top of page
Search
  • BULGAR
  • Jun 18, 2024

News @Balitang Probinsiya | June 18, 2024



AKLAN — Isang 38-anyos na lalaki ang namatay nang pagbabarilin ng kanyang kaalitan kamakalawa sa Brgy. Kinalangay Nuevo, Malinao sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ay nakilalang si Daruis Zapra, nakatira sa nasabing barangay. 


Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo si Zapra at ang hindi pinangalanang suspek na humantong para maglabas ng baril at pagbabarilin ng suspek ang biktima.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.


Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek upang masampahan ng kasong murder.



HVT SA DROGA, HULI SA DRUG-BUST


QUEZON -- Isang High Value-Target (HVT) sa droga ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Camohaguin, Gumaca sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan pa ito ng pulisya.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng umano’y shabu ang suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang pusher na napag-alamang kabilang sa HVT sa droga sa naturang bayan.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 5.1 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.

Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



MAGLOLONG TULAK, TIKLO SA BUY-BUST


BACOLOD CITY -- Inaresto ng mga otoridad ang maglolong drug pusher sa buy-bust operation kamakalawa sa Brgy. 3 sa lungsod na ito.


Ang mga suspek ay itinago ng mga otoridad sa alyas na “Tatang,” 60 at “Boy,” 21, kapwa residente sa nasabing lungsod. 


Ayon sa ulat, nadakip ang dalawang suspek sa buy-bust operation ng mga operatiba sa nabanggit na barangay.


Nakapiit na ang maglolong suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Nakakumpiska ang mga otoridad ng 205 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.




PARAK, NATAGPUANG PATAY


ILOILO CITY -- Isang pulis ang natagpuang patay sa loob ng kanilang bahay kamakalawa sa Brgy. Mansaya, Lapuz District sa lungsod na ito.

Sa kahilingan ng pamilya ay hindi na isinapubliko ang pangalan ng biktima. 


Napag-alaman na ang misis ng biktima ang nakatagpo sa duguan nitong bangkay na may isang tama ng bala sa ulo sa loob ng kanilang bahay.

Sa pagsisiyasat ng pulisya ay napag-alamang walang indikasyon na pinatay ang biktima.


Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad para mabatid kung aksidenteng pumutok ang baril habang nililinis ito ng pulis at tumama ang bala sa ulo nito, o nag-suicide ang biktima.

 
 

News @Balitang Probinsiya | June 16, 2024



Eastern Samar — Isang magsasaka ang namatay at anim pang kasamahan nito ang sugatan nang tamaan sila ng kidlat kamakalawa sa Brgy. Casuguran, Guiuan sa lalawigang ito.


Ang nasawi ay kinilala lang sa palayaw na “Aljon,” 33, samantalang inaalam pa ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng anim pang biktima.


Ayon sa ulat, habang nasa bukid ay biglang bumuhos ang ulan at kasunod ang pagkidlat na tumama sa mga biktima.  


Agad dinala ng mga residente sa ospital ang mga magsasaka, pero idineklarang dead-on-arrival si “Aljon” dahil sa tinamong 3rd degree burns sa katawan.


Sa ngayon ay inoobserbahan sa pagamutan ang anim pang magsasaka na nagtamo naman ng 1st at 2nd degree burns sa kanilang mga katawan dulot ng tama ng kidlat.



LABORER, KINATAY NG BAYAW


AGUSAN DEL SUR -- Isang laborer ang napatay nang pagtatagain ng kanyang bayaw kamakalawa sa Brgy. Poblacion, Sta. Josefa sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng taga sa katawan ay nakilalang si Joel Morales, samantalang ang suspek ay ang bayaw nitong si Arnel Durado, kapwa nasa hustong gulang at parehong residente sa nasabing barangay.


Ayon sa ulat, habang nag-uusap ay nagkaroon ng pagtatalo ang magbayaw hanggang pagtatagain ng suspek ang biktima.


Nabatid na isang kapitbahay nila na si Rodel Harungay ang sugatan din nang tagain ito ni Durado sa katawan nang tangkain nitong awatin ang suspek sa pananaga sa kanyang bayaw.


Napag-alaman na namatay sa mismong pinangyarihan ng krimen si Morales, habang ginagamot naman sa ospital si Harungay. Naaresto rin ang suspek na nahaharap sa kasong murder at frustrated murder.





20 MANGINGISDA, TIKLO SA ILLEGAL FISHING


ILOILO – Nasa 20 mangingisda ang inaresto ng mga otoridad dahil sa pagsasagawa ng illegal fishing kamakalawa sa karagatang sakop ng Brgy. Asluman, Carles sa lalawigang ito.


Pansamantalang hindi pinangalanan ang mga nahuling suspek habang iniimbestigahan sila ng mga otoridad. 


Ayon sa ulat, dinakip ng pulisya ang mga suspek dahil sa ilegal na pangingisda sa nasabing karagatan.


Hindi naman nanlaban sa mga otoridad ang mga naarestong mangingisda.


Nakapiit na ang mga suspek at sinampahan na sila ng pulisya ng kasong paglabag sa illegal fishing. 




KELOT, BINUGBOG DAHIL SA BASKETBALL


QUEZON -- Isang binata ang sugatan nang bugbugin ng dalawa niyang nakalaro sa basketball kamakalawa sa bayan ng Mulanay sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ng mga otoridad ang biktima at dalawang suspek, pawang nasa hustong gulang at mga residente sa nasabing bayan habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon.


Ayon sa ulat, napikon umano ang dalawang suspek sa larong basketball kaya pinagtulungan nilang bugbugin ang biktima.


Ginagamot na sa ospital ang biktima na nabasag ang panga at nagtamo ng mga pasa sa mukha at katawan.


Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong serious physical injury laban sa dalawang suspek.


 
 

News @Balitang Probinsiya | June 14, 2024



Camarines Sur — Isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa naganap na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga komunista kamakalawa sa Brgy. Antolon, Caramoan sa lalawigang ito.


Kinilala ang nasawi na si alyas “Ka Diego,” nasa hustong gulang at NPA member na nag-o-operate sa lalawigan.


Ayon sa ulat, nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga kawal ng pamahalaan nang pagbabarilin sila ng mga NPA sa naturang barangay. 


Dahil dito, agad gumanti ng putok ang tropa ng gobyerno kaya tinamaan ng bala at napatay si “Ka Diego.” 


Patuloy pa rin ang pagtugis ng mga otoridad sa iba pang NPA na nakatakas sa nabanggit na barangay.




2 HVT, TIMBOG SA DRUG-BUST


NEGROS OCCIDENTAL -- Dalawang High Value-Target (HVT) sa droga ang dinakip ng mga otoridad sa drug-bust operation ng mga operatiba kamakalawa sa Brgy. Burgos, Cadiz City sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang dalawang suspek habang iniimbestigahan pa sila ng pulisya.


Ayon sa ulat, may tinanggap na impormasyon ang mga otoridad na nagbebenta ng shabu ang mga suspek kaya nagsagawa ng drug-bust operation ang mga operatiba na naging dahilan upang madakip ang dalawang pusher.


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 50 gramo ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng mga suspek.


Nakapiit na ang mga suspek na kapwa nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.




ISTAMBAY, ARESTADO SA SHABU AT BOGA


CAMARINES NORTE -- Isang istambay ang inaresto ng mga otoridad nang makumpiskahan ng shabu, isang baril at mga bala kamakalawa sa Brgy. Cahabaan, Talisay sa lalawigang ito.


Ang suspek ay kinilala ng pulisya sa alyas na “Ramil,” 38, residente ng Brgy. Alahiwao sa nasabing bayan.


Nabatid na nadakip ang suspek sa buy-bust operation ng mga operatiba sa naturang barangay.


Hindi naman nanlaban ang suspek nang arestuhin siya ng mga otoridad. 


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms and ammunition.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page