top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | April 15, 2024



AYAW na sana natin na makisawsaw sa mga naganap sa paligid.


Pero, isa tayo sa nababahala sa nagaganap sa daigdig.


Sinalakay na ng Iran ang Israel!


----$$$---


MAY mga mag-oopinyon pero hindi natin malaman kung propaganda o hindi ng magkakabilang panig.


Mahalagang matukoy natin kung “ano ang nasa likod” ng mga balita.


-----$$$--


KAILANGANG maunawaan ng publiko ang tunay na naganap at magaganap imbes na itago ng mga awtoridad.


Halimbawa, alam ng mga eksperto na reresbak ang Iran dahil sandamakmak na ang opensa na naranasan nila sa kamay ng Israel.


----$$$--


BINOMBA ng Israel ang konsulado ng Iran sa Syria.


Sa hindi nakakaalam, ang konsulado o embahada ay itinuturing na karugtong ng pisikal na teritoryo ng isang bansa.


Pwes, mistulang binomba ng Israel ang teritoryo ng Iran kung saan napatay ang mga heneral.


-----$$$--


HINDI na iginagalang ngayon ang international law o international norm o protocol.


Iyan ang mismong ugat ng giyera.


----$$$--


SA totoo lang, maging ang China ay hindi iginagalang ang international law tulad ng Israel.


Ibig sabihin, kung nagkakagulo ngayon sa Middle East, hindi malayong magkagulo rin sa West Philippine Sea.


Iyan ay dahil sa pambabastos sa international law.


----$$$--


PERO, nagpapayo ang marami na maging praktikal — na siyang posisyon naman ni dating Pangulong Digong.


Praktikalidad ang ginamit ni ex-PRRD na makipag-ungguyan siya sa China — umiiwas siya sa aktuwal na komprontasyon kung saan maaaring magbuwis ng buhay ang mga Pinoy.


----$$$--


DAPAT ay maging praktikal ang Iran dahil kapag lumalala ang komprontasyon — maraming Iranian ang mamamatay.


Sa praktikalidad, hindi pinag-uusapan ang “kung sino ang tama o kung sino ang mali”.


Tinitiyak dito ang kaligtasan ng buhay ng ordinaryong tao.


----$$$--


IYAN din ang isyu sa Israel versus Hamas at iyan din ang isyu sa Taiwan versus Mainland China.


Siyempre, iyan din ang isyu sa Beijing versus Manila.


Mahalaga ang maging praktikal.


Ere ang tanong: Praktikal ba sina PBBM at kanyang mga tagapayo?


-----$$$--


KUNG pagbabatayan ang tama o mali, kasama tayo sa naniniwala na mali at lumabag sa international law ang China.


Pero, kung magiging praktikal, dapat ay makaiwas ang Pilipinas sa aktuwal na komprontasyon.


-----$$$---


KAPAG may komprontasyon, kahit tumulong ang US, Japan at Australia sa Pilipinas — matatalo ba ng Pilipinas ang China?


Makakaligtas ba sa pagbubuwis ng buhay ang mga Pinoy?

Huwag kayong sumagot ng “tama”, dahil delikado.


Sumagot kayo nang “praktikal”.


------$$$--


MASELAN ang isyu, pero mauunawaan ninyo ang sagot sa giyera ng Ukraine at Russia.


May suporta ng US at Europe ang Ukraine, napaatras ba ang Russia?


Nananalo ba ng Ukraine o naagawan sila ng teritoryo — sa kabila ng aktuwal na pagtulong ng US at NATO.


Hala, sumagot kayo!


---$$$--


KAPAG sinakop ng China ang PAG-ASA Island at Ayungin Shoal, at maging ang Batanes at Babuyan Islands, mababawi ba ‘yan ng Pilipinas sa pagtulong ng US at Japan?


Ilang libong sundalong Pinoy ang magbubuwis ng buhay sa pakikipaglaban sa pagiging “tama”.


Saan ka: Sa tama o sa praktikal?


-----$$$---


INILALABAN lamang ang “tama” kung ikaw ay may sapat na armas at kayamanan.

Kung mahina ka, pasensya ka — kahit “tama ka”, wala kang magagawa kundi ang maging biktima.


Pero, kailangan mong maging praktikal upang mabuhay nang matiwasay at maayos.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Pebrero 16, 2023


BUMABAGSAK na ang ekonomiya ng China.


Siyempre, damay ang buong daigdig.


---$$$---


KUMBAGA, ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.


‘Yan ang epekto ng globalization.


---$$$---


ANG “globalization” o pangangalakal nang maluwag sa lahat ng bansa ay idinikta ng IMF- World Bank.


Idinikta rin nito ang pagkontrol sa populasyon.


---$$$---


NANG pumasok ang mga Kano sa negosyo sa loob ng China kakambal ito ng globalization at ipinagbawal sa mga Tsekwa ang pag-anak ng higit sa dalawang paslit.


Ngayon, ang mismong globalisasyon na ito at pagkonti ng bilang ng mga bata ay siyang “magpapaguho” sa ekonomiya ng China.


Demographic crisis ang tawag d’yan.


---$$$---


ANG pagkaunti ng populasyon ay kasingkahulugan ng pagkonti ng bilang ng work force — na siyang nagiging problema ng Japan, Britain at Canada at iba pang bansa.


Ngayon, kapos ng work force ang mga malalaking bansa kung saan, ang Pilipinas ang nakikinabang.


---$$$---


OPO, tama kayo, kahit idinikta ng IMF-WB ang population control, hindi ito sinunod ng mga Pinoy na matitigas ang kukote.


Sa ngayon, tinatayang nasa mahigit 130 milyon ang bilang ng mga Pinoy kaya’t itinuturing ang Pilipinas na isa sa “malaking bansa”, kahit maliit ang sukat ng teritoryo.


---$$$---


ANG gulugod ng ekonomiya ng Pilipinas ay nakasandal sa dollar remittances ng higit sa 15 milyong overseas Pinoy bukod pa rito ang malaking bilang ng mga “productive citizen”.


Nakikinabang ngayon ang Pilipinas sa tinatawag na “demographic dividend”.


---$$$---


ANG demographic dividend ay mistulang dibidendo kung saan nakikinabang ang bansa batay sa “bilang ng populasyon” na nagtatrabaho o working force.


Sa hinaharap, kung hindi magpapadikta ang Pilipinas sa kumpas ng IMF-WB at iba pang international financial institution, makakaangat tayo nang todo.


---$$$---


BINABANGGIT natin ito kaugnay ng idinidiktang “economic provisions” sa Konstitusyon na pinaniniwalaang makikinabang ang mga dayuhan.


Walang epekto ang probisyon ng Saligang Batas kung pag-uusapan ang macro economy dahil ang natural resources ay dapat manatiling nabibiyayaan ang Pinoy imbes na mga dayuhan.


---$$$---


SA totoo lang, lingid sa kaalaman ng lahat, nang senador pa si P-BBM ay isa tayo sa katuwang ng kanyang chief of staff na si Ka Eki Cardenas sa pagbuo ng kanyang mga talumpati.


May isang okasyon na dadaluhan noon ang dating senador na si P-BBM tungkol sa ekonomiya at populasyon nang iabot sa atin ang lista ng titulo ng aklat at author nito para mai-research.


---$$$---


SINALIKSIK natin ang aklat na nakapokus sa “demographic dividend” at ilang araw na sinuri at pinag-aralan.


Natapos namin ang “talumpati” at natutuhan ko nang todo ang kahalagahan ng “working force” kontra sa bilang ng mga dependent sector tulad ng mga may sakit, paslit at mga matatanda -- bilang pundasyon sa ekonomiya ng isang bansa.


---$$$---


‘IKA nga ni Madame FL Meldy, “ang ‘tao’ ang dapat sentro ng lahat ng pagkilos at pag-unlad”.


Kayamanan ng isang bansa — ang TAO: Higit sa Lahat, TAO!


‘Yan ang slogan sa Bagong Lipunan ng matandang Marcos, ‘yan din ba ang slogan sa Bagong Pilipinas?



 
 

ni Ka Ambo @Bistado | Pebrero 12, 2023


NATUTUWA tayo sa ulat na ipinarerebyu ni P-BBM ang performance ng mga presidential appointee.


Klap, klap, klap!

---$$$---


SANA ay unahin ng Malacanang ang mismong mga miyembro ng gabinete, bago ang ibang ehekutibo ng gobyerno.


D’yan matutuwa si Juan.

---$$$---


MAPAIT na balita ngayon ay ang 35 kataong namatay sa landslide sa Davao de Oro.


Este, bossing P-BBM, puwede bang pakiuna sa rebyu ang performance ng DENR?


---$$$---


AGAD pinagtakpan ang pananagutan ng mining firm na nag-o-operate sa tabi ng landslide area.


Hindi ba’t kaduda-duda ‘yan DENR Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga?


---$$$---


MAY mga “marites” kasi na nagsasabing kahit maeskandalo o masabit o pagdudahan, mahirap tibagin ang “Yulo” sa Palasyo.


Huh, totoo ba ‘yan?

---$$$---


HINDI naman makakaila ang “Yulo” bilang hasiendero.


Nagagalit daw sa kanila ang mga pobreng magsasaka sa mga bayan ng Canlubang, Laguna; Coron at Busuanga sa Palawan sa usaping agraryo.


---$$$---


KABILANG sa “ikinakalantari” ay ang pagkakasunog umano sa isang komunidad noong 2021 para bigyang-daan ang proyekto ng realty development.


Mahalagang maunawaan ng publiko ang tunay na sitwasyon sa isyung ito.


---$$$---


SA Palawan, sinasabing nagbuwis na rin ng buhay ang magsasakang si Arnel Figueroa na pinaniniwalaang binaril ng guwardiya ng rancho sa naturang lugar.


Maselang isyu ito, pero walang nagtatangkang mag-ayos ng gusot.


---$$$---


MAS mainam sana ay maglabas ng opisyal na pahayag si Sec. Yulo-Loyzaga hinggil sa isyu ng agraryo na ipinupukol sa kanilang angkan.


Ito ay upang mailayo sa intriga si P-BBM at mismong kanilang pamilya.


---$$$---


SINTIDO-KUMON kasi na mas papanigan ng mga hasiendero ang kanilang kabaro kaysa sa mga pobreng ordinaryong tao.


Tulad sa mining firm na isinasabit sa landslide, bakit agad na nilinis ang pananagutan ng mga ito gayong wala pang komprensibong pagsisiyasat?


---$$$---


KAILANGAN ang opisyal na pahayag ng kalihim ng DENR kaugnay ng aktuwal na sanhi ng pagguho ng lupa kung saan marami ang namatay at mga nawawala.


Hindi ito biro, pero tila dedma lang ang media at ilang opisyal ng pamahalaan.


---$$$---


NAMUMURO na si ex-President Donald Trump laban kay US President Joe Biden.


Ang US presidential election ay labanan ng mga kandidato sa pagkakaroon ng “dementia”.

---$$$---


PERO, hindi ‘yan ang isyu, bagkus ay ang pagkakahawig ng kampanyahan sa US at kampanyahan sa Pilipinas.


Ginagamit kasi ang media at hukuman upang mai-disqualify ang isang presidential aspirant.


Hindi kaya ang mga Pinoy ang mga lihim na advisers ng Democrats?


---$$$---


GUSTO ng Democrats na maupo si Biden hindi dahil sa resulta ng balota, bagkus ay sa kapritso ng mga mahistrado.


Sino ang nangopya, ang US o ang Pinoy?


Ha! Ha! Ha!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page