top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Abril 3, 2024



Kinalampag na natin ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa posibleng pananalasa ng La Niña ngayong taon.


Kaugnay ito ng babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na malaki ang posibilidad na pumalit ang La Niña pagkatapos ng El Niño phenomenon.


Dapat talaga proactive. Ngayon pa lang ‘yung mga silted na ilog ay dapat hukayin na.


Nagpasabi na tayo dati sa DPWH na bumili ng mga bagong backhoe at iba pang kagamitan para sa paghuhukay ng mga ilog, estero at iba pang daanan ng tubig, habang summer pa — baka nakakalimot na naman ang DPWH d’yan.


Ngunit, huwag nating iasa lahat sa pamahalaan ang paghahanda at pag-iingat para sa paparating na La Niña dahil kailangang magsimula din sa bawat isa upang hindi tayo magsisi sa huli.


Hindi na naman bago ang pananalasa ng La Niña sa bansa at makailang ulit na rin tayong napahamak dahil sa kapabayaan -- kaya huwag na nating hayaan na maulit ang mga matitinding pagbaha dahil lamang sa kawalan ng paghahanda.


Malaking bagay kung mismong ang ating mga kababayan ay tutulong mapaganda ang kapaligiran tulad ng paglilinis sa mga estero at baradong kanal na kayang-kaya nang pagtulungan sa barangay. Gayundin, ang napakasimpleng bagay na tamang pagtatapon ng basura upang hindi magbara ang mga daluyan ng tubig.


At kung sakali namang dumating ang matinding pagbaha, dapat ay alerto at ready ang lahat, at makinig sa mga anunsyo at payo ng mga kinauukulan.


Pahalagahan natin ang buhay ng bawat isa na posibleng mawala dahil sa naantala lamang ang pagresponde sa rami ng dapat unahin. Nangyari na ang mga insidenteng ito at malaki ang ating pagkakataon na baguhin ang lahat para walang mapahamak.


Sa mga kababayan nating palagi namang lumulubog sa tubig baha ay makabubuting humanap ng pansamantalang matutuluyan upang hindi na maipit pa sa gitna ng baha sakaling dumating ang panahon ng La Niña.


Hindi lang kalinisan ang ating dapat na paghandaan, maging ang mga kakainin natin sa panahon ng La Niña ay dapat nating pagtuunan ng pansin para hindi na mangyari na may mga binawian ng buhay dahil sa walang makain sa gitna ng kalamidad.


Hindi natin sinasabi na tayo lang ang maghanda dahil maging ang DPWH ay dapat tiyakin na ginagampanan ang kanilang pananagutan upang maiwasan na may mapahamak.


Sisikapin nating lahat ng ahensya ng pamahalaan na may kinalaman tungkol sa kaligtasan ng ating mga kababayan ay kikilos at gagawin ang kanilang ambag para sa kapakanan ng taumbayan.


Dapat nating isipin na kayang-kaya nating lampasan ang anumang kapahamakan kung sama-sama at tulung-tulong tayong maghahanda kahit na maliliit na mga problema lang sa barangay.


Ang mga halal na opisyal sa barangay ay kailangang preparado rin upang hindi magkukumahog sa panahong natataranta na ang lahat na makapagbigay ng nararapat na tulong.  


Hindi na bago ang La Niña sa atin, kaya batid na natin ang puwedeng mangyari, ang kailangan lamang ay repasuhin natin ang ating mga naging karanasan para hindi na maulit ang mga mapapait na pangyayari.


Kung handa ang pamahalaan at ang taumbayan ay maiiwasan natin ang sisihan na palaging nagaganap tuwing matatapos ang kalamidad.


Maging ang Department of Agriculture (DA) ay dapat ding manguna sa paghahanda upang hindi na natin sapitin ang dinanas nating perhuwisyo sa panahon ng tagtuyot — na maraming pananim ang nasalanta.


Kaya ang aking paalala ay paghandaan nating lahat ang La Niña, kaysa kumento tayo nang kumento pero hindi naman tayo gumagalaw.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 27, 2024


Bagama't kumakalat na ang balita ay hindi pa gaanong naiintindihan ng marami nating kababayan na dapat tayong magdoble-ingat sa nakamamatay na pertussis o whooping cough.


Ang ubong dalahit o ‘whooping cough’ na tinatawag na ring pertussis ay isang lubos na nakahahawang impeksyon dulot ng mikrobyo na maaaring kumalat sa pamamagitan ng malapit na pagtabi o pakikisalamuha sa mga tao na mayroong ganitong uri ng ubo.


Katunayan, dalawang sanggol ang namatay habang 17 pa ang tinamaan ng pertussis o whooping cough sa Pasig City noong nakaraang Biyernes.


Base sa datos ng lokal na pamahalaan ng Pasig, 17 sanggol ang nagpositibo mula sa 25 pasyente ng pertussis habang walo ang probable case, kung saan dalawa rito ang nasawi habang binibigyan ng lunas.


Dahil dito, inanunsyo naman ng Department of Health (DOH) sa publiko na may sapat na supply umano ng pertussis vaccines gayundin ang Post-Exposure Prophylaxis, ang lahat ng mga health center sa naturang lungsod.


Ang pertussis ay isang nakahahawang sakit sa baga dulot ng bacteria na tinatawag na Bordetella pertussis na matatagpuan sa bibig, ilong at lalamunan sa taong infected nito, ayon sa Center for Disease Control and Prevention. Ang pertussis ay mabilis makahawa sa pamamagitan ng droplets bunga ng pagbahin o pag-ubo.


Samantala, hindi umano kailangang gawing mandatory ang muling pagsusuot ng face mask sa gitna ng paglobo ng kaso ng whooping cough o pertussis sa Quezon City.


Ayon kay Dr. Rolando Cruz, officer-in-charge ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division, hindi naman kailangan ang mandatoryong pagsusuot ng face mask lalo na kung wala namang sintomas ng nasabing sakit.


Subalit pinayuhan ni Cruz ang mga nasa hustong gulang na may sintomas na magsuot ng face mask sa bahay at kung lalabas lalo na kapag may mga bata sa paligid.


Importante umano ang pagsusuot ng face mask sa loob ng bahay, higit doon sa mga miyembro ng pamilya na may sintomas ng nasabing sakit, at huwag silang lalapit sa mga sanggol o sa mga bata na hindi pa nabakunahan laban sa pertussis.


Una nang idineklara ng pamahalaan ng Quezon City nitong nakaraang Huwebes ang pertussis outbreak sa lungsod matapos na mai-report ang 23 kaso noong Marso 20.


Dahil sa ang whooping cough ay lubhang delikado sa mga sanggol, naiulat na apat na sanggol na wala pang anim na buwang gulang ang namatay din dahil sa impeksyon.


Paalala ng DOH, na hindi dapat ilantad sa mga matataong lugar ang mga sanggol, at hindi dapat ilalabas ng bahay para hindi sila ma-expose sa mga indibidwal na posibleng may dalang sakit. Gayundin, alerto ang ating mga pediatrician upang maiwasan ang paglobo ng pediatric pertussis.


Dagdag pa ng DOH, ang mga nasa hustong gulang ay maaari ring mahawa ng pertussis pero magkakaroon lamang ng maliliit na sintomas kung sila ay nabakunahan na. 


Sa rami ng naglalabasang bagong balita ay hindi gaanong nabibigyang pansin ang mabilis na pagkalat ng nabanggit na sakit ngunit, hindi natin dapat ipagwalang bahala ito upang hindi na lumala ang sitwasyon, lalo pa at hindi naman natatapos ang pandemya.


Available naman ang vaccine para rito, kaya magsimula na sa ating mga sarili kung paano tayo matuturukan ng bakuna at huwag na tayong maghintay na iba pa ang kumilos para tayo ay mabakunahan.


Sa isang pagkakataon na mahawa tayo ay nanganganib na agad ang ating buhay at posibleng sapitin din natin ang nangyari sa ilan nating kababayan na binawian ng buhay dahil hindi nag-ingat.


Hinihimok ng DOH ang publiko na uminom ng maraming tubig, mag-ingat sa mga karamdamang dala ng tag-init. Ang pinakaepektibo pa ring paraan upang maging ligtas laban sa sakit na pertussis na mabilis na kumakalat ngayon ay magpabakuna. Ang mga doktor ay nagbibigay din ng mga prescription na antibiotics sa mga taong high risk na matamaan ng severe pertussis.


Kaugnay nito ay inilagay ng DOH sa code white alert ang mga ospital nito dahil sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong manlalakbay ngayong Semana Santa.


Ang code white alert ay idinedeklara tuwing may national events, holidays, o selebrasyon na potensyal na magdudulot ng iba’t ibang insidente.


Ang DOH ay nakikiisa din sa lahat ng pamilyang Pilipino na ginugunita ang pagdiriwang ng Mahal na Araw ngunit, mahigpit ang kanilang babala na dapat mag-ingat.


Bagama’t nakahanda ang mga pagamutan ay makabubuting umiwas na muna sa mga kumpulan upang hindi makaranas ng hawaan sa paggunita ng Semana Santa.


Huwag balewalain ang mga paalalang ito — una ay sakit na nakukuha sa sobrang init, at ang pag-iingat na mahawa sa pertussis dahil ang sakit na ito ay nakamamatay.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Marso 25, 2024


Kapuri-puri ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) caravan dahil kitang-kita ng ating mga kababayan ang pagsisikap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ilapit ang gobyerno at mga serbisyo nito sa taumbayan.


Mapalad tayong lahat dahil mayroon tayong Pangulo at House Speaker na labis ang malasakit sa taumbayan. Sa totoo lang, I have never seen this before. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong programa na diretso sa tao. Nasyonal na pamahalaan mismo ang bumababa at lumalapit direkta sa tao. 


Noong nakaraang Biyernes ay nakiisa tayo kay House Speaker Martin Romualdez sa pagbuo ng BPSF caravan na isinagawa sa Butuan City, Agusan Del Norte na dinaluhan ng mahigit sa 30,000 benepisyaryo na nakatanggap ng tulong pinansyal kabilang na ang maliliit na magsasaka, kabataang scholars, mga maliliit na negosyante at iba pa — bukod pa ang mahigit na 200,000 kilo ng bigas na ipinamahagi sa mga benepisyaryo.


Sobrang saya talagang makita ‘yung ganoon karaming tao na natulungan. Kung tutuusin, hindi lang ‘yun ang natulungan na ng programang ito. Nakapaglunsad na rin ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair sa iba’t ibang lugar sa bansa. Imagine n’yo na lang kung gaano na karami ang naabot nito. 


Positibo ang hakbanging ito ng BPSF caravan upang mapaganda ang takbo ng ekonomiya sa mga lokalidad, lalo na at nagsisimula pa lamang tayong bumangon mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya, kaya mahalaga para sa pamahalaan ang magbigay ng pakete na makakadagdag upang sumigla ang ekonomiya sa mga lokalidad. 


Kaya isang malaking karangalan talaga na maimbitahan at makasama sila sa paghahatid ng tulong. Congratulations kay PBBM at kay Speaker Romualdez. 


Mahalaga ang papel ng programa ng BPSF caravan na layong marating ang lahat ng rehiyon sa bansa upang mas marami pang Pilipino ang magbenepisyo mula sa programang ito.


Ang BPSF caravan ay inilunsad noong nakaraang Setyembre 23, 2023 at nakatakdang magtungo sa 82 lalawigan sa buong bansa. 


Sa mga nais na mabigyan ng tulong ng pamahalaan at gustong makilahok sa BPSF, magrerehistro online at tatlong steps lang ay agad na kabilang kayo sa programang ito ng gobyerno. Una: Registration at i-click ang www.bagongpilipinastayo.com kung saan sasagutan ninyo ang personal information. Pangalawa: Tagging ng mga ahensya katulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture, at iba pang ahensya ng gobyerno, at pangatlo: Magtungo sa mga naka-install na booth sa mga lokal na pamahalaan.


Tuluy-tuloy ito. Marami pang pupuntahan at marami pang dadalawing lalawigan. Pero iisa ang intensyon – ang maabot ang mga kababayan natin at dalhin ang gobyerno nang mas malapit sa tao. ‘Yan ang sigurado. 


May bahagyang sistema na ipinatutupad at ang kailangan lamang ay sundin upang hindi makaligtaan sa panahon ng pamamahagi — baka naman pati pagpaparehistro ay katamaran pa natin tapos kapag hindi inabot ng biyaya ay magrereklamo.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page