top of page
Search

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 9, 2024


Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Isang pagsaludo ang iniaalay natin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. (PBBM) makaraang mag-isyu ito ng Executive Order (EO) No. 64 na naglalayong itaas ang suweldo at benepisyo ng mga manggagawa ng pamahalaan.


Maraming government employees ang natuwa dahil bukod sa napapanahon ay tinupad ni PBBM ang pangako niya noong SONA sa mga kawani ng gobyerno na itataas ang kanilang mga sahod at magbibigay ng dagdag-benepisyo. Alam niya ang sitwasyon at sakripisyo ng mga masisipag na empleyado ng ating pamahalaan. Kaya trinabaho talaga niya na maipagkaloob ito ng agaran.


Kaya ngayon ay pinaaalalahanan naman natin ang mga opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) na paspasan ang guidelines sa umento sa sahod ng mga empleyado ng gobyerno dahil nilagdaan na ni PBBM ang EO 64.


Dapat na seryosong tutukan ito ng DBM officials dahil sa  oras na maimplementa na ang salary increase, magiging retroactive ito o magkakaroon ng back pay ang mga empleyado ng gobyerno.


Ang computation para sa initial tranche natin ay retroactive to January 1, 2024, so merong salary differential or back pay.


Base sa nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong August 2, 2024 sa pamamagitan ng awtorisasyon ng Presidente, ang EO 64 ay agad magkakabisa oras na mailathala sa Official Gazette o sa mga pahayagan na may general circulation.


Hindi lang sa 2024 ipatutupad ang dagdag-sahod dahil ang ikalawang tranche sa 2025 ay aprubado na rin.


Nakakatuwa nga dahil ang salary increase ay napondohan na hindi lang para sa 2024, maging para sa 2025 ay napondohan na rin. Secured na ang increase para sa taong ito, gayundin next year.


Ipatutupad ang second tranche sa susunod na taon, kaya tinututukan natin ang DBM dahil mayroon na silang P70 bilyon sa ilalim ng FY 2025 Miscellaneous Personnel Benefits Fund na pangbitaw sa additional cost requirements para sa first at second tranches na epektibo sa Enero 1, 2025.


Ang budget para sa unang tranche ay tinatayang aabot sa P36 bilyon. Huhugutin ito sa FY 2024 General Appropriations Act (GAA), partikular sa MPBF — kaya plantsado na.

Alinsunod sa EO 64, ang salary adjustment ay sakop ang lahat ng civilian government personnel sa executive, legislative, judicial branches, constitutional commission at iba pang constitutional offices. Ang government-owned or controlled corporations (GOCCs) ay hindi sakop, sa ilalim ng RA 10149 at EO 150 s. 2021. At local government employees, maging ito ay nasa appointment status, kahit regular, contractual or casual, appointive o elective, at kung isang full-time o part-time basis.


Bukod sa updated salary schedule ng government workforce ay tatanggap din sila ng taunang medical allowance na nagkakahalaga ng hindi hihigit sa P7,000 simula sa FY 2025 bilang subsidiya para sa kanilang pakinabang sa health maintenance organization (HMO)-type benefit.


Ang naturang executive order ay ipatutupad sa apat na bahagi na magsisimula sa Enero 1, 2024 para sa unang bahagi, Enero 1, 2025 para sa ikalawa at sa ikatlong pagkakataon ay sa Enero 1, 2026 at para naman sa ikaapat ay sa Enero 1, 2027.


Bilang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation ay sobra talaga nating ikinatutuwa itong bagong issuance ng Pangulo. The civil servants are the backbone of government service. Without them, we can achieve nothing. Kaya nararapat lang na mabiyayaan sila ng umento sa sahod para pasalamatan at bigyang halaga ang serbisyo at sakripisyo nila sa bayan.


Noong nakaraang taon pa lang ay nauna na tayo na naghain ng panukala para sa Salary Standardization VI upang itaas ang sahod ng ating mga kawani. Tayo mismo ay nakipagpulong sa DBM para rito. But we are very happy now that it is no less than the President that has authorized this long anticipated hike on the salaries of government employees. 


Kay PBBM, maraming-maraming salamat sa pagkilos ninyo. Ito ay isang kapuri-puring hakbangin para sa kapakanan ng mga manggagawa ng pamahalaan. Isang pagsaludo ang handog sa inyo ng ating mga kababayang mabibiyayaan ng dagdag-sahod na ito.


Kya sana naman sa mga opisyal ng DBM, agarang tapusin ang guidelines sa umento sa suweldo ng mga empleyado ng gobyerno — pirmado na ni PBBM ang EO 64 — sana huwag namang pakaang-kaang.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 7, 2024


Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Kumpleto na ang imbestigasyon -- lahat ng detalyeng kailangan para matukoy ang sumadsad na tanker MT Terra Nova sa Bataan na nagdulot ng malawakang oil spill at umabot sa mga coastal town ng Cavite at labis na nakaapekto sa kabuhayan ng maraming mangingisda.


Ayon sa provincial government ng Cavite, 8 bayan sa buong lalawigan ang kumpirmadong naapektuhan ng naganap na oil spill at ito ang mga bayan ng Bacoor, Kawit, Noveleta, Rosario, Tanza, Naic, Maragondon, at Ternate na kinailangan pang isailalim sa state of calamity dahil sa matinding epekto ng oil spill.


Hindi tayo naghahanap ng sisi. Wala namang may kagustuhan na lumubog ‘yung tanker na ‘yon sa lakas ng bagyo noong nakaraang linggo. Pero may dapat tayong gawin upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Hindi puwedeng walang managot at hindi maaaring walang accountability. Nakakalungkot at nakakadismaya kasi napakalawak ng pinsala nitong oil spill na ‘to hindi lang sa kalikasan kung ‘di sa kabuhayan rin ng ating mga kababayan.


Kaya dapat ‘yung may-ari ng barkong lumubog, dapat tumulong at manguna sa paglilinis ng kumalat na langis sa karagatan. They should also compensate the fisherfolk. Nawalan ng kabuhayan ang ating mga mangingisda. Kahit pa walang may kagustuhan ng nangyari, may responsibilidad pa rin sila riyan. Hindi puwedeng hahayaan lang ‘yan at iba ang sasagot na sa kanila nagmula.


Dumadalas na kasi ang pangyayaring tulad nito at palagi na lamang ang pamahalaan ang nagreresolba ng mga ganitong problema kaya dapat ay hindi na maulit pa. Napakarami nang kalamidad ang nananalasa sa bansa na hindi maiwasan — pero sana naman ang mga ganitong perhuwisyo na kaya namang iwasan ay hindi na mangyaring uli.

Hindi biro ang ulat na ang lumubog na MT Terra Nova ay may lulang 1.4 milyong litro ng industrial fuel na hindi sana kumalat sa karagatan kung naging responsable lamang ang naturang tanker sa pangangalaga sa naturang krudo.


Walang magawa ang Cavite Provincial Government kundi ang ipagbawal ang panghuhuli at pagbebenta ng lahat ng lamang-dagat na mula sa mga coastal area upang maiwasan na makaapekto pa sa kalusugan ng marami nating kababayan.


Marahil, panahon na para magkaroon ng kompensasyon ang mga naapektuhan ng environmental damage na ito ng lumubog na oil tanker at hayaan nating balikatin ng insurance ng may-ari ng nabanggit na tanker.


Dapat singilin ang may-ari ng barkong ito para sa environmental damages. Let its insurance cover for everything. Dapat may insurance ‘yung mga ganyan di ba? Dapat habulin natin sila. Moreover, we should tighten the regulation on ships and tankers that we allow to voyage our seas. Kung sa inspection pa lang, kulang na tayo, para bang sinadya na rin nating mangyari ito.


Kung palulusutin na naman natin ang pangyayaring ito ay hindi nagiging maingat ang mga barkong naglalayag sa ating mga karagatan habang ilang ulit na ba nating naranasan ang ganito na nauwi na lamang sa limot matapos makapaminsala.


Kung magkakaroon nang paghihigpit at pananagutan sa mga ganitong klase ng trahedya ay tiyak na magkakaroon ng matinding pag-iingat ang mga barkong naglalayag sa ating karagatan at malaking kabawasan ito sa mga kalamidad na pumipeste sa atin.


Hindi kasi katuwiran na hindi umano nila ginusto ang naturang oil spill — dahil kung hindi talaga nila ito gusto ay dapat na nag-ingat sila, pero dahil alam nilang wala namang mangyayari kahit mangitim pa ang ating karagatan sa rami ng tumapong langis ay masyado silang relax sa kanilang paglalayag.


Walang iniwan sa ordinaryong sasakyan na bago bumiyahe ay tinitiyak na maayos at ligtas ang lahat ng bahagi sa kabila ng nagbabayad naman ng insurance sakaling masangkot sa aksidente upang kahit mangyari ang hindi inaasahan ay mabilis na mareresolba ang lahat.


Dapat ay inilalantad din ang mga mukha ng may-ari ng naturang tanker, maging ang kapitan at chief engineer nito para mas tumindi ang kanilang pagiging responsable kung paano mag-iingat dahil makakaapekto rin ito sa kanilang pagkatao.


Sa ngayon ay inaasahan nating kusa na lamang maglaho sa lawak ng karagatan ang tumapon na langis at ang mga tripulante ng naturang barko ay maglilipatan lamang sa ibang kumpanya at tuloy na naman ang ligaya.


Sa ibang bansa ay napakahigpit pagdating sa mga ganitong kaso at mayroon silang oil spill control equipment o mas kilala sa tawag na oil containment boom na agad inilalatag sa paligid ng naaksidenteng barko upang sakaling tumagas ang langis ay hindi na kumalat sa lawak ng karagatan.


Ang oil containment boom na ito ay inflatable na pinalulutang sa paligid ng barko at subok na ang kakayahan nito para pigilan ang pagkalat ng langis na hindi naman kumakalat sa ilalim ng dagat dahil ang langis ay umiibabaw lang naman sa karagatan.


Isa ito sa napakatagal ng equipment na mayroon ang pamahalaan ng ibang bansa na marahil ay panahon na upang magkaroon ang ating mga bantay-dagat na mabilis na aaksyon sakaling maulit ang aksidente sa barko.


May umiiral na maritime law at ang paghihigpit sa pagpapatupad nito ay ginagawa sa maraming bansa maliban sa atin.

Huhupa ang problemang ito at sa paglipas ng panahon ay posibleng maulit na naman ang oil spill — at ganito na naman — maraming magkokomento pero walang solusyon kung paano ito matitigil.


Kayang-kayang tuldukan ang oil spill, ang kailangan lamang ay patuloy na ugnayan ng pamahalaan sa mga may-ari ng barko para sa mabilis na responde sakaling may aksidente gamit ang mga makabagong equipment na matagal ng nadiskubre pero tila walang kamuwang-muwang ang ating mga bantay-dagat hinggil dito.


Nakakapagtaka nga kung bakit napakamura lang ng oil containment boom na ito at maging ang pinakamahirap na bansa sa buong mundo ay mayroon nito maliban sa atin na umaasa na lamang na maglaho ang langis sa karagatan sa katagalan.


Sa lahat ng barko ang oil tanker ang pinakadelikado kung environment damage ang pag-uusapan dahil sa palaging langis ang lulan nito kaya nga sila ang pinauuna sa paglalayag sa karagatan upang hindi sila maantala. Kumbaga, nagbibigay daan ang ibang barko kung tanker ang kanilang kasalubong.


Malaki umano ang tsansa na tumagas ang langis sa tanker kung sakaling maaksidente kaya agad-agad ay dapat na inilalatag sa paligid ng tanker ang oil containment boom para sa oras na tumagas na ang langis ay hindi na kumalat pa sa karagatan.


Dapat busisiin natin ang mga bantay-dagat at coast guard kung sapat ba ang kanilang kaalaman hinggil sa pagpigil ng pagkalat ng langis.


Hindi lang kasi kabuhayan ng mangingisda ang apektado sa oil spill — maging ang turismo ay damay sa mga ganitong pangyayari kaya panahon na para matutunan natin ang pagresolba sa oil spill na ultimo mahihirap na bansa ay kaya na ito — tapos tayo hindi natin alam.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 5, 2024


Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.


Totoo man na mas mabilis ang paghupa ng baha ngayon, hindi pa rin tama na mapunta rito ang usapan! Kasi hindi na dapat pinag-uusapan ‘yung paghupa, ang kailangan ay ‘yung hindi na magbabaha. Hindi sapat na mabilis humupa ang baha dahil hindi naman talaga dapat bumabaha.


Dito tumakbo ang talakayan sa isinagawang pagdinig sa Senado at bilang chairman ng Senate Committee ay hinimay nating mabuti hanggang kaliit-liitang detalye kung bakit hindi nareresolba ang pagbaha. 


Nagpatawag tayo ng hearing makaraang dumanas na naman tayo ng grabeng pagbaha kamakailan dulot ng Bagyong Carina na imbes na masolusyunan ay tila mas lumala pa. 


Sa pinakahuling pagdinig na dinaluhan ko sa Senado ay halos isang taon pa lamang ang nakararaan at patungkol din ito sa matinding sitwasyon ng ating mga kababayan na palaging lumulubog sa baha tuwing napapalakas ang pag-ulan.


Kaya sa pagpasok pa lang ng taon ay palagi nating pinapaalalahanan ang mga ahensya na isaayos ang mga imprastruktura at drainage para sa paparating na tag-ulan at La Niña. Ngayon, heto na naman tayo, same problem. Walang pagbabago, nandito tayo at pag-uusapan ang pananalasa ng bagyo tapos palaging maganda ang sinasabing solusyon pero pagdating ng ulan — baha rin.


Sa gitna ng talakayan ay ipinakita natin ang isang footage kung gaano katindi ang epekto ng naturang bagyo sa iba’t ibang rehiyon na sumira ng mga pananim at iba pang kabuhayan.


Noong nakaraang Linggo, nag-conduct tayo ng onsite at aerial inspection sa Caloocan, Malabon, Navotas, Bulacan, Pampanga at kahapon lamang, sa Rizal. Sa Metro Manila, may ilang bahagi na lagpas tao ang naging baha. Umabot pa nga sa bubong ng mga bahay. Sa ilang parte naman ng Central Luzon, lubog din sa baha ang mga bahay at hanapbuhay. May mga lugar, baha pa rin hanggang sa ngayon. Sa CALABARZON, nag-trending din ang naging bilis na pagtaas ng tubig kung saan hindi na nadaanan ang mga kalsada.


Nabatid na sa kabila nang paulit-ulit nating paalala na paghandaan ang paparating na tag-ulan ay tila walang naririnig ang mga ahensyang itinalaga ng pamahalaan para tugunan ang kalagayan at kaligtasan sana ng ating mga kababayan. 


At hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling walang integrated national master plan for flood management. Inamin naman ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na 18 major river basins sa bansa ay may master plan bawat isa, ngunit hindi ito naging katanggap-tanggap maging sa kapwa ko mga senador dahil nga sa naging resulta kamakailan.


Kung wala kasing integrated national master plan para resolbahan ang baha, patuloy na magiging patse-patse ang ginagawa nating mga proyekto para tugunan ito. Kahit pa matapos ang mga naturang proyekto, kung hindi magiging holistic ang approach, maililipat lang natin sa ibang lugar ang baha.


Dapat ay pang-buong bansa ang solusyon dahil kailangan talaga ng unified master plan at hindi ‘yung tapal-tapal lamang. Isang patunay diyan ‘yung kahit ang daming proyekto ay paulit-ulit pa rin ang baha dahil nga sa hindi ito epektibo.


Lumabas sa pagdinig na nasa 5,500 flood control projects ang pinamahalaan ng DPWH at napakarami pang minor projects ang isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngunit hindi naman maramdaman ang resulta.


We think that since there is no integrated national master plan, the projects being mentioned by DPWH are being implemented sparsely. Kumbaga, patse-patse. Kaya siguro nandiyan pa rin ang baha. 


That is why I eagerly call on them to already make the master plan. Kayo na rin ang nagsabi, sa meeting kasama si Pangulong Bongbong Marcos, ang specific instruction niya ay dapat holistic at in integrated manner ang pagresolba natin sa problema sa baha. With that being said, the only way to do that is to have a master plan.


Kaya, kailangan nang mabuo at maipatupad ‘yang master plan na iyan. At in the interim, habang wala pa, dapat may mga contingencies kayo para hindi na babaha ulit tuwing uulan.


Sana lang sa susunod na lulutang na ang mga ahensyang ito sa Senado ay solusyon na ang kanilang sasabihin at hindi palusot lang kung bakit bumabaha pa rin.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page