
BULGAR @34
Isang pasasalamat ay narito ang espesyal na maikling pelikula (short film) na handog ng BULGAR para sa ika-34 na anibersaryo na may temang BALITANG DAPAT, SAPAT, at TAPAT”.
Sabay-sabay nating panoorin at alamin ang istoryang bubuo
sa tapang, dedikasyon, at serbisyo-publiko na itinuturing
bilang Boses ng Pinoy, Mata ng Bayan.
BULGAR SA IKA-TATLUMPU’T APAT: BALITANG DAPAT, SAPAT AT TAPAT!
Sa ika-34 taong pamamahayag at paglilingkod ng pahayagang BULGAR sa ating mga mambabasa, kayo po ay naging kaakibat namin para umabot nang ganito katagal.
Kaya ang boses at opinyon ng mga patuloy na tumatangkilik sa BULGAR ay malaking bahagi ng aming tagumpay.
Kaisa ng bawat Pilipino, ang BULGAR ay mananatiling maglilingkod at maghahatid ng DAPAT, SAPAT at TAPAT na balita sa aming pagdiriwang ng IKA-TATLUMPU’T APAT!
Kilalanin ang ating mga Ka-BULGAR na bilang mambabasa, paano nga ba nakatulong sa kanila ang BULGAR para mas maunawaan ang nangyayaring korupsiyon sa ating bansa at ano ang naging epekto nito sa kinakaharap nating krisis ngayon.
Ka-Bulgar
Mrs. Rowena A. Reyes-Lapay
Filipino Teacher
Ang unang-unang layunin kasi ng pahayagan ay magbigay ng impormasyon. Kapag nagbabasa tayo ng diyaryo, partikular na [ang] BULGAR, pang-masa, eh, kumbaga, mas madaling maunawaan ng mga simpleng mamamayan ‘yung mga impormasyon na ibinibigay nang pahayagan.
Ngayon, ‘yung epekto n’yan, bilang mamamayang Pilipino, hindi nakatutuwa ‘yung nababalitaan nating mga korupsiyon dahil apektado ang lahat ng mamamayan. Habang naghihirap ang karamihan sa atin, meron pala talagang mga taong nagpapasasa ng ating kaban ng yaman.
At ‘yung iba pa r’yan, ‘yung mga iniluklok natin sa puwesto. [Sa katunayan], puwede rin nating sisihin kung minsan ‘yung mga mamamayan, kasi paano sila naluklok d’yan kung hindi naman sila pinili?
Ms. Judy Acuña Peñarubia
Watchman
Sa pamamagitan ng BULGAR, nalaman ko na talagang sobra ‘yung korupsiyon natin. Naghihirap ang sambayanang Pilipino. Wala naman tayong magawa, kasi hanggang ngayon ay wala pang nakukulong, kaya nakakadismaya rin.
Salamat sa BULGAR, kasi napapaunawa sa amin kung paano sila magnakaw at paano sila mangurakot.
Nakalulungkot din hindi lang sa amin kundi sa ating lahat, na ‘yung tax na pinaghirapan natin, kaybilis lang naman pala nilang ini-spend sa kanilang mga luho.
Sa ngayon, nananalangin [ako] na maging maayos na lang sana. May makulong, salamat. Kung wala, wala tayong magagawa. Ganyan talaga ang pulitika, eh. Mahirap lang tayong mga tao, very common lang.
Ms. Ramiela Ann Gwyneth A. San Andress
SSG President / Copy reader
Nakatutulong ‘yung BULGAR sa akin bilang isang estudyante at mambabasa lalung-lalo na sa mga napapanahong isyu ngayon, lalo na sa korupsiyon, upang maging aware din po kami kung ano ‘yung mga napapanahong nangyayari.
At bilang mag-aaral, kami ay naaapektuhan din, sapagkat nananakaw din po ‘yung mga pera na dapat [ay] naibibigay sa mga estudyante upang matulungan kami.




