ngayong de-kalidad na power supply ang Iloilo City.

Puwede na silang dumugin ng mga investors na magpapasigla sa ekonomiya.


---$$$---


SA ngayon, isa sila sa may pinakamababang singil sa kuryente sa bansa.

At mula Enero hanggang Hulyo o siyete ay nagpatupad na ng pagbaba sa singil sa kuryente.


---$$$---


Ayon kay CEO Roel Z. Castro sa simula pa lamang ng operasyon ng More Power ay ipino-promote nila ang paggamit ng green energy.


May 72 qualified users na ang naisyuhan ng Certificate of Compliance ng ERC para sa Net Metering Program sa Iloilo City.


---$$$---


DAPAT ay maging modelo ang Iloilo sa renewable energy.

Ipatupad sana ito sa buong bansa.


---$$$---


NATUTUWA sa ulat na umamin na sa kaso ng pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid ang gunman.

Mabilis nang malulutas ang kasong ito.


---$$$---


BUWAN ng Wika ngayon.

Watyuseyyy?

---$$$---


BILANG pagsalubong ng Buwan ng Wika, tinanggal ang asignatura ng “mother tongue” sa public school.

No comment.


---$$$---


HANGGANG ngayon, kakaunti ang ganap na nakakaunawa sa pilosopiya ng pagkakaroon ng sariling wika.


Ang mga nagdedesisyon kasi ay mga “hinihika” na imbes ang mga modernong kabataan sa ating panahon.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | August 13, 2023


WALA raw kinalaman ang pagtatambak sa Bulacan Airport sa nararanasang malaking baha sa Bulakan at Pampanga.


Sabihin ninyo ‘yan sa “buwan”.

Ho! Ho! Ho!


---$$$---


KANYA-KANYANG hanap ng padrino ang mga nagtatambak sa Manila Bay.

Puwede ring pinatataas lang ang presyo.


---$$$---


SA aktuwal, hindi naman ang piyok ng mga Pinoy ang nagtulak sa Malacañang na itigil ang reclamation sa Manila Bay.

Malaki ang tama n’yo: Hikbi ng U.S.!


---$$$---


BAGO iutos ng Malacañang ang pagtigil ng reclamation project, naglabas ng press release ang U.S. na kontra sila sa isinasagawang pagtatambak dahil nakadikit lang dito ang U.S. Embassy.

Kitam!


---$$$---


HINDI lang ‘yan, ang nakikinabang sa malawakang reclamation ay ang ilang korporasyong Tsino na sinasabing ginamit din sa pagtatambak sa West Philippine Sea.

Kakahiya.


---$$$---


MAKIKITA natin ngayon na ang desisyon at aksyon ng mga Pinoy ay naiimpluwensyahan ng U.S. at China.

Isang mapait na katotohanan.


---$$$---


WALANG solusyon at maituturing ito na isang krisis.

Bakit?

Ito ay dahil walang kongkretong “ideolohiya” na niyayakap ang mga opisyal ng gobyerno at mismong mamamayan.


---$$$---


ANG ideolohiya ay siyang puso, isip, kaluluwa ng isang bansa.

Ito mismo ang pundasyon ng isang Republika.


---$$$---


ANG ideolohiya na inilalaban ng mga lider ng ating bansa ay kinopya, hinango o idinikta ng edukasyon idinisenyo ng ibang bansa.

Ang edukasyon ay ginamit upang malimutan o mawalan ng ideolohiya ang mga Filipino.

‘Yan ang tunay na ugat ng walang katapusang problema sa ating bansa.


---$$$---


ANG kawalan ng ideolohiya ay kinakambalan ng talamak na korupsyon sa publiko at pribadong sektor.

Opo, nakatanim sa kultura ng mga Pinoy — ang pagiging corrupt at pagkunsinti sa mga mandarambong.


---$$$---


ALAM ng mga tao na garapalan ang korupsyon sa lahat ng antas ng lipunan.

Pero, hindi ito nasusugpo dahil ang mga gumagawa ng batas ay walang “ideolohiya”.

Maging ang mga botante ay hindi nauunawaan ang kahalagahan ng ideolohiya.


---$$$---


TINANGKA ni dating Pangulong Marcos na makabuo ng isang kongkretong ideolohiya na yayakapin sana ng bawat isang Pinoy.

Pero, habang iminamaniobra ito, kinidnap siya ng mga dayuhan at inalis sa Malacañang.


---$$$---


WALANG lider na nangangahas na saliksikin ang isang ganap, dalisay at lantay na Ideolohiyang Filipino, sapagkat ang makakalaban niya ay ang malalaking bansa.


Okey sana ang sinimulan ni dating Pangulong Digong na maging maka-Pilipinas at maka-Filipino, pero hindi niya ito naitanim bilang pundasyon ng isang wagas na bahagi ng isang ideolohiya.


---$$$---


SAKALING tangkain ni P-BBM na buhayin ang sinimulan ng kanyang ama sa pagsasaliksik ng isang ideolohiyang Pinoy, hindi siya nakakatiyak na matutuwa ang malalaking bansa na nagnanais na magdikta sa Pilipinas.


Maunawaan sana ito ng mga lahing kayumanggi!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page