top of page
Search

by Info @News | September 4, 2024



Photo

Pinangunahan ng batikang mambabatas na si Sen. Ramon Bong Revilla, Jr. ang groundbreaking ceremony ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC) - Infectious Disease Center sa Cebu City nitong nakaraang Huwebes (Agosto 29).


Ang VSMMC Infectious Disease Center ay apat na palapag na gusali na magsisilbing pasilidad para sa makabagong laboratory at isolation place upang tukuyin at maiwasan ang pagkalat ng mga nakakahawang sakit.


Sa pamamagitan ni Revilla, nakapaglaan ng pondo sa kasalukuyang national budget para sa pagpapatayo ng nasabing gusali.


Dinaluhan rin ang nasabing okasyon nina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, VSMMC Medical Chief Dr. Gerardo Aquino, Jr., at mga kongresista sa Cebu City.


“Ang Infectious Disease Center na ito ay magiging simbolo ng ating dedikasyon, hindi lamang sa paggamot ng sakit, kundi sa pag-iwas at pagpigil dito, ensuring that we are better prepared for whatever health challenges the future may bring,” ani ni Revilla.


“Sana po mula dito ay makikita natin ang liwanag ng bagong pag-asa, isang pangarap na nagtutulak sa atin tungo sa isang mas ligtas na bukas,” pagwawakas niya.

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | September 4, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Pinangunahan natin ang groundbreaking ceremony ng Vicente Sotto Memorial Medical Center (VSMMC)-Infectious Disease Center sa Cebu City nitong nakaraang Huwebes, Agosto 29.


Ang VSMMC Infectious Disease Center ay apat na palapag na gusali na magsisilbing pasilidad para sa makabagong laboratory at isolation place upang tukuyin at maiwasan ang pagkalat ng mga nakahahawang sakit.


Sa pamamagitan natin, nakapaglaan ng pondo sa kasalukuyang national budget para sa pagpapatayo ng nasabing gusali.

Dinaluhan din ang nasabing okasyon nina Department of Health (DOH) Secretary Teodoro Herbosa, VSMMC Medical Chief Dr. Gerardo Aquino, Jr., at mga kongresista sa Cebu City.


Ang Infectious Disease Center na ito ay magiging simbolo ng ating dedikasyon, hindi lamang sa paggamot ng sakit, kundi sa pag-iwas at pagpigil dito. Dahil matitiyak nating mas handa tayo sa anumang pagsubok pagdating sa pakikibaka sa problema sa kalusugan. 


Lalo pa at napakaraming nakamamatay na sakit ang nagsusulputan na kailangan talaga nating paghandaan. Sana mula rito ay makita natin ang liwanag ng bagong pag-asa, isang pangarap na nagtutulak sa atin tungo sa isang mas ligtas na bukas.


Napapanahon ang Infectious Disease Center na ito lalo pa at mismong ang World Health Organization (WHO) na ang nag-anunsiyo hinggil sa kailangang paghahanda ng bawat bansa sa patuloy na pagtaas ng kaso ng monkey pox (mpox).


Kinumpirma naman ng DOH na gumaling na ang 33-anyos na lalaking pinakahuling nagpositibo kamakailan sa mpox at pinayuhan na umuwi sa kanilang bahay.

Nabatid na lumang variant ng mpox ang tumama sa lalaki. Hindi umano ito katulad ng clade 1-b variant sa Africa ngayon na nakamamatay.


Binanggit pa ng DOH na hindi na pina-quarantine ang 40 naging close contact ng lalaki maliban na lamang kung magkaroon sila ng sintomas.


Sa ngayon ay negatibo sila sa mpox kahit na ang mga miyembro ng pamilya ng carrier.

Sinabi pa ng DOH na sa 10 tinamaan ng mpox sa bansa, lahat sila ay hindi nakahawa sa mga miyembro ng kanilang pamilya.


Target na sa kasalukuyan ng WHO na magpatawag ng pulong sa expert committee para pag-usapan ang problema ng mpox outbreak sa iba’t ibang bahagi ng daigdig partikular sa Africa.


Simula Setyembre noong nakaraang taon, nagkaroon na ng pagtaas sa kaso ng naturang sakit sa Democratic Republic of Congo na pinaniniwalaang kumalat na rin sa iba pang mga African country -- kinokonsidera nila ang lahat ng factor kung kailangan nang pulungin ang International Health Regulations Emergency Committee para kilusan ang nasabing problema.

Ang mpox ay isang nakahahawang sakit dulot ng virus na naililipat sa mga tao mula sa mga hayop. Posible rin ang human to human transmission sa pamamagitan ng physical contact. Una itong nadiskubre noong 1970 sa Democratic Republic of Congo kung saan ang mga senyales nito ay lagnat, pananakit ng kalamnan, skin lesions at iba pa.


Ang isinagawa nating groundbreaking sa VSMMC - Infectious Disease Center sa Cebu City ay isang malaking tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na huwag ipagwalang-bahala ang mabilis na pagkalat ng mga nakahahawang sakit tulad ng mpox upang hindi na lumala, na sa huli ay saka tayo maghahabol kung paano ito mareresolba.


Patunay lamang ito na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa pagkalinga partikular na sa pagpapabuti ng kalusugan ng ating mga kababayan.


Bago pa man nakapasok sa ating bansa ang mpox ay makailang ulit nang nagbigay ng babala ang DOH ng ibayong pag-iingat ngunit sadyang matindi ang mpox dahil ngayon ay nagsisimula nang maminsala sa bansa.


Ngunit ang mahalaga ay gumagawa tayo ng paraan hindi lang sa mpox kundi sa marami pang infectious disease na magpapahirap sa mga kababayan.


Ngayong mayroon nang VSMMC - Infectious Disease Center sa Cebu City ay malaking tulong ito para sa pagsugpo sa mga nakahahawang sakit at malay mo masundan ito sa iba pang lalawigan dahil sa ating pagsisikap — kaya walang makapagsasabi.


Anak Ng Teteng!



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | August 28, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Personal tayong nagtungo sa Hong Kong noong nakaraang Linggo upang mabisita at makamusta ang napakarami nating overseas Filipino workers (OFWs) doon. 


Hindi ko napansin ang malayong paglalakbay para makarating ng Hong Kong dahil sa unang pagdating pa lamang ay libu-libong kababayan na natin ang sumalubong at lahat ay tuwang-tuwa sa ating pagdating — marami rin ang naluluha dahil sa kaligayahan. 


Ilang grupo ng ating mga kababayan sa Hong Kong ang nakipag-ugnayan sa atin para sa isang meet and greet na agad nating pinagbigyan at hindi nga tayo nagkamali ng pagpapaunlak dahil ramdam na ramdam natin ang kanilang pangungulila sa ating bayan at lalo na sa kanilang mga mahal sa buhay. 


Nawa ay naibsan natin kahit bahagya ang lungkot na nararanasan nila sa kanilang pananatili sa ibang bansa para lamang maitaguyod ang kani-kanilang pamilya dahil hindi biro ang maghanapbuhay abroad — kaya nga sila tinawag na bayani ng makabagong panahon dahil sila ang mga mandirigma na nagbubuwis ng buhay para labanan ang kahirapan. 


Sa totoo lang ay may opisyal tayong lakad sa lugar na iyon nang makipag-ugnayan sa atin ang ilan sa mga kababayan kung saan marami sa mga OFW ang day off at nagtitipun-tipon lang sa isang kilalang lugar sa HK. 


Hindi na tayo nagdalawang-isip at agad nating tinungo ang naturang lugar kung saan nagkukumpulan ang ating mga kababayan at mula doon ay walang humpay na ang ingay at lahat ay sumalubong, yumakap at humalik na daig pa ang kanilang kamag-anak na hindi nila nakita sa napakahabang panahon. 


Bahagya tayong tumigil at nakipagkuwentuhan sa mga kababayang OFW at doon ay medyo napaluha tayo sa iba’t ibang kuwento na kanilang ibinahagi, ngunit sa kabuuan ay maayos naman ang kanilang kalagayan -- lamang ay hindi maiiwasan na may iba tayong kababayan na hindi pinalad sa kanilang pinapasukan at nais na lumipat ng trabaho. 


Inipon naman natin ang lahat ng kanilang mga sumbong at sisikapin nating maiparating sa kinauukulan ang kanilang mga kahilingan sa legal na paraan. 


Sa ilang sandaling pakikipagniig natin sa mga OFW ay kita-kita natin ang kanilang pananabik at dahil dito ay tiyak na muling mauulit ang pagbisita nating ito sa kanila hindi lang sa Hong Kong kundi sa napakarami pang bansa para mabigyan din natin sila ng pagkalinga kahit sandali. 


Ang mga kababayang umiiyak sa ating pagdating ay pawang mga nakangiti na sa kanilang pag-alis na tila punumpuno ng lakas para sa panibagong pakikibaka sa kanilang pananatili roon bilang manggagawa. 


Dahil sa pangyayaring iyon ay nabuo sa aking isipan na ang pagdalaw ko sa kanila ay nagbigay ng malaking kasiyahan at kahit paano ay naibsan ang kanilang pangungulila, kaya sisikapin kong maulit pa ito basta’t itutulot lang ng pagkakataon.



May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page