top of page
Search
  • BULGAR
  • Jan 17, 2024

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 17, 2024


Nag-umpisa na nga ang pagdiriwang ng kapistahan ni Señor Santo Niño ngayong pagpasok ng Bagong Taon na minamarkahan ng kani-kanyang mga naglalakihang fiesta sa iba’t ibang dako ng bansa. 


Nauna na nitong nakaraang linggo ang Sinulog sa lalawigan ng Cebu na ginanap sa Cebu City Sports Complex noong Enero 14. Kasunod naman ang Sinulog - Santo Niño Festival sa Cebu City na gaganapin nitong parating na weekend. Matapos n’yan kasunod ang Ati-atihan Festival sa Kalibo, Aklan at Dinagyang Festival sa Iloilo City. Malaki rin ang pagdiriwang ng Fiesta ng Santo Niño sa Tondo, Manila. 


Bumisita at nakiisa tayo noong nakaraang linggo sa Sinulog Festival kung saan nakasama natin si Cebu Gov. Gwen Garcia. Magtutungo din tayong muli sa Cebu ngayong paparating na linggo para makilahok sa Sinulog - Santo Niño Festival na pinangungunahan ni Mayor Mike Rama. 


Sa mga susunod na linggo naman ay tutungo tayo sa Kalibo at Iloilo City para sa Ati-atihan at Dinagyang. 


Taun-taon natin ito ginagawa bilang isa sa mga paraan ng ating pasasalamat sa Panginoon sa lahat ng Kanyang paggabay at biyayang ating natatanggap. 


Ako kasi ay isang deboto.


Sabi ko nga, sa kabila ng lahat ng aking pinagdaanan – my personal battles and trials – I can genuinely say that I have been blessed. 


Hindi naman perpekto ang buhay natin. Lahat tayo ay may mga pagsubok na pinagdaraanan, ngunit ang ating pananampalataya – it is our faith and trust in God that will carry us through. And it is also this faith and trust that will be rewarded. 


Nalinis ang aking pangalan, nagkaroon ako ng anak na abogado, isa pang anak na naging doktora, at bilang tanda ng pagmamahal at pagtitiwala ng ating mga kababayan - iniluklok akong muli, pati na ang aking asawa at tatlo pang anak sa mga katungkulan. 


Totoo na napakabigat ng aking pinagdaanan. Pero kay Señor – sa Panginoon ako kumapit, at nalampasan kong lahat ‘yun at higit pa akong na-bless.


Maliban sa aking personal na panata, nakikiisa rin tayo para i-promote ang mga ito bilang mga tourist destination. Napakakulay, garbo, at napakasaya ng mga selebrasyong ito na ibinabandila ang ating kultura at talento na sadyang maipagmamalaki natin sa iba. 


Pagkakataon din ang mga ito para ipadama ang sikat na sikat na Filipino hospitality sa mga bisita nating nais maranasan ang “Only in the Philippines” na mga kapistahan. 

Happy Sinulog sa mga Sugbuanon. Viva Pit Señor! 


Hala Bira! Iloilo! Happy Dinagyang! 


Happy Ati-atihan sa Kalibo! Viva kay Señor Santo Niño! 


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 16, 2024


Halos lahat ng ating mga kababayang apektado ng sunud-sunod na transport strike ay hindi bumibitaw sa itinakdang deadline ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa konsolidasyon ng tradisyunal na jeepney na itinakda noong nakaraang Disyembre 31, 2023.


Ang hindi lalahok sa konsolidasyon ay tuluyan nang hindi bibigyan ng prangkisa at hindi na makakapamasada.


Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin natatapos ang hidwaan sa pagitan ng DOTr at ng ilang transport group hinggil sa pagsulong ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan at labis na apektado ang ating mga kababayang sumasakay dito.


Kailangang bago bumalik sa normal na kalakalan ang lahat ng mga negosyo ngayong taon ay maresolba na ang problema ng mga kababayan nating umaasa pa rin sa tradisyunal na jeepney. 


Magugunitang minsan nang namalimos sa kalsada ang mga ito noong panahon ng pandemya dahil sa kasagsagan ng mga protesta at tigil-pasada kung kaya’t nagdesisyon ang mga itong manghingi ng pera sa mga kababayan natin upang matugunan ang pangangailangan ng kani-kanilang pamilya.


Humaba nang humaba ang palitan ng paliwanagan sa pagitan ng ilang transport group at ng DOTr na parehong naglalabas ng katwiran sa media kaya hanggang sa kasalukuyan ay kapwa nakaabang pa rin ang magkabilang grupo hinggil sa desisyon ng implementasyon ng PUVMP.


Kasabay nito ay ibinasura ng DOTr nitong nakaraang Huwebes (Enero 4) ang mga alalahanin sa napaulat na posibleng pagtaas ng pasahe sa mga jeepney dahil sa epekto ng PUVMP.


Ayon kay DOTr Undersecretary Timothy John Batan, kailangang sumailalim muna sa proseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtaas ng pamasahe.


Mariin ding itinanggi ni Batan na magkakaroon ng 300 hanggang 400 porsyentong pagtaas ng pasahe kapag naisakatuparan na ang consolidation at PUV Modernization Program.


Sa kabila pa nito, sinabi ni Batan na ang mga nakaraang pagtaas ng pamasahe ay mula P1 hanggang P2 lamang.


Sa kasalukuyan, ang minimum na pamasahe ay P13 para sa tradisyunal na jeepney at P15 para sa modernong jeepney.


Bilang tugon, sinabi ni Batan na magbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga operator na apektado ng PUVMP.


Sana naman itong DOTr ay doblehin ang pagsisikap na maipaliwanag sa transport group na ang pamahalaan ay magbibigay ng benepisyo sa mga maaapektuhan ng PUVMP.


Ang layunin naman ng pamahalaan ay ilagay sa maayos na kalagayan ang transport group at hindi totoong basta-basta lang silang aalisan ng hanapbuhay.


Ang masaklap pa nito, marami ring lumalabas na dagdag-bawas na balita kaugnay ng isyung ito na pawang mga fake news at nagpapalala lamang sa sitwasyon.


Nagsimula noong 2017, ang layunin ng PUVMP ay mapalitan ang mga jeepney na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant na makina upang mabawasan ang polusyon at palitan ang mga PUV na hindi na karapat-dapat sa kalsada, ayon sa pamantayan ng Land Transportation Office (LTO).


Ang problema, mahigit sa P2 milyon ang bawat unit ng modernong jeepney na kahit ang mga state-run bank na Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines ay sinabing masyadong mahal para sa mga PUV driver at operator at lubhang hindi nila kakayaning kumuha o bumili at hindi rin naman sila kuwalipikadong manghiram sa bangko. 


Tiniyak naman ng isang opisyal ng Office of Transportation Cooperatives (OTC) na magbibigay ang gobyerno ng livelihood at skills development programs para sa mga PUV driver, na ang mga operator ay hindi magko-consolidate ng mga indibidwal na prangkisa sa ilalim ng mga kooperatiba o korporasyon.


Sinabi ni OTC Chairman Jesus Ferdinand “Andy” Ortega na ang mga ahensya ng gobyerno kabilang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay may kanya-kanyang inilaan na pondo para sa naturang mga programa.


Ang kinakailangang pagsasama-sama ng prangkisa ay isa sa mga bahagi ng PUVMP ng pamahalaan na natapos noong Disyembre 31, 2023. At dahil sa pinalawig, ang mga unconsolidated commuter jeepney ay pinapayagan pa ring mag-operate sa mga piling ruta hanggang Enero 31, 2024.


Kaya tiyak na makararanas na naman tayo ng mga protesta sa Enero 31, 2024 dahil sa pagpapahinto na sa pamamasada ng mga tradisyunal na jeepney na tutol sa konsolidasyon ng pamahalaan.


Ito ang sinasabi ko, tumatagal pero humahaba ang usapin sa pagitan ng DOTr at ilang transport group na sana ay maayos na para hindi naman maapektuhan ang mga kababayan natin.

 

Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 12, 2023


Wala talagang puwedeng kumuwestiyon sa ilalim ng pananampalataya ng ating mga kababayan kung Poong Nazareno ang pag-uusapan matapos maging banner story ang naganap na Traslacion 2024 sa lahat ng radyo, diyaryo at telebisyon sa buong mundo noong January 9.


Tinawag pa ngang milagro ng ibang bansa ang naganap na Traslacion dahil sa hindi kayang tularan ang pangyayaring ito na kung hindi umano nakadokumento ay hindi paniniwalaan.


Marami tayong mga kababayan sa abroad ang nagsipagtawagan para lamang ipaabot sa atin na ‘proud na proud’ sila sa pananampalataya ng ating mga kababayan na nagsidalo sa Traslacion dahil labis-labis umano ang paghanga ng mga taga-ibang bansa sa kaganapang ito.


Ito ay matapos na dumugin ng tinatayang nasa 6.5 milyon nating kababayan ang bumuhos at pumuno sa lahat ng kalye sa Quiapo, Maynila upang lumahok lamang sa Traslacion 2024 o prusisyon para sa pista ng Itim na Poong Nazareno noong nakaraang Martes.


Nauna nang sinabi ng mga otoridad na inaasahan nila ang pagdagsa ng mga deboto sa pagbabalik ng tradisyunal na prusisyon matapos itong matigil ng tatlong taon dahil sa kasagsagan ng pandemya ng COVID-19.


Hanggang alas-10:00 nang umaga kahapon, sinabi ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church na umabot na sa 6,532,501 deboto ang sumama sa prusisyon na nagsimula ganap na alas-8 ng umaga.


Bukod dito, sa datos ng Philippine National Police (PNP) nasa 60,500 deboto ang nagsimba sa Basilica na kilala rin bilang Parish of Saint John the Baptist sa pareho ring oras.


Sinabi ni Rev. Fr. Hans Magdurulang, spokesperson para sa Nazareno 2024, na maaaring mas mataas pa ang bilang ng mga nakiisa sa prusisyon dahil sa Quirino Grandstand pa lang ay 1.3 milyon na ang dumagsa simula ng Pahalik hanggang umalis dito ang 400-taong imahe ng Poon ng alas-4:45 ng madaling-araw para sa prusisyon pabalik sa simbahan.


Samantala, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na payapa at walang anumang insidente ng karahasan ang prusisyon.


Sa isinagawang press briefing, iniulat ni Fajardo na nagtala ang Department of Health (DOH) ng 290 kaso ng mga minor injury, tulad ng pagkasugat, pagkahilo at inatake ng hika na agad namang nalapatan ng lunas.


Naging mabilis din umano ang daloy ng prusisyon dahil sa binagong disenyo ng andas.


Sa pahayag ni Fajardo, sinabihan nila ang mga deboto na hindi na kailangang sumampa, habang napabilis ang usad nito pero may mga kababayang nagpilit pa ring sumampa.


Kaugnay nito, mayroon pa rin umanong mga pasaway na nagbitbit ng mga matatalas na bagay na nakumpiska ng pulisya.


Mahigit sa 18,000 pulis, mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang force multiplier ang ipinakalat sa paligid ng Quiapo dahilan para masakote ang mga lumabag sa panuntunang inilabas ng PNP.


Hindi rin nasunod ang paggamit ng face mask sa prusisyon bilang pag-iingat sa banta ng COVID. Dahil dito, nangangamba ang DOH ng posibleng pagsipa ng COVID-19 sa mga darating na araw lalo pa at marami na namang nahahawa sa naturang sakit.


Matatandaang naglabas ng pahayag mismong si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (P-BBM) na nagpositibo ito sa COVID-19 dahil sa sumisirit din ang kaso ng ubo, sipon at lagnat sa maraming lugar sa Pilipinas. Kaya huwag masyadong kumpiyansa baka tayo ay matsambahan.

 

Anak ng Teteng!

 


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page