top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | October 18, 2023


PAPASUKIN na ng ground troops ng Israel ang Gaza Strip.

Ere na ang aktuwal na giyera.


---$$$---


TALIWAS sa paniniwala ng ilan, higit na delikado ang Israel-Palestine War kaysa sa Russia-Ukraine war.

Anumang araw ay puwedeng maging grabe ang sitwasyon.


---$$$---


MAGHANDA dapat ang lahat sa panibagong krisis.

Mandatory evacuation na ang iniutos sa mga OFW na naiipit sa digmaan.


---$$$---


SA Pilipinas, lalong gagrabe ang krisis sa ekonomiya.

Malinaw na apektado na naman ang mga estudyante.


---$$$---


NAGBABALA ang ilang eksperto na posibleng magsarado ang ilang private schools sakaling maging batas ang “No Permit, No Exam Policy ban”.


Iyan kasi ang pinagdedebatehan sa bicameral ng Kongreso.


---$$$---


MADIDISKARIL ang financial flow ng ilang pribadong eskwelahan na naka-survive sa lockdown.

Malinaw na hindi ito ang solusyon.


---$$$---


ALAM naman natin na hindi naman libre ang tuition sa pribadong paaralan.

May gastusin din at gugulin ang pribadong negosyo tulad ng mga private school.


---$$$---


DAPAT ang gawing batas ay paglalaan ng subsidy sa student o eskwelahan para bayaran ang matrikula ng mga “walang pambayad”.


Pero, ang pagbawalan sa proseso ng paniningil ay “paglabag ito sa Konstitusyon” para makapag-operate nang maayos at malaya ang mga negosyo.


---$$$---


HINDI dapat diktahan ng gobyerno ang private school lalo pa’t lehitimo naman ang sinisingil na matrikula.


Kung “overbill”, puwede — pero kung maayos naman ang singil, bakit sasagkaan ng gobyerno ang proseso?


Kakapusin sa operating expenses ang mga private school kapag ipinatupad ang pagbabawal sa “No Permit, No Exam Policy”.


---$$$---


BATAY sa pag-aaral ng Philippine Association of Colleges and Universities, mauubusan ng pondo ang mga private school sa loob lang ng dalawang buwan sakaling ipatupad ang panukala.


Ipagpapaliban kasi ang pagbabayad ng matrikula.


Hindi naman inililiban ang utility bills tulad sa konsumo ng elektrisidad, tubig, internet at pasuweldo sa personnel.


---$$$---


MASASAKLOLOHAN ba ng gobyerno kapag nawalan ng trabaho ang mga titser at personnel sakaling mabangkarote ang eskwelahan?


Iyan ang dapat isabay na batas, saklolohan ang pribadong eskwelahan na naka-enroll ang mga mahihirap.


---$$$---


DAPAT ay ilipat ang mga walang pambayad o bigyan ng prayoridad sa enrollment sa public school.


Pero, kapag nag-enroll sa private school, ibig sabihin, dapat nilang igalang ang proseso ng paniningil na isa nang tradisyon.


---$$$---


HINDI ba sapat na mayroon namang installment plan at alternative payment scheme ang mga private school para sa kanilang mga estudyante?

Matagal nang ginagawa ang sistemang ito.


---$$$---


DAPAT ay ang pagpapalawak pa ng voucher system sa mga private school ang ipatupad.

Magkaroon ito ng inobasyon.

Ganu’n lang kasimple.



 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 24, 2023


MADILIM ang paligid.

Hindi malaman kung “vog”, “fog”, “haze” o ulap ang bumabalot sa kalangitan.


---$$$---


BIGLA kasing nag-alburoto ang Bulkang Taal.

Maging ang Phivolcs ay nasorpresa.


---$$$---


DUMARAMI ang nagkakasakit na sintomas ng trangkaso.

Matagal gumaling, pero hindi naman gumagrabe.


---$$$---


KAPANSIN-PANSIN ang pag-absent ng mga estudyante, guro at mga empleyado.

Pero, walang “sey” ang DOH.

Anubayannn?


---$$$---


ABALANG-ABALA na ang lahat sa barangay election.

Sa ayaw o sa gusto ng Comelec, ratsadahan na ang kampanya.


---$$$---


MAHIRAP nang mapigil ng Comelec ang illegal o immoral na pangangampanya.

Kanya-kanyang gimik at taktika.


---$$$---


MAY mga sitwasyon naman na halos “paniwalaan-dili” ang pagsusumite ng kandidatura.

Maraming kaso na naglalaban-laban ay magkukumpare at magkakamag-anak.


---$$$---


KAKAIBA naman ang sitwasyon sa Bgy. San Isidro sa Antipolo City.

Magkalaban ay “mag-ina”.

Parehong nagsumite ng COC ang magnanay.


---$$$---


NALILITO ngayon ang mga botante sa naturang barangay nang mag-file ng kandidatura ang isang “Angelo Kyle Garcia Salen” at isang “Maria Gloria Garcia Salen”.

Aatras kaya ang isa sa kanila o parehong tutuloy ang kandidatura sa Oktubre?


---$$$---


POSIBLENG pumabor ang naturang sitwasyon sa kanilang kalaban, pero marami ang nagsasabi na posibleng gimik ito at maaaring mag-withdraw ang isa sa “mag-ina”.

Magkakaroon kasi ng problema sa balota o pangangampanya.


---$$$---


KABILANG sa nagsumite ng kandidatura sa naturang barangay sina Rex Cayanong at Junie Elizaga na makakatunggali ng “mag-ina”.


Ang kapatid ni Gloria ay 15 taong naging kapitan samantalang 15 taon din naging kapitan ang asawa nito.


Ililipat pa sa anak o sa misis ang liderato ng barangay?

Hindi kaya masilat sila ng hindi nila kaapelyido?


---$$$---


WALANG duda, sisigla ang ekonomiya sa pagpasok ng Oktubre dahil sa eleksyon.

Kumbaga, mapapaaga nang todo ang Pasko sa Pilipinas.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | September 19, 2023


HINDI na natin tatantanan ang diskusyon sa agrikultura hangga’t hindi namumulat ang mga kinauukulan.


Sa aktuwal, ang agrikultura ay gulugod ng ekonomiya ng Pilipinas mula sa sinaunang panahon.

---$$$---



SAKSI sa testamentong ito ang Banawe Rice Terraces.


Bahagi at nakabaon sa Lahing Pinoy ang pagiging magsasaka.

Ibig sabihin, nakapundasyon ang tunay na ideolohiyang Pinoy sa pagsasaka.


---$$$---


HINDI maaaring suriin ang ideolohiyang maka-Pinoy nang hindi babalikan ang masalimuot na pagsasaka.


Halimbawa, nakabaon sa mga terminong pagsasaka ang mismong kasaysayan at pagmamahal sa “Lupang Tinubuan”.

---$$$---


INANG Bayan ang katumbas ng “Lupang Tinubuan” — pagmamahal sa bayan, pagiging makabayan o patriotiko.


Hindi ba’t terminong pagsasaka ang “tinubuan”?


Malinaw na malinaw na ang teknolohiya sa pagsasaka ay kakambal ng pagmamahal sa bayan.

---$$$---


SINIRA at niyurakan ng mga dayuhan ang pagsasaka upang mabura sa kamalayan ng mga Pilipino — ang pagmamahal sa bayan.


Gusto ng mga dayuhan, na itakwil ng mga Pinoy ang pagsasaka at sumandal na lamang sa pagkain o produkto na itinanim sa ibang bansa.


---$$$---


ANG napakasakit, hindi nauunawaan ng matataas na opisyal ng gobyerno ang tunay na “diwa, pilosopiya, esensiya at kahulugan” ng pagsasaka.


Hindi ito simpleng “sikmura”, bagkus ang pagsasaka ay isang nabaon na ideolohiya sa Lahing Kayumanggi.

---$$$---


ANG importasyon ng bigas ay mapait na bunga ng kolonyalismo.

Ang patuloy na pagsandal sa imported rice ay kakambal ng pagtataksil sa Lahing Kayumanggi.

---$$$---


NAPAKAHALAGA na bungkalin ang mga panot na bundok at nakatiwangwang na lupain.

Hindi ito simpleng maibaba ang presyo, bagkus ito ay isang marahas na hakbang upang maibalik ang pagmamahal sa ating Republika.


---$$$---


ANG pagbagsak ng agrikultura, ay posibleng magpahina sa gulugod ng ating Republika.


Nagmamakaawa tayo sa mga nagdedesisyon na gumawa ng malawakang programa upang magbungkal at magparami ng mga bukirin sa Luzon, Visayas at Mindanao.


---$$$---


ANG bigas ay hindi maaaring maimbak nang matagal na panahon, pero ang palay ay puwedeng maging “laon” kahit isang dekada.


Magbungkal at mag-imbak tayo ng palay — ito ang magpapatatag sa ating Republika.


Umiwas tayo sa imported na bigas, dahil iyan ay kasing kahulugan ng pagmamahal sa mga dayuhan.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page