- BULGAR
Mas maraming nagpapabakuna vs. COVID-19, good news!
ni Ryan Sison - @Boses | September 5, 2022
May bahagyang pagbabago sa bilang ng mga nagpapabakuna kontra COVID-19, partikular ang booster shot.
Ayon sa Department of Health (DOH), noon ay nasa 50,000 hanggang 60,000 lamang ang nagpapabakuna kada araw, ngunit sa mga nakalipas na araw, umaabot na sa 180,000 hanggang 190,000 ang nakatatanggap ng bakuna.
Bagama’t aminado si DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na mabagal ang pagtaas ng bilang, patunay umano ito na nagbubunga na ang mga karagdagang pagsisikap ng kagawaran na maipamahagi ang mga bakuna.
Gayunman, binigyang-diin ng opisyal na kailangang mahikayat pa ang ating mga kababayan na magpabakuna laban sa sakit dahil accessible o nariyan lamang ang COVID-19 vaccines.
Samantala, naninindigan si Vergeire na kailangang mabakunahan ng unang booster ang lahat ng eligible population bago ipamahagi sa mas maraming Pilipino ang ikalawang booster.
Base sa datos, hanggang noong Agosto 11, 1.3 milyon na ang nakatanggap ng unang booster sa ilalim ng ‘PinasLakas’ campaign ng gobyerno.
Matatandaang target ng naturang kampanya na mabakunahan ng booster kontra COVID-19 ang 23 milyon katao sa loob ng unang 100-araw ng panunungkulan ni President Ferdinand Marcos, Jr.
Sa totoo lang, magandang balita na may pagtaas sa bilang ng mga nagpapabakuna laban sa COVID-19.
Bagama’t may hawahan pa rin, hindi na ito kasing-taas ng bilang sa mga nakaraang linggo, gayunman, hindi maitatangging nakatulong dito ang bakuna.
Marahil, tama ang kagawaran na kailangang mahikayat ang mas marami pa nating mga kababayan na magpabakuna, pero ang tanong, paano natin ito gagawin?
Batid nating may takot pa ang ilan nating mga kababayan sa bakuna at ‘yan ang isa sa mga dapat nating masolusyunan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com