top of page
Search

ni Ka Ambo @Bistado | May 27, 2024



Bistado ni Ka Ambo

Tila nag-aakrobatik ang isang kongresista at kanyang misis. 


Kumbaga, may kakayahan silang humugis at kumulay batay sa kinakapitan nilang kompadre at komadre. Kakabilib!


—$$$—


KUMBAGA sa alahero’t alahera, mahusay sila kumilatis kung sino ang magkakaroon sila ng pambihirang ganansiya. 


Si Cong ang isa sa utak ng batas para matanggalan ng prangkisa ang isang media network. Presto, hanga sa kanya si Speaker.


—$$$—


KASI naman ay inaakusahan ang network na nagpagamit sa isang kilalang pulitiko para sirain ang administrasyon. 


Siyempre, tipong 25 karats siya sa paningin ni Bossing. Amazing, eka nga ng appraiser.


—$$$—

IMINARITES kasi na gumastos ng P1.8 bilyon ang Speaker noong 2023 kahit walang katotohanan. 


Sinibak din kasi ang confidential fund ng isang miyembro ng gabinete na anak ng pulitiko na siyang ugat ng girian.


—$$$—


KATWIRAN ng magkapakner, trabaho lang, walang personalan. 


Ang pagiging balimbing at hunyango ay isang normal na diskarte lang, kumbaga.


—$$$—

SANGGANG-DIKIT ng malaking lider ng Mindanao ang may-ari ng media network kaya’t bad shot sa naturang pulitiko. Pero, mataas din ang puwesto ng anak nito sa gobyerno kung saan doon naman nakadikit ang misis ni Cong. 


Ibig sabihin, pantabla niya si Misis para hindi siya pag-initan ng big time politician.


—$$$—


PERFECT talaga ang pagtulay sa alambreng ginto. ‘Pag nagbago ang ihip ng hangin anumang oras o kahit pa sa 2028, kalmante lang siya. 


Kasi tipong kanang kamay ang kanyang Misis ng anak ni dating big boss na isa ring presidentiable.


—$$$—


WALANG panama sa magdyowa ang double agent ng Kano at Ruso. 


Mistulang 24 karats na gold plated sila na ang loob ay simpleng aloy at pilak lamang.


—$$$—


AYAYAY, ang pulitika sa ‘Pinas ay ‘disgusting’. Pero, ang buhay ay dapat pa ring ma-enjoy! 

Ha! Ha! Ha!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | May 25, 2024



Bistado ni Ka Ambo

Maselan na ngayon ang modernong media.

Mayroon na kasing batas sa “cyber libel”.


----$$$--


HINDI dapat pabalugbog ang paglikha ng mga post lalo na’t talamak ang “fake news” o paglalathala ng tsismis.


Ang tsismis ay ang paghugot ng content nang walang “personal knowledge” o first hand information ang may-akda.

Kumbaga, nanghihiram lang ng impormasyon.


----$$$--


MAHALAGANG maunawaan natin na kailanggan ay may personal experience o knowledge ang mga may-akda sa mga detalye na kanyang ikinukuwento.

Kung nakikopya lang, sabihin niya na kinopya lang talaga niya at aminin niya na wala siyang sapat na ebidensya.


----$$$--


ISANG halimbawa dito ay ang isang reklamo na natanggap ng NBI kung saan may libel complaint laban kay Dr. Tony Leachon.

Iimbestigahan ito ng NBI upang matukoy kung may sapat bang ebidensya sa mga inilabas na impormasyon ng doktor laban sa isang pharmaceutical firm.


----$$$---


NAGREKLAMO kasi ang Bell-Kenz Pharma Inc. sa tinatawag nilang “malicious, reckless, and baseless” accusations.

Inaakusahan ng doktor na nagpapakilalang health advocate na sangkot sa “unethical practices” ang kumpanya.

Siyempre, papalag ang kumpanya dahil nakasisira ito ng kanilang reputasyon.


-----$$$--


ISA sa mabigat na bintang ay sangkot daw ang naturang pharma sa isang multi-level marketing at pyramiding schemes.

Nag-aalok din umano ng magagarbong incentives sa mga doktor na magrereseta ng kanilang gamot.


-----$$$--


IPINAHAYAG ng naturang doktor na may ilang “whistleblowers” kuno na lumapit sa kanya at nagkumpirma ng mga nasabing impormasyon.

Kung ganu’n, malinaw na hearsay ito at lumalabas na wala siyang “first hand” information sa isyu na ikinakalat.


----$$$--


HINIHILING ng Bell-Kenz sa NBI ay maalis sa social media ang mga “damaging posts” na mula kay Dr. Leachon dahil walang sapat na ebidensya.

Wala naman kasing nagaganap na pyramiding o multi-level marketing dahil walang “recruitment scheme” ang kumpanya.

Produkto ang kanilang ibinebenta.


----$$$--


ANG iskema naman ng insentibo sa mga doktor na mula sa mga manufacturer o distributor ay matagal nang practice sa medical community.

Kumbaga, “in general” dapat ang pagtukoy imbes na nakatukoy lang sa isang kumpanya.


----$$$--


KARANIWAN ding pag-aari o kasosyo ang ilang doktor sa mga ospital bilang investors at hindi isolated case ang kaso ng naturang kumpanya na tinukoy ng doktor.

Nakahanda namang humarap sa anumang imbestigasyon — sa Senado man o Kamara ang mga opisyales ng pharma firm.


----$$$--


SABAGAY, malaya ang NBI na magsiyasat kung may sapat na ebidensya ang naturang pharma firm sa kasong cyber libel na isinampa laban kay Leachon.

Iyan ang mismong trabaho nila.

Antayin natin ang resolusyon ng kaso bago tayo humusga kung sino ang may kasalanan o wala.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Ka Ambo @Bistado | May 20, 2024



Bistado ni Ka Ambo

Kaliwa’t kanan ang biyahe at state visit ng mga lider ng iba’t ibang bansa.

Isang sintomas ito ng namumurong giyera-mundial.


----$$$--


TATLO ang posibleng agenda ng mga usapan.

Una, makadepensa sa nararanasang world economic meltdown — na isang aktuwal na ugat ng mga nakaraang digmaang pandaigdig.


----$$$--


IKALAWANG dahilan ay ang pagtatangka ng bawat lider na maiwasan ang “hindi” na maiiwasan pang World War 3.

Nagkakaisa ang lahat: Petsa lang ang inaantay — taon, buwan o araw.


----$$$--


IKATLO, nagpapakiramdaman ang mga lider pero lihim nang nag-aalyansa at nagmamaniobra sa aktuwal na giyera-mundial.

Mapapansin ito sa mabilisan at apurahang pagpupundar ng mga gamit panggiyera.


----$$$--


ANG Pilipinas ay kasama sa aktuwal na naghahanda sa giyera dahil sa pamamakyaw ng mga kasangkapan sa digmaan.

Diretso rin sa pakikipag-usap sa lider ng mga makapangyarihang bansa.

Siyempre, kasama sa usapan ang “economic component”.


----$$$--


KUNG naghahanda o nagpeprepara ang mga lider ng bansa o iba’t ibang gobyerno sa “napipintong digmaan”, ilang grupo ba ng mga pribadong tao naman ang naghahanda sa “contingency”?

Mayroon ba?


-----$$$--


ANG benta ng mga sosyo o paglilipat ng puwesto ay isang lihim na preparasyon.

Mapapansin din ang paghahanap ng “second country” kung saan pinakaligtas ang sitwasyon at siyempre, pinakaligtas ang negosyo.


----$$$--


SA pagpili ng santuwaryo o mapagtataguan o malilipatang lugar ang unang batayan ay ang pagtukoy kung aling geographical location — ang tinatawag na “hot spot”.

Ang hotspot ay lugar kung saan may mga girian ang malalaking bansa na dapat iwasan.

Kasama riyan ang West Philippine Sea, Middle East at ilang lugar sa Europe at Africa.


----$$$--


SA Pilipinas, tulad sa panahon ng COVID, pinakaligtas ang pagbabalik o pag-uwi sa mga liblib na probinsya.

Siyempre, dapat umiwas sa mga lugar kung nasaan ang mga kampo ng military.


----$$$--


DAPAT nating maunawaan na sa panahon ng krisis o digmaan, hindi lahat ay nagdarahop.

Maraming sitwasyon na may mga “biglang yumayaman” dahil sa pambihirang oportunidad na lumilitaw.


-----$$$--


HINDI pinag-uusapan sa Malacañang, Senado o Kamara ang posibleng maniobra sa giyera-mundial.

Pero, ilan sa kanilang aksyon at desisyon ay buwelo sa digmaan.


----$$$--


AASA ba o sasandal ang mga sibilyan sa gobyerno sakaling magdesisyon silang magprepara o gumawa ng sari-sarili nilang contingency?


Paano ang mga nagdarahop, tatanghod na lang ba sila at magdarasal nang “walang patid”?

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page