top of page
Search

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 26, 2025



Photo: Ininumang nang i-shoot ni Jalen Williams ng Oklahoma City Thunder ang bola habang nakadepensa si Rudy Gobert ng Minnesota Timberwolves sa yugtong ito ng laban sa Game 3 ng Western conference finals ng 2025 NBA Playoffs sa Target Center kahapon. (Data Skrive) 


Umiwas na mapahiya ang Minnesota Timberwolves sa harap ng kanilang mga tagahanga at tinambakan ang bisitang Oklahoma City Thunder, 143-101, sa Game 3 ng 2025 NBA Western Conference Finals kahapon sa Target Center. Nakatulong ng malaki ang paglaro sa sariling tahanan at naitala ng Timberwolves ang unang panalo matapos bumagsak sa unang dalawa. 

       

Ipinasok ni OKC sentro Isaiah Hartenstein ang unang 4 puntos ng laro at mula roon ay puro Minnesota na ang lumikha ng ingay hanggang kunin ang unang quarter, 34-14, sa likod ng 16 ni Anthony Edwards. Hindi na nakaporma ang OKC at lalong lumaki ang agwat sa 129-84 bago ang huling 4 na minuto at tinatapos na ng mga reserba ang laro. 

       

Kahit hindi na naglaro sa huling quarter si Edwards, pinangunahan pa rin niya ang Timberwolves na may 30 puntos buhat sa limang tres sa 30 minutong paglalaro.  Bumawi si Julius Randle at nagtala ng 24 matapos gumawa ng 6 lang sa huling laro.

      

Ibinangko si Randle ni Coach Chris Finch sa huling quarter ng Game 2 noong Biyernes.  Hindi na pinalaki ang usapin at nanindigan si Randle na tanggap niya ang ginawa ng coach. 

      

Matapos magsabog ng kabuuang 69 sa unang 2 laro, 14 lang si MVP Shai Gilgeous-Alexander na kapantay ni reserba Ajay Mitchell.  Sumunod si Jalen Williams na may 13. 

       

Ang Game 4  ay ngayong Martes sa parehong palaruan. Dahil sa resulta, tiyak na may Game 5  sa Huwebes sa Paycom Center. 

        

Samantala, layunin ng rumaragasang Indiana Pacers na lalong ipitin ang New York Knicks sa Game 3 ng East Finals ngayong Lunes sa Gainbridge Fieldhouse. Malupit ang ipinakita ng Pacers sa tagumpay sa unang dalawang laro sa Madison Square Garden. 


 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 25, 2025



Photo: Gumigiri sa bolang dinadrayb ni Pascal Siakam ng Indiana Pacers si Miles McBride ng New York Knicks sa laban nilang ito sa Eastern finals playoffs ng NBA.

 

Naging mas matatag sa huling mga segundo ang bisitang Indiana Pacers para makuha ang Game 2 ng 2025 NBA Eastern Conference Finals laban sa New York Knicks, 114-109, kahapon sa Madison Square Garden. Maaaring tapusin ng maaga ang serye sa paglipat sa Gainbridge Fieldhouse para sa Game 3 at 4 ngayong Lunes at Miyerkules. 

     

Lamang ang Pacers, 110-100, at 2:45 sa orasan pero humabol ang Knicks at lumapit, 109-110. Walang kabang ipinasok ni Aaron Nesmith ang dalawang free throw na may 15 segundong nalalabi upang makahinga, 112-109. 

     

Nagmintis ang three-points ni Jalen Brunson at sinungkit ni Myles Turner ang rebound sabay kuha ng foul kay Mikal Bridges. Sinelyuhan ni Turner ang resulta sa dalawa pang free throw sa huling apat na segundo. 

     

Uminit para sa 39 puntos si Pascal Siakam at ang kanyang huling buslo ang nagtayo ng 110-100 bentahe. Tumulong si Turner sa 13 ng kanyang 16 sa huling quarter habang 14 si Tyrese Haliburton. 

      

Nasayang ang tinrabahong 36 at 11 assist ni Brunson. Sumunod sina Karl-Anthony Towns at Mikal Bridges na parehong may 20. 

     

Samantala, pinamunuan ni MVP Shai Gilgeous-Alexander ng Oklahoma City Thunder ang 2025 All-NBA Team. Kasama ni SGA sa First Team ang mga kapwa-nominado para MVP Nikola Jokic ng Denver Nuggets at Giannis Antetokounmpo ng Milwaukee at sina Jayson Tatum ng Boston Celtics at Donovan Mitchell ng Cleveland Cavaliers. 

      

Nasa Second Team sina Brunson, Evan Mobley ng Cavs, LeBron James ng Los Angeles Lakers, Stephen Curry ng Golden State Warriors at Anthony Edwards ng Minnesota Timberwolves. Binubuo ang Third Team nina KAT, Haliburton, Jalen Williams ng OKC, Cade Cunningham ng Detroit Pistons at James Harden ng L.A. Clippers. 

      

Ang Game 3 ng West Finals sa pagitan ng OKC at Minnesota ay ngayong Linggo.  Umaasa ang Timberwolves na ang paglaro sa tahanang Target Center ang magbubunga ng unang panalo sa serye. 

 
 

ni Anthony E. Servinio @Sports | May 24, 2025



Photo: Gilas Pilipinas Youth laban sa Vietnam FIBA U16 - RDB

 


Laro ngayong Linggo – Bren Z. Guiao 7:30 PM Pilipinas vs. Thailand


Ipinagpag ng Gilas Pilipinas Youth ang malambot na simula upang durugin ang Vietnam, 113-62, sa simula ng FIBA Under-16 Asia Cup Southeast Asian Basketball Association (SEABA) Qualifiers 2025 sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando, Pampanga.


Agad nagpadala ng mensahe ang mga manlalaro ni Coach LA Tenorio na seryoso sila na manatili ang perpektong marka ng bansa sa torneo mula 2011.


Bumuhos ng walang sunod-sunod na puntos ang Vietnam para lumamang, 13-4, at pitong minuto ang nalalabi sa unang quarter. Ipinasok na ang mga reserba at binuhay nila ang paghabol ng mga Pinoy sa likod nina Jolo Pascual, Travis Pascual at Jhello Lumague para tuluyang kunin ang unang quarter, 29-20.


Tuloy-tuloy ang arangkada ng mga Pinoy at umabot ang pinakamalaking lamang sa 107-56, sa mga shoot nina Prince Carino, Lumague at Andwele Cabanero. Sinubukang bawasan ng Vietnam ang agwat sa huling dalawang minuto.


Dinomina ng 6’7” Carino ang mga mas maliit na bantay para magbagsak ng 16 puntos at 12 rebound sa 21 minuto lang.


Gumawa din ng 16 si Travis Pascual habang 14 si Jolo Pascual. Nanguna sa Vietnam si Nguyen Hoang Minh Khang na may 13 buhat sa tatlong three-points.


Nag-ambag si reserba Nguyen Le Cao ng 12. Sa ibang laro, binuksan ng Indonesia ang torneo sa 68-47 panalo sa Singapore.


Nagwagi ang Thailand sa Malaysia, 56-47, sa maagang pagkikita ng mga paboritong mag-uwi ng medalya.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page