top of page
Search

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Mar. 19, 2025





Akala ng marami, nananahimik na ang kasong isinampa ni Vic Sotto against Darryl Yap, ang direktor ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma (TROPP).


Pero umakyat na pala sa husgado ang reklamong cybelibel na inihain ni Vic laban sa direktor kaugnay ng controversial trailer ng pelikulang TROPP.


Sa inilabas na resolusyon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC), nakitaan ng prosecutors ng sapat na basehan ang reklamo ni Vic kaya umakyat na ito sa husgado mula sa fiscal’s office.


Gayunman, ayon sa dokumento na may petsang March 17, 2025, 1 count lamang ng cyberlibel ang naaprubahan ng korte mula sa 19 counts na inihain ni Vic.


Bahagi ng nakasaad sa lumabas sa resolusyon, “The undersigned Assistant City Prosecutor accuses DARRYL RAY SPYKE YAP Y BALINGIT of the crime of Libel under Arts. 353 and 355 of the Revised Penal Code, as amended, in relation to violation of Sec.4(c)(4) of R.A. 10175, otherwise known as the Cybercrime Prevention Act of 2012.”


Isang mabigat na probable cause ng kaso ay ang pagbanggit sa pangalan ni Vic sa teaser ng hindi pa rin naipapalabas na pelikula ni Darryl tungkol sa buhay ng dating sexy star na si Pepsi Paloma.


Matatandaang noong January 9, 2025, nagsampa si Vic ng 19 counts of cyberlibel laban kay Darryl. Ito ay kaugnay ng kontrobersiyal na teaser ng pelikula ni Yap na TROPP, kung saan direktang binanggit ang pangalan ni Vic Sotto na diumano’y nang-rape kay Pepsi.


Sa teaser ng pelikula kung saan tampok sa eksena ang mga artistang sina Gina Alajar at Rhed Bustamante, tinanong ni Charito Solis (Gina) si Pepsi (Rhed) kung totoo bang “ni-rape” siya ni “Vic Sotto”. 


Nakasaad sa resolusyon ni Assistant City Prosecutor Elvin Keith Barrios:

“I HEREBY CERTIFY, that the crime or offense charged in this case has a prescribed penalty of not more than six (6) years of imprisonment without regard to fine and hence, an expedited preliminary investigation was conducted in this case pursuant to Section 8, Rule V of DOJ Department Circular No. 28 series of 2024…”


Sampung libong piso (P10,000 thousand) ang inirekomendang piyansa para sa kaso. 

Habang umaandar ang oras noong araw na iyon, naglabas naman ng desisyon ang korteng pumabor sa TV host-comedian sa naunang inihaing writ of habeas data petition nila laban sa pagpapakalat pa ng teaser ng nasabing movie.


Hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapalabas ang pelikula na nakatakda sanang ipalabas noong February 5, 2025.

 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Mar. 13, 2025




Marami ang nasorpresa sa pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte nitong March 11, 2025 ilang oras lamang pagkauwi nito mula sa isang bakasyon abroad. 


Siya’y inaresto ng mga pulis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at pansamantalang ikinulong habang naghihintay ng kaukulang proseso.  


Si Duterte ay iniimbestigahan ng International Criminal Court (ICC) dahil sa Extrajudicial Killings (EJK) habang siya ang nakaupo bilang pangulo ng Pilipinas mula Hunyo 2016 hanggang Hunyo 22, 2022.


Tinawag na EJK ang mga pagpatay sa mga taong may involvement umano sa drug trade na basta na lang dinukot sa mismong bahay at pinatay kinalaunan nang walang due process.


Ayon sa pna.gov.ph nu’ng March 30, 2022, ang EJK figures ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay: “6,229 ang namatay sa isinagawang 226,662 anti-drug operations simula noong July 2016 hanggang January 31, 2022.”


Ayon naman sa CHR (Commission on Human Rights) report ng November 2, 2021, ire-review nito ang info na “5,655 cases of anti-drug operations where deaths occurred including those being handled by the Administrative Order No. 35 Inter-agency Committee on Extra-Legal Series, Enforced Disappearances, Torture, and Other Grave Violations to Life, Liberty and Security of Persons.”  


Kung may ilang mamamayan ang nagmartsa at ipinagdiwang ang pagkakaaresto sa dating pangulo, marami rin ang nalungkot at ilan dito ay mga kaalyado sa PDP-Laban ni Duterte gaya ni Phillip Salvador.  


Ipinakita sa TV Patrol (TVP) ang mga eksena sa NAIA at isa sa mga nahagip ng kamera ay si Phillip habang umiiyak sa pagkakaaresto kay Digong. 


Nasa labas lamang si Ipe at ang mga kapwa niya Duterte supporters dahil hindi sila pinapasok sa loob ng headquarters ng Philippine Air Force (PAF).  


Sa panayam ng Cabinet Files kay Ipe, hindi niya maitago ang lungkot sa pagkakaaresto sa dating pangulo.  


“Sobrang pagod ang utak at katawan. I am so drained,” sabi ni Ipe.


Nagbigay din ng saloobin ang aktor sa nangyari sa pamamagitan ng Facebook

Messenger, tungkol sa naging kapalaran ni Duterte.  


Sinabi ni Ipe na pinulitika umano sila ng mga Marcos:


“Walang jurisdiction ang ICC sa bansa natin. Pulitika talaga ito.


“What a time to do this mockery two months before elections. Pinutulan kami ng ULO para ipakita na sila ang hari ng bansa, they can do anything at planadung-planado.


“Umalis silang lahat, nag-Amerika, saka nangyari ang lahat ng ito.”


Ang ‘silang lahat’ na tinutukoy ni Phillip ay ang administrasyong Marcos.


Ayon pa kay Phillip, sa kabila ng nangyari kay dating Pangulong Duterte, ay tuloy ang kanilang kampanya.  


“Basta kami, tuloy lang ang kampanya and like what PRRD always say, ‘DO WHAT IS RIGHT!’


“Meron tayong mas MALAKING DIYOS! Hindi Niya pababayaan ang bansa natin.


“Malungkot ang sambayanang Pilipino, malungkot ang Inang Bayan. May God bless us all,” pahayag ng aktor.  


Well! Well daw, oh?  


Gustong pasyal-pasyal na lang abroad… 

REGINE AT OGIE, PINAGHAHANDAAN NA ANG PAGRERETIRO SA SHOWBIZ


AMINADO si Asia’s Songbird Regine Velasquez na siya’y edad 54 na at inihahanda ang sarili sa usapang-retirement sa pagkanta balang-araw, especially sa ASAP kung saan siya regular tuwing Linggo sa Kapamilya Network.  


Ayon sa news entertainment anchor ng ABS-CBN na si MJ Felipe, isa sa mga napag-usapan sa interview ang tungkol sa pagreretiro.  


Ayon kay Regine, 6 more years to go bago siya maging certified senior citizen, hindi na raw siya natatakot pagdating ng panahon, bagkus pinaghahandaan na nito ang araw na ito bagama’t matagal-tagal pa naman daw.


Pahayag niya, “No, I’m excited. Actually, hindi naman. Parang, I’m trying to... ano’ng tawag diyan? Prepare myself for that.  


“I mean, it’s not gonna happen naman soon, but I’m preparing myself for that. Because itong work kasi na ito is very addicting, aminin mo ‘yan. Kasi ano, eh, instant gratification lahat, eh. Especially ‘pag nagko-concert ka, instant gratification, eh.  


“So, ipine-prepare ko ‘yung sarili ko na, ‘Okay ‘to, ‘yung mga nadi-disappoint ako habang nagko-concert ako. Siguro, this is God’s way na rin of letting me know, ‘Sige, dahan-dahan, para hindi ka…’ Para ‘pag umabot na ako du’n sa kailangan ko na mag-decide talaga na, ‘Yeah, I think it’s my time to stop,’ it wouldn't be too hard for me. And the thing is, I’m sure I’m gonna miss it. But, ‘yun na nga, parang siguro, hindi naman bigla.” 


Maging ang asawang si OPM icon Ogie Alcasid, now 57, ay nasabing pinaghahandaan na raw talaga nila ang retirement.  


Ayon sa Asia’s Songbird, “Matagal-tagal pa naman nang konti. Hindi pa naman ako mukhang 100. So, konti-konti. And ‘yun na nga, I'm preparing, my husband and I are preparing for it. Lalo na siya kasi he’s a bit older than me.  


“So, pinag-uusapan na namin ‘yun na, ‘‘Pag ganito, Hon, siguro, mag-lie-low na ako nang konti.’


“So, ang isip ko rin, ‘Ako rin, Hon.’” 


Sa ngayon, sa kanilang health nakatutok ang dalawa at nasa plano rin ng couple ang pamamasyal o pagbibiyahe abroad.  


Ani Regine, “And then, we wanna travel while we still can. So, that’s what we wanna do. That’s what I wanna do.”

 
 

ni Ador V. Saluta @Adore Me! | Mar. 3, 2025





Pinag-uusapan ng madlang pipol ang kawalan ng kaalaman sa COMELEC ng isang contestant ng Sexy Babe (SB) segment ng It’s Showtime (IS) noong February 28, 2025, dahil hindi masagot ng 20-year-old girl ang tanong ni Vice Ganda ukol sa Commission on Elections (COMELEC). 


Ikinabahala rin ni Vice ang kawalan ng sagot ng contestant, lalo na’t nalalapit na ang midterm elections sa Mayo.  


Sabi ni Vice Ganda, “Ano ang mensahe mo sa COMELEC?” na sinagot ng contestant na hindi siya pamilyar sa constitutional commission. “Sorry po, hindi po ako masyadong knowledgeable about sa COMELEC,” sagot nito kay Vice.  


Ikinagulat lalo ni Vice ang sagot, na hindi naitago sa mga viewers ang kanyang pagkadismaya, lalo na’t 20 years old na ang nasabing candidate.  


“Oh, my gosh, that is bothersome,” hirit naman ni Kim Chiu.

Tinanong din nito ang contestant kung registered voter na.

Sagot ng contestant, “Hindi pa po.”  


Kaya hinikayat ni Kim na magpa-register siya bilang mamamayang Pilipino at gamitin ang karapatang bumoto.  


Sinegundahan ito ni Vice, “So, paano, wala kang sagot?” na tila dedma ang contestant.  


Kaya sinundan ito ni Vice, “Wala ka bang naririnig? Hindi ka ba nanonood ng telebisyon? Nagbabasa ng diyaryo? Internet?”


Sagot ng contestant, “Wala po kaming TV. Hindi rin po masyado lumilitaw sa news feed ko.”  


Tinanong din ni Kim kung never siyang naka-encounter ng mga discussions about COMELEC in school? 


Agad na sumagot si Vice, “So, sino ang may kasalanan na hindi ka informed?”  

Sagot ng contestant, “Ako po.”  


The hosts then attempted to educate her on COMELEC’s role.  


Nagbigay ng komento si Jhong Hilario, as a councilor of Makati, “‘Yung COMELEC, sila ‘yung nag-aayos bago mag-eleksiyon, mga kandidato.”  


Dagdag pa ni Vice, “Sila ang may kinalaman sa lahat ng kaganapan tungkol sa eleksiyon sa Pilipinas.”



IKINALUNGKOT ng mga tagasuporta ng ABS-CBN ang hindi magandang balita tungkol sa pagbebenta ng mga may-ari ng dating largest broadcasting company sa Ayala Land, Inc. ng ilang parte ng lupang kinatatayuan ng network.

Ayon sa mga ulat, nasa 30,000 square meters (sqm.) ng kabuuang 44,027.30 sqm. na lupain ng ABS-CBN ang bibilhin ng Ayala Land, Inc. na nagkakahalaga umano ng P6.2 billion.

Para sa mga Pilipinong nagmamahal sa ABS-CBN, tila end of an era ang malungkot na balita dahil nangangahulugan ito ng pagkawala o pagkabuwag ng mga gusali at pasilidad na naging malaking bahagi ng kasaysayan ng Kapamilya network.  

Kabilang sa bahagi ng lupang sakop na binili ng Ayala Land ay ang harapan ng ABS-CBN, kasama rin ang Millennium Transmitter Tower, ang Chapel of the Annunciation, ang mga network studio, at ang Dolphy Theater.

Sa Dolphy Theater idinaraos ang mahahalagang pagtitipon tulad ng mga press conferences, concerts, movie red carpet premiere, awards night (hindi pa sakop ang Star Awards for TV na magaganap sa darating na March 23 sa Dolphy Theater). 

Sa Dolphy Theater din idinaos ang burol ng pumanaw na King of Comedy. 

Ang Dolphy Theater na dating ABS-CBN Studio 1, ang pinakamatandang studio ng Broadcast Center na ginamit na newsroom nang muling magbukas ang ABS-CBN noong 1986.  

Ipinangalan kay Dolphy ang Dolphy Theater bilang parangal sa kanya, at nangyari ito nang magdiwang siya ng ika-80 kaarawan noong 2008.  

Wala pang detalye ang Ayala Land, Inc. sa mga plano nila para sa malaking bahagi ng ABS-CBN na kanilang binili, pero marami ang naniniwalang condominium building ang itatayo nila sa naturang lugar.  

Dahil sa malaking pagbabagong magaganap sa ABS-CBN compound, may mga nagtatanong tungkol sa mangyayari sa Chapel of Annunciation at historical marker ng makasaysayang network. 

Ayon sa aming source, may nakalaan pa ring studio na pagdarausan ng It’s Showtime (IS), Mondays to Saturdays, at ASAP tuwing Linggo.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page