top of page
Search

News @Balitang Probinsiya | August 27, 2024



NEGROS OCCIDENTAL – Sumurender sa pamahalaan ang mag-asawang miyembro ng komunistang New People’s Army (NPA) kamakalawa sa Brgy. Bato, Sagay City sa lalawigang ito.


Ang mag-asawang sumukong NPA ay hindi na pinangalanan ng mga otoridad para sa kanilang seguridad.


Napag-alaman na isinurender din ng mag-asawang NPA ang mga dala nilang armas, bala sa subersibong dokumento sa mga otoridad.


Ayon sa mga sumukong rebelde, nakakaranas na umano sila ng gutom sa bundok at nais na rin nilang magbagong-buhay kaya nagbalik-loob sila sa pamahalaan.

Isinasailalim na sa taktikal na interogasyon ang mag-asawang komunista.




MOTORSIKLO NG VENDOR, NINAKAW


GENERAL SANTOS CITY -- Isang vendor ang biktima ng carnapping matapos nakawin ng isang hindi kilalang lalaki ang motorsiklo niyang nakaparada kamakalawa sa Brgy. Mabuhay sa lungsod na ito.


Sa kahilingan ng biktima ay hindi na isinapubliko ng pulisya ang kanyang pangalan.

Ayon sa biktima, ipinarada lang niya ang kanyang motorsiklo sa tapat ng kanilang bahay pero makalipas ang ilang oras ay nawala na ito at nang suriin sa CCTV, dito nakita na ninakaw ng suspek ang kanyang sasakyan.


Dahil dito, agad ini-report ng biktima ang pagnanakaw ng suspek sa kanyang motorsiklo.

Naglunsad na ang pulisya ng manhunt operation para madakip ang suspek.



11 BAHAY TINUPOK NG APOY


ILOILO CITY – Nasa 11 bahay ang tinupok ng apoy kamakalawa sa Brgy. Mansaya, Lapuz District sa lungsod na ito.


Ang sunog ay nagmula sa tahanan ng hindi pinangalanang residente sa naturang lugar.

Ayon sa ulat, nakita ng mga residente na biglang sumiklab ang sunog sa isang bahay at dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay nadamay ang 10 pang kabahayan.

Wala namang iniulat na nadisgrasya sa naganap na insidente.


Sa ngayon ay inaalam pa ng mga arson investigator ang sanhi at halaga ng napinsala sa 11 tahanan na nasunog sa nabanggit na barangay.



ERPAT AT ERMAT, SINAKSAK NG DALAGITANG ANAK


ILIGAN CITY -- Isang 16-anyos na dalagita ang dinakip ng mga otoridad matapos saksakin ang kanyang ama at ina kamakalawa sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Buru-un sa lungsod na ito.


Sa kahilingan ng kanilang pamilya ay hindi na isinapubliko ng mga otoridad ang pangalan ng suspek at mga magulang na nagtamo ng tig-isang saksak sa katawan.

Ayon sa ulat, natutulog ang mag-asawa sa kuwarto ng kanilang bahay nang unang sinaksak ang ama at pagkaraan ay sinaksak din ang ina.


Bagama’t sugatan ay nagawa ng ama na agawin ang patalim, at ang ina naman ay nakahingi ng saklolo sa mga otoridad kaya naaresto ang suspek.


Inaalam na ng pulisya ang motibo ng anak sa tangka nitong pagpatay sa kanyang mga magulang na kapwa ginagamot na sa ospital.

 
 
  • BULGAR
  • Aug 22, 2024

News @Balitang Probinsiya | August 22, 2024



AKLAN -- Isang most wanted na magnanakaw ang dinakip ng pulisya kamakalawa sa Brgy. Tigayon, Kalibo sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang suspek, nasa hustong gulang at pansamantalang nakatira sa nabanggit na barangay habang iniimbestigahan siya sa himpilan ng pulisya.


Nabatid na dinakip ng pulisya ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte kaugnay sa kinasasangkutan nitong kasong theft sa nasabing lalawigan.


Ayon sa ulat, nakita ng mga otoridad ang suspek sa nasabing barangay kaya agad itong dinakip.


Sumama naman ang suspek at hindi nanlaban nang arestuhin ng mga otoridad.



BEBOT, BIKTIMA NG SALVAGE


GENERAL SANTOS CITY -- Isang bangkay ng babae na biktima ng salvage ang natagpuan kamakalawa sa matalahib na lugar sa Sitio Reformvill, Brgy. Calumpang sa lalawigang ito.


Kinilala ang biktima na si Gina Guilaran, 35 at residente sa nasabing lungsod. 

Nabatid na ilang residente ang nag-report sa pulisya tungkol sa natagpuan nilang bangkay ng biktima na nakalagay sa isang plastic bag sa talahiban sa naturang barangay.


Inaalam pa ng mga otoridad ang armas na ginamit sa pagpatay sa biktima. 

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad para mabatid ang motibo sa naganap na krimen.



LENDING COLLECTOR, NILIKIDA


NEGROS OCCIDENTAL -- Isang lending collector ang namatay nang barilin ng isang hindi kilalang armadong lalaki kamakalawa sa Brgy. Consing, EB Magalona sa lalawigang ito.


Hindi na muna pinangalanan ang biktima habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad. 


Ayon sa ulat, habang lulan ang biktima ng kanyang motorsiklo sa nasabing lugar ay biglang sumulpot ang suspek at binaril sa ulo ang lending collector.

Matapos tiyaking patay na ang biktima ay saka mabilis na tumakas ang salarin. 

Nagpalabas na ng manhunt operation ang pulisya para madakip ang suspek. 



LOLO, ARESTADO SA BOGA AT MGA BALA


PALAWAN -- Isang 73-anyos na lolo ang dinakip ng pulisya nang makumpiskahan ng isang baril at mga bala kamakalawa sa loob ng kanyang bahay sa Brgy. .Panitan, Quezon sa lalawigang ito.


Ang suspek ay itinago ng pulisya sa alyas na “Lolong,” at residente ng nasabing barangay.


Napag-alaman na may nagbigay impormasyon sa pulisya na may baril ang lolo kaya ni-raid nila ang bahay ng suspek.


Nabatid na sinalakay ng mga otoridad sa bisa ng search warrant ang bahay ng suspek at dito nakumpiska ang isang baril at mga bala. 


Nakapiit na ang suspek na nahaharap sa kasong illegal possession of firearms and ammunitions.

 
 

News @Balitang Probinsiya | August 21, 2024



PALAWAN -- Isang 22-anyos na barbero ang sugatan nang pagsasaksakin ng isang lasing kamakalawa sa Brgy. Tiniguiban, Puerto Princesa City sa lalawigang ito.


Ang biktimang nagtamo ng mga tama ng saksak sa katawan ay nakilalang si Reden Villorente, samantalang ang suspek ay nakilalang si Danis Dano, nasa hustong gulang at, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay.


Ayon sa ulat, habang nasa tindahan si Villorente sa hindi malamang dahilan ay nilapitan ito at pinagsasaksak ng suspek.


Agad dinala ng mga saksi ang biktima sa ospital at kasalukuyang inoobserbahan.

Nagpalabas na ng mahunt operation ang pulisya para madakip ang suspek.



MAY KASONG RAPE, SUMUKO


CAPIZ -- Isang 18-anyos na binata na may kasong rape ang sumuko kamakalawa sa police station ng bayan ng Pontevedra sa lalawigang ito. 


Ang sumuko ay itinago ng mga otoridad sa alyas na “Ken,” residente ng Brgy. Tabuc sa nasabing bayan.


Ayon sa ulat, nang mabalitaan niyang siya ay may warrant of arrest sa kasong statutory rape ay agad siyang nagtungo sa himpilan ng pulisya at isinuko ang sarili sa mga otoridad.


Nabatid na ang suspek ay nagkaroon ng relasyon sa isang dalagita na kanya umanong ginahasa kaya idinemanda siya sa kasong rape sa korte ng nabanggit na lalawigan. 

Nakapiit na ang suspek sa detention cell ng himpilan ng pulisya.



TULAK NA EMPLEYADO, ARESTADO


AKLAN -- Isang drug pusher na empleyado ang naaresto sa drug-bust operation ng mga otoridad kamakalawa sa Brgy. Tinigaw, Kalibo sa lalawigang ito.

Hindi na muna pinangalanan ang suspek habang iniimbestigahan ito ng mga otoridad. 


Ayon sa ulat, naaresto ang suspek nang pagbentahan nito ng shabu ang mga operatibang nagpanggap na buyer ng illegal drugs. 


Nabatid na nakakumpiska ang mga otoridad ng 15 pakete ng hinihinalang shabu at markadong pera sa pag-iingat ng suspek.


Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.



LASING, NALUNOD SA SWIMMING POOL


RIZAL -- Isang lasing na lalaki ang namatay nang malunod kamakalawa sa swimming pool ng resort sa Brgy. Burgos, Rodriguez sa lalawigang ito.


Sa kahilingan ng kanyang pamilya ay hindi na pinangalanan ang biktimang residente ng naturang lalawigan.


Ayon sa ulat, nagtungo sa resort ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan at nang malasing ay naligo ito sa swimming pool.  


Nabatid na ilang kaibigan ng biktima ang nakakita rito na nakalubog sa swimming pool.

Agad dinala ng kanyang mga kaibigan ang biktima sa ospital, pero idineklara itong dead-on-arrival.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page