PNP, doble-kayod kontra sindikato
- BULGAR

- Feb 27
- 1 min read
by Info @Editorial | Feb. 27, 2025

Kasunod ng pagpapatupad ng total ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), patuloy umano ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP) sa criminal activities na may kaugnayan dito.
Kung saan, natuklasan sa kanilang imbestigasyon ang ilang insidente ng krimen na may kaugnayan sa POGO operations kabilang ang kidnapping, mga alitan sa underground gambling, at cyber fraud.
Mula Enero 2024 hanggang Pebrero 2025, naitala ng PNP Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang kabuuang 40 kaso ng kidnapping, kung saan 10 sa mga biktima ay Chinese na dinukot ng kapwa nila Chinese.
Katunayan ito na sa kabila ng pagbabawal sa POGO, patuloy na kumikilos ang mga sindikato.
Kaya ang PNP ay may malaking responsibilidad na tutukan ang mga sindikatong ito.
Kailangang mas palakasin ang intelligence-gathering operations, pagsasagawa ng raid sa mga lugar na pinaghihinalaang ginagamit ng mga sindikato, at ang pagtukoy sa kanilang mga protektor.
Samantala, sa kabila ng mga pagsisikap ng PNP, may mga hamon din na kinahaharap ang mga law enforcement agencies. Kabilang na ang kakulangan sa sapat na pondo at kagamitan upang magpatuloy ng masinsinang operasyon, pati na rin ang mga problema sa koordinasyon at transparency sa pagitan ng mga local at international law enforcement agencies. Ito ang mga bagay na dapat mapagtuunan ng pansin.
Umaasa tayo na mas magiging epektibo ang PNP sa paglaban sa mga sindikato. Gayunman, hindi rin sapat ang mga hakbang ng gobyerno kung walang kooperasyon mula sa publiko.
Kailangan ng PNP ng buong suporta upang magtagumpay laban sa kriminalidad.






Comments