Flamenco Dust, sinilo ang panalo sa 3-YO Race
- BULGAR
- Jun 27, 2023
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | June 27, 2023
Kumaripas sa rektahan si Flamenco Dust upang masilo ang panalo sa 2023 PHILRACOM "3-Year-Old & Above Maiden Race" na nilarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas noong Linggo ng hapon.
Nirendahan ni jockey Claro S. Pare, inilista ni Flamenco Dust ang impresibong tiyempong 1:27.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang P20,000 added prize ng winning horse owner na si AV Tan.
Nasaksihan ng mga karerista ang husay ni Flamenco Dust sa rematehan matapos itong lumabas ng may kalayuan sa mga kabayong nasa unahan na sina Lagertha at Freydis Cutie.
Hawak ni Lagertha ang bandera pero nakakapit ng todo si Freydis Cutie habang pinapanood sila ng nasa malayong likuran na Flamenco Dust.
Papalapit ng home stretch ay nagpapakitang-gilas na si Flamenco Dust at sa huling isang daang metro ng karera ay lumampas na ang winning horse.
Tinawid ng Flamenco Dust ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang si Danueis Son, tersero ang Freydis Cutie habang pumang-apat ang Lagertha sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.





Comments