top of page
Search

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Feb. 10, 2025




Bongga ang 60th birthday celebration ng film producer na si Ms. Baby Go ng BG Productions sa Valle Verde Country Club noong Miyerkules, February 5, 2025. 


Dinaluhan ito ng ilang celebrities gaya ni Paolo Gumabao na nakagawa rin ng pelikula sa bakuran ng BG Films. Sa Mayo na raw ang playdate ng Spring in Prague.

Sa naganap na birthday party ni Baby Go ay ipinakita ang trailer ng Spring in Prague ng Borracho Films ni Atty. Ferdie Topacio. Kinunan ang majority na bahagi ng pelikula sa Prague kasama ang actress ng Czech Republic na si Sara Sandeva.


Wholesome ang role ni Paolo Gumabao sa Spring in Prague, pero medyo may konting pa-sexy.


Kasunod nito ang sexy film niyang Isla Babuyan kung saan ilang beses siyang nag-frontal nudity na sabi’y kinabog ang pelikula niyang Lockdown kung saan siya sumikat.


Ayon kay Paolo, pagkatapos ng Isla Babuyan, ili-limit na muna niya ang pagtanggap ng sexy films.


“Hindi naman sa ayaw ko na pero parang mas ano, we’ll be a bit more picky with the roles,” sabi ni Paolo.                            


Sa kalagitnaan ng panayam, nagulat na lang daw si Paolo dahil may ilang reporters ang gustong itanong sa kanya ang tungkol sa tsikang nakalaya na raw  ang kanyang amang si Dennis Roldan na nakakulong sa National Bilibid Prisons dahil sa pag-kidnap sa isang batang Filipino-Chinese noong 2005. 


Kumalat daw kasi noong nakaraang Pasko na nakalabas na ng kulungan si Dennis dahil sa clemency na kaloob ng gobyerno sa mga nagbabagong Person Deprived of Liberty (o PDL) pero ipina-news blackout daw ito.


Subalit ipinagtataka ni Paolo at ikinagulat niya ang naturang bali-balita dahil hindi nakarating sa kanya.


Kaya’t nagtataka niyang sagot, “Parang wala naman. Kasi, if ever po kung totoo man, kasama ako du’n sa unang makakaalam. Pero wala naman po.”


Bago mag-December 2024, nakadalaw daw siya sa ama. Hindi naman daw niya nakakaligtaang dalawin ang ama ‘pag walang ginagawa, subalit hindi lang daw siya nakabisita noong nakaraang Pasko dahil nasa Taiwan siya.


“Nakita ko po s’ya last year mga September, October. Bumisita po kami du’n sa… ako at saka si Marco (Gumabao, kanyang half-brother) lang po pumunta,” sabi niya.                                                                              

Isa si Paolo sa mga hindi nababakanteng actor. After ng kanyang short appearance sa Batang Quiapo (BQ), lumabas si Paolo sa pilot episode ng Incognito, pero parang one of those lang siya roon sa dami ng mga artistang may special appearance sa Kapamilya teleserye.


Napangiti na lamang siya sa comment na kakapiranggot lang ang eksena niya sa episode na ‘yun.


Sa ngayon ay naghihintay na lang daw siya ng magandang project na darating. Mga out-of-town basketball games ang pinagkakaabalahan niya.



MALA-DEMONYO ang role ni McCoy de Leon sa action seryeng Batang Quiapo na napapanood sa Kapamilya channel every primetime, Mondays to Fridays, bilang si David na kayang patayin ang mga mahal sa buhay masunod lamang ang luho.


Pero sa bago niyang pelikula, gaganap siya bilang si Fr. Rhoel Gallardo, ang Claretian priest na pinatay ng mga miyembro ng Abu Sayyaf noong Mayo 3, 2000.


‘Pambawi’ ang salitang ginamit ni McCoy sa pagsasalarawan niya sa karakter ni Fr. Rhoel na kanyang ginampanan sa pelikulang In Thy Name (ITN).


Hanggang sa huling hininga, hindi tinalikuran ni Fr. Rhoel ang kanyang pananampalataya at katapatan sa Simbahang Katoliko.


Kuwento ng Kapamilya actor, “To be honest, totoo namang pambawi rin sa mga hindi nakakakilala sa ‘kin personally.


“Pero masasabi ko rin na pambawi sa mismong life ko ngayon, kasi 2 years na ako sa Batang Quiapo. Talagang mai-imbibe mo ‘yung karakter.


“Kaya nu’ng dumating itong In Thy Name, na-balance rin kung paano ako tumanaw sa magandang buhay ulit.”


Nagpapasalamat si McCoy dahil ipinagkatiwala sa kanya ang pangunahing karakter sa ITN.


“S’yempre, ‘pag gumawa ka ng karakter, minsan isasapuso mo talaga sa pinakaloob mo at ikakarakter mo sa buhay mo.


“Kaya nakatulong din sa ‘kin na ma-balance kung ano ang meron sa nararamdaman ko…” pahayag ni McCoy de Leon.


 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Feb. 6, 2025




Sa kabila ng may mga bashers na nilait ang ginawang pagsasayaw ni Mark Herras sa gay bar recently, nakatulong naman daw nang malaki sa financial status ng dating StarStruck Male Survivor ang kanyang naging raket.


Balitang kumita ng P300 thousand si Mark at balak pa nga raw kunin ulit ng manager ng nasabing bar dahil dumami ang customer nila dahil sa aktor.  


At dahil din sa nasabing pagsasayaw ni Mark sa gay bar, lumutang ang tsismis na isa siya sa mga pinagpipilian bilang “housemate” sa sandaling mag-umpisa ang Pinoy Big Brother (PBB), ang collaboration project ng Kapuso at Kapamilya Network.  


Naitanong ito kay Mark, at sagot niya, “Pag-iisipan kong mabuti.” 


Kailangan daw niyang pag-isipan dahil hindi lang basta “Oo” ang magiging sagot niya. Hindi madali para sa kanya ang magdesisyon, lalo na’t isa na siyang pamilyadong tao.  

Bukod sa kanilang panganay na anak na lalaki, nasa limang buwan nang ipinagbubuntis ng asawa niyang si Nicole Donesa ang kanilang ikalawang baby. 


Iniisip niyang hindi siya maaaring mawala nang matagal sa tabi ng misis niya, lalo na’t sakop ng PBB period ang araw ng panganganak ni Nicole. Lalo na ngayong hindi pa nila alam ang gender ng kanilang baby dahil hindi pa sumasailalim sa ultrasound ang kanyang misis.


Pero kung siya ang tatanungin, lalaki pa rin ang gusto niyang maging pangalawang anak nila ni Nicole.  


Samantala, dahil sa kontrobersiya at ingay na nalikha ng pagsasayaw ni Mark sa gay bar, interesado raw uli ang management na kunin ang kanyang serbisyo para sa darating na Valentine’s Day — at ito'y pinag-uusapan pa.  


Heto pa! Hindi makapaniwala si Mark na iniimbitahan siyang maging guest speaker sa isang school event ng isang unibersidad matapos nilang malaman na sinubukan niyang sumayaw sa bar upang buhayin ang kanyang pamilya.  


Humanga umano ang mga estudyante sa wisdom na ipinamalas niya sa mga panayam tungkol sa pagtatanghal sa gay bar bilang paraan ng marangal na pagsuporta sa kanyang pamilya.  


Masaya niyang sabi, “Tinanggap ko na ang imbitasyon!”


Sa bisa ng pinirmahan niyang kontrata sa Sparkle GMA Artist Center, ang kumpanya na ang mamamahala sa kanyang career at wala na siya sa poder ni Manay Lolit Solis.  


Dahil wala nang manager si Mark, siya na mismo ang kinakausap ng mga show producers na nais kumuha sa kanyang serbisyo, gaya ng mga out-of-town basketball tournaments kasama ang mga kapwa celebrities. 


Sunud-sunod daw ang mga imbitasyon sa kanila para sa piyestahan, lalo na’t nalalapit na ang buwan ng Abril, Mayo at Hunyo.  


Mag-dyowa, in-unfollow na raw… 

LIZA, PINA-FOLLOW PA RIN NINA JAMES AT ISSA 


USAP-USAPAN ng ilang netizens ang biglaang pag-unfollow umano ni Liza Soberano sa mag-BF na James Reid at Issa Pressman.  


Si James ang dating manager ni Liza hanggang sa nagpaalam ito sa Careless Management upang i-pursue ang kanyang Hollywood dream.


Hanggang sa nauwi sa ‘di magandang estado ang Careless Music (CM), nagkahiwalay sila ng presidente ng kumpanya na si James at tuluyan na itong nabuwag.  


Tanong tuloy ng mga netizens, may kinalaman ba ang pag-unfollow ni Liza sa magkasintahan sa naging panayam ni James kay MJ Felipe ng ABS-CBN News noong September 17, 2024 kung saan ayon sa dati ring aktor, naiintindihan niya ang reason ni Liza na gusto nitong mag-Hollywood?


Kung bibisitahin naman ang following list nina James at Issa, nananatili pa rin doon ang pangalan ni Liza.  


Ibig sabihin, pina-follow pa rin nila ang aktres. 


Ano’ng sey n’yo?

 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Feb. 5, 2025




Humingi pala ng bakasyon si Vice Ganda sa management ng ABS-CBN para makapag-recharge, unwind at refresh kaya absent ito sa It’s Showtime.


Nangarag umano ang kanyang katawan sa sunud-sunod na trabaho sa nagdaang holiday season mula noong December dahil tinutukan niya ang promo ng kanyang Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na And The Breadwinner Is… (ATBI) na siyang No. 1 box office hit sa nakaraang filmfest.  


Kasunod nito’y ang preparasyon ni Vice para sa Tawag ng Tanghalan: Grand Champion (TNT) sa It’s Showtime (IS) last January.  


“I needed a break,” pabiro niyang sambit, kaya agad naman siyang pinayagan nang magsabi siyang gusto niyang mag-Dubai.  


Kasama niya ang asawang si Ion Perez sa mahigit na isang linggong bakasyon. 

Dahil fully charged, ganado na uli si Vice sa kanyang pagbabalik-Pilipinas at sumabak agad sa trabaho.


Sa eksklusibong panayam ni MJ Felipe para sa ABS-CBN News, naitanong kay Vice kung kumusta ang biyahe nila ni Ion sa Dubai.  


Sabi ng comedian-TV host, sobrang enjoy at na-relax sila sa ilang araw na pahinga.  


Ani Vice, “Ang sarap, ang saya, masarap sa pakiramdam. Nakapagpahinga ang katawan, ang isip. Nakapag-relax-relax din. Kasi siyempre, nu’ng filmfest season, ngaragan talaga — katawan, utak, lahat, kaluluwa — ubusan. So, nakapag-recharge.”


Timing din ang celebration ni Vice sa kanyang biyahe sa Dubai dahil inilabas na rin ang resulta sa box office ng MMFF 2024, kung saan ang pinagbidahan niyang ATBI ang nanguna.  


Kaya naman, walang pagsidlan ng saya si Vice. 


Aniya, “Oh, thank you, Lord. Thank you sa ABS-CBN, sa Star Cinema. Thank you kay Direk Jun Lana (director ng ATBI).”  


Patuloy pa niya, “Maraming-maraming salamat sa madlang people. Maraming salamat. Ang sarap.”


Dahil sa patuloy pa ring pagtangkilik sa kanya ng madlang pipol, nagkasa si Vice ng kanyang plano this year.  


Saad niya, “This year, I’m planning to have a big concert sa Araneta. And I’m doing another film again this year. Hindi ako mag-i-skip, magpepelikula ako ulit.”


Tinanong ni MJ Felipe kung ang gagawin niyang movie ay para sa MMFF 2025.

Aniya, “Let’s see. Hindi pa natin alam.”


Ang tanging nasabi ni Vice ay sobra siyang na-inspire dahil sa tagumpay ng ATBI sa takilya.


Sabi ng Unkabogable Star, “Na-renew, na-recharge, na-inspire ako lalo. Lalo na after nu’ng outcome ng film festival, mas lalong nakakagigil.  


“Masyadong ang sarap. Tara, ‘di ba? Kilos tayo ulit. Laban tayo ulit. Kasi, ‘yun nga, ‘yung outcome ng entry natin sa Metro Manila Film Festival.


“Ang dami n’yang vinalidate. Ang dami n’yang ibinigay sa ‘kin na realization.

“At ang pinakamahalagang realization doon, ‘Ay, mahal na mahal pa rin nila ako. Ako pa rin ‘yung pinipili nila. Gusto pa rin nila ako.’


“Ang sarap sa pakiramdam. Kaya lalo akong sumisigla. Lalo akong inspired and fired up,” pahayag ng Unkabogable Star.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page