- BULGAR
- Jul 28, 2025
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 28, 2025
Photo : Gilas Pilipinas vs Macau Bears - Samahang Basketbol ng Pilipinas - SBP
Nagising ang Gilas Pilipinas sa tamang panahon upang talunin ang bisitang Macau Black Bears, 103-98, sa kanilang exhibition game noong Lunes ng gabi sa Araneta Coliseum.
Nagsilbing nararapat na despedida ang tagumpay bago sumabak ang pambansang koponan sa 2025 FIBA Asia Cup sa Jeddah, Saudi Arabia.
Bumira ng sunod-sunod na tres sa huling quarter si Justin Brownlee simula sa unang nagpatikim ng lamang sa mga Pinoy, 84-83. Tumira pa siya ng apat pang three-points at isang three-point play para lumayo ang Gilas, 101-94, at 1:41 ang nalalabi.
Lamang ang Black Bears sa halftime, 63-46, subalit inilatag ng kombinasyon nina Dwight Ramos, Cjay Perez at AJ Edu ang pundasyon ng paghabol ng mga Pinoy.
Tinuldukan ng three-points ni Scottie Thompson ang pangatlong quarter pero lamang para maging dalawa na lang ang lamang ng Macau, 81-79. Ayon kay Coach Tim Cone, napakahalaga na makapaglaro sila sa harap ng mga kababayan dahil mas madalas silang nasa ibayong-dagat.
Inimbitahan niya ang mga Filipino sa Saudi Arabia na panoorin ang kanilang mga laro. Nagtapos si Brownlee na may 32 puntos buhat sa limang tres at humakot ng 15 rebound sa 35 minuto.
Sumunod si Ramos na may 19 at anim na assist at Edu na may 15. Nanguna sa Macau sina Will Douglas na may 23 at Amorie Archibald na may 22 bilang reserba. Nag-ambag ng 17 si Jenning Leung. Maglalaro ng isa pang exhibition ang Gilas kontra Jordan pagdating nila sa Saudi. Ang FIBA Asia Cup ay tatakbo mula Agosto 5 hanggang 17.
















