top of page
Search

ni Angela Fernando @Overseas News | Nov. 28, 2024



File Photo: Vladimir Putin, nuclear power plant - FB, circulated


Malabo pa rin ang nuclear na atake, sa kabila ng pahintulot ng United States (U.S.) na gamitin ng Ukraine ang mga American weapons nito laban sa mas malalim na bahagi ng Russia.


Ito ay sa kabila ng babala ni Russian President Vladimir Putin, ayon sa limang source na pamilyar sa ulat ng U.S. intelligence na nakausap ng Reuters.


Gayunman, posibleng palawakin ng Russia ang mga operasyon na "campaign of sabotage" laban sa mga target sa Europa upang dagdagan ang pressure sa bandang West dahil sa patuloy nitong suporta sa Kyiv, ayon sa dalawang senior na opisyal, isang mambabatas, at dalawang congressional aides na briefed sa naturang usapin.


Magugunitang sa loob ng nakalipas na pitong buwan, sunod-sunod na intelligence assessments ang nagtapos na malabong humantong sa nuclear escalation ang desisyon ng U.S. na luwagan ang mga hangganan nila sa paggamit ng Ukraine ng mga armas nito.


Ang pananaw na ito ay nananatili kahit matapos baguhin ni Pangulong Joe Biden ang posisyon ng U.S. ngayong buwan patungkol sa mga armas, ayon sa mga sources na hindi pinangalanan upang malayang makapagsalita tungkol sa sensitibong impormasyon.


Binigyang-diin din ng isa sa limang U.S. officials na hindi man gumamit ang Russia ng nuclear na pag-atake, susubukan pa rin nitong pantayan ang tingin nilang ginagawang pagpapalawig ng kanilang kalabang bansa at parte ang pagpapakilala nila ng bagong missile ng nasabing pagsisikap.

 
 

ni Angela Fernando @World News | Nov. 27, 2024



Sa larawang ito sa Tel Aviv, ay makikita sina US President Joe Biden (kaliwa) at Prime Minister Benjamin Netanyahu. (October 18, 2023) File Photo: Haim Zach / GPO


Magkakabisa ngayong Miyerkules ang tigil-putukan sa pagitan ng Israel at ng Iran-backed Hezbollah matapos tanggapin ng magkabilang panig ang kasunduan na binuo ng United States (US) at France, ayon kay Pangulong Joe Biden.


Naglalayon ang kasunduang ito na tapusin ang labanan sa pagitan ng Israel at Lebanon na kumitil ng libu-libong buhay simula nang pumutok ang Gaza war nu'ng nakaraang taon.


Ipinaalam ni Biden na nagbigay ng pag-apruba ang security cabinet ng Israel sa kasunduan sa botong 10-1.


"This is designed to be a permanent cessation of hostilities," saad ni Biden.


Samantala, sa kanyang pahayag mula sa White House, sinabi niyang nakipag-usap siya kay Punong Ministro Benjamin Netanyahu ng Israel at pansamantalang Prime Minister Najib Mikati ng Lebanon.


Nakatakdang magwakas ang labanan sa ganap na alas-4 ng umaga (0200 GMT).

 
 

ni Angela Fernando @Overseas News | Nov. 26, 2024



Photo: Sina United States (US) Pres. Joe Biden at French Pres. Emmanuel Macron - File-Jim Watson / The Associated Press


Inaasahan si United States (US) Pres. Joe Biden at French Pres. Emmanuel Macron na mag-anunsyo ng ceasefire sa pagitan ng Hezbollah at Israel sa lalong madaling panahon, ayon sa apat na matataas na opisyal ng Lebanon.


Nagpahayag si White House national security spokesperson John Kirby sa Washington, na malapit na ngunit nilinaw na hindi pa tapos ang pag-uusap ukol sa ceasefire.


Ayon naman sa French presidency, malaki na ang naging progreso ng mga pag-uusap tungkol sa tigil-putukan.


Samantala, isang mataas na opisyal mula sa Israel ang nagsabi na magpupulong ang gabinete ng Israel ngayong Martes, upang aprubahan ang kasunduan sa ceasefire.


Gayunman, kahit may mga senyales ng diplomatic breakthrough, patuloy pa rin ang malalakas na airstrike ng Israel sa mga suburb ng Beirut na kontrolado ng Hezbollah, bilang bahagi ng kanilang pag-atake na sinimulan nu'ng Setyembre kasunod ng halos isang taon ng mga labanan sa mga borders.


Tumanggi naman ang opisina ni Prime Minister Benjamin Netanyahu na magkomento ukol sa mga ulat na nagsasabing sinang-ayunan na ng parehong Israel at Lebanon ang nilalaman ng kasunduan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page