top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 14, 2025



Photo: Jayson Tatum, Andrew Nembhard, Jalen Brunson at Karl-Anthony Towns - IG

              

Muntikan na ang World Champion Boston Celtics at nalusutan ang New Orleans Pelicans, 120-119 sa NBA kahapon sa TD Garden. Winakasan din ng Indiana Pacers ang 12 sunod na panalo ng nangungunang Cleveland Cavaliers, 108-93. 


Hawak ng Celtics ang inakalang komportableng 120-115 lamang na may 22 segundong nalalabi subalit naka-shoot si Dejounte Murray na sinundan ng dalawang free throw ni CJ McCollum, 119-120. Hindi naipasa ng Boston ang bola sa loob ng 5 segundo at bumalik ito sa Pelicans ngunit nagmintis ang magpapanalo sanang malapitang tira ni McCollum. 

      

Nagtapos si Jayson Tatum na may 10 ng kanyang 38 puntos sa huling quarter. Umangat ang pumapangalawang Celtics sa 28-11 at nakakuha ng tulong sa Pacers na hinila pababa ang numero unong Cleveland sa 33-5.

        

Sinayang ng Cavs ang 60-45 lamang sa pangatlong quarter at pinahabol ang Pacers hanggang maagaw nila ang bentahe papasok sa huling quarter, 77-71. Mula roon ay walang nakapigil sa arangkada at lalong lumayo ang Indiana, 98-80 at nanguna sa balanseng atake si Andrew Nembhard na ipinasok ang 10 ng kanyang 19 sa huling quarter. 

        

Pinisa ng numero uno ng West Oklahoma City Thunder ang kulelat na Washington Wizards, 136-105, para maging 32-6. Gaya ng marami niyang laro ngayong torneo, nagpahinga sa buong huling quarter si Shai Gilgeous-Alexander matapos gumawa ng 27 at itulak ang OKC sa 104-69 lamang. 

      

Uminit si Jalen Brunson para sa 23 ng kanyang 44 sa unang quarter pa lang at kasama ang ambag na 30 at 18 rebound ni Karl-Anthony Towns ay ibinaon ng New York Knicks ang Milwaukee Bucks, 140-106. Bumangon mula sa 67-86 butas sa pangatlong quarter ang Denver Nuggets upang maagaw ang 112-101 panalo sa Dallas Mavericks sa likod ng 21 at 10 rebound ni Russell Westbrook. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 14, 2025



Photo: Northport Batang Pier - Kadeem Jack - PBA PH


Laro ngayon – N. Aquino

5 PM Meralco vs. NorthPort

7:30 PM Converge vs. Rain Or Shine 


Isang panalo na lang ang kailangan ng numero unong NorthPort upang makamit ang pinakaunang siguradong upuan sa 2024-25 PBA Commissioner’s Cup quarterfinals.  Haharapin ngayong Martes sa Ninoy Aquino Stadium ng Batang Pier (7-1) ang Meralco Bolts (5-3) na nais pagbutihin din ang pag-asa sa susunod na yugto ng torneo simula 5 ng hapon. 


Ipaparada muli ng NorthPort si import Kadeem Jack na nagtala ng 30.5 puntos sa 8 laro at ang numero unong Pinoy sa puntusan na si Arvin Tolentino (25.3) at ika-lima si Joshua Munzon (19.9). Dahil sa kanila, numero uno sa opensa ang Batang Pier na 111.3.


Oras na magwagi ng pang-walo ang NorthPort ay hindi na sila mapapantayan ng mga koponan na nasa pang-9 hanggang 13 na NLEX (3-5), Phoenix (3-5), Magnolia (3-6), Blackwater (1-7) at Terrafirma (0-9). Galing ang Batang Pier sa dalawang tagumpay sa mga bigating HK Eastern (120-113) at Barangay Ginebra (119-116).


Bumabalik na ang porma ng laro ni Meralco import Akil Mitchell matapos mabasag ang ilong noong ikalawang laro laban sa Painters noong Disyembre 1. Mahalaga na mabuo ang Bolts at malusog ang koponan at pinatunayan ito sa 105-91 panalo sa NLEX noong Biyernes kung saan 6 na magkakampi ang nagsumite ng 10 puntos o higit pa. 


Sa pangalawang laro, parehong layunin ng Converge FiberXers (6-3) at ROS (5-2) na manatili ang hahabuling agwat sa Batang Pier sa kanilang mahalagang salpukan.  


Tiyak na aabangan ang bantayan ng mga malalaking sina Cheick Diallo at Justin Arana laban kay Deon Thompson at Leonard Santillan. Hindi magpapahuli ang mga gwardiya na sina Jordan Heading, Alec Stockton at Deschon Winston kontra kay Jhonard Clarito, Adrian Nocum at Andrei Caracut.  

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | Jan. 9, 2025



Photo: Ang Philippine National Futsal Team na sasabak kontra Kuwait sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup Qualifier Grupo C. (A. Servinio)


Laro sa Sabado – Tashkent 9 PM Kuwait vs. Pilipinas


Mananalo ang Pilipinas sa 2025 AFC Women’s Futsal Asian Cup Qualifier Grupo C na magsisimula ngayong Sabado sa Yunusubod Sport Complex sa Tashkent, Uzbekistan. Iyan ang matapang na pahayag ni Philippine Football Federation (PFF) Presidente John Anthony Gutierrez sa despedida ng pambansang koponan noong Martes sa Makati City.


Pormal na ipinakilala ang koponan na pangungunahan ng mga beteranang sina Katrina Guillou at Isabella Flanigan. Ang iba pang mga kasapi ay sina Sheen Borres, Shelah Cadag, Alisha del Campo, Cathrine Graversen, Rocelle Mendano, Vrendelle Nuera, Regine Rebosura, Dionesa Tolentin at mga goalkeeper Samantha Hughes at Kayla Santiago.


Gagabayan sila ni Coach Rafa Merino na bitbit ang malawak na karanasan sa mga mataas na antas na koponan sa Espanya. Tutulungan siya nina Coach Mark Torcaso ng Filipinas Football, Ariston Bocalan, Albert Besa at trainer Oshin Aguilon.


Unang haharapin sa Sabado ng mga #59 Pinay ang #61 Kuwait na nag-iisang kalaro na mas mababa sa kanila sa FIFA Futsal Ranking. Susunod ang host at #18 Uzbekistan (Enero 13), #38 Turkmenistan (15) at walang ranggo subalit peligrosong Australia (19).


Ang unang dalawa buhat sa apat na grupo at ang may pinakamataas na kartada sa mga magtatapos ng pangatlo ay tutuloy sa torneo sa Tsina mula Mayo 7 hanggang 18.


Ang ginto, pilak at tanso ay papasok sa pinakaunang FIFA Women’s Futsal World Cup sa Pilipinas mula Nobyembre 21 hanggang Disyembre 7 sa Philsports Arena at Victorias City.


Nagdaos ng training camp ang PFF noong Pasko at Bagong Taon upang mabuo ang koponan. Dagdag ni Coach Merino na maganda ang ipinapakita ng koponan sa ensayo at malaki ang suporta ng pederasyon, mga bagay na tutulong na maabot ang kanilang puntirya sa Uzbekistan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page