top of page
Search
  • BULGAR
  • May 24, 2022

ni Hannah Mikhaela Regio-Segovia - @What's In, Ka-Bulgar | May 24, 2022


Pinagsikapang magsaliksik,

Nagtiyagang pag-aralan ng tahimik,

Nagsuri ng mga resibo ng katotohanan,

Nang mga nagawang tunay na pinag-ukulan.


Tinanto kung talagang tama ba,

Itong pinili naming itakda,

Kaya kayang paunlarin o man lang ba’y baguhin

Ang bayang kay tagal nang sa kahirapan ay alipin?


Nanghikayat ng iba, pinakita ang mga patunay,

Baka sakali, baka sakaling hawak-kamay

Tayo’y tumindig at harapin ang pagbabagong

Maaring bumago sa buhay natin at sa susunod na henerasyon.


Ngunit sa kabila ng lahat, iba ang naging resulta.

Kadalasan pa’y nakakantyawan, minsan di’y naaalipusta,

Pinili’y batay sa nakasanayan, batay sa gusto ng karamihan,

Pinalagpas ang pagkakataong mas maayos na bayan ay matamasa.


Magkagayon may, masaya’t taos-pusong kami ay tumindig,

Para sa bansang ikinaloob ng Diyos nating iniibig,

Panatag na nagnilay batay sa tulong ng Maykapal,

Humakbang na may usal na dalangin para sa bayan kong mahal.


Tinatanggap ang resulta gaano man ito kasakit,

Sana lamang talaga, pareho tayo ng adhikain,

Adhikaing para sa bayan, hindi puro para sa sarili,

Nang mapanatag ang kaloobang sadlak ngayon sa pighati.


Sana, sana lamang talaga

Sana kami ay mali.


 
 
  • BULGAR
  • Feb 3, 2021

ni Hedaya - @What's In, Ka-Bulgar | February 3, 2021


ree


Maraming taon na ang lumipas

at aaminin ko na.

Ikaw ay narito pa at oo na,

umaasa ako na ako'y mahal mo pa.


Hindi ko maipaliwanag ang nadarama

sa tuwing ang pangalan mo'y maririnig

sa mga kaibigan ko't kakilala.


Muli tayong nagtagpo

sa panahong ako'y nagtatago.

Pilit na inililihis ang atensiyon,

pero pilit ding pinagtatagpo ng panahon.


Mahal, ito na ang huling pagkakataon

na tatawagin kitang 'mahal'.

Wala mang pag-asa na tayo'y maging isa,

malaman mo sana na ika'y mananatiling mahalaga.

 
 
  • BULGAR
  • Dec 20, 2020

ni Raphael Pesebre - @What's In, Ka-Bulgar | December 20, 2020


ree


Tanong ko, tanong ninyo, ito ba’y tadhana?

Sakit, kalamidad, trahedyang tumama,

saan nanggaling, saan nagsimula?

Resulta’y kapabayaan o pagsasawalang-bahala.


Unang dumating nakamamatay na pandemya,

pilit dinidiskubre medisinang kaaya-aya.

Nabalot ng takot ang pusong dating masaya,

naiisip na mahawa ang buong pamilya.


Matinding unos ang sunod na humambalos,

sinapit ng marami, sadyang kalunus-lunos.

Binaha, inanod, kabuhayan ay naubos,

nausal ay pasalamat sa tulong na bumuhos.


Pakinggan aking pagsusumamo,

mga nangyayari sa isip ko’y ‘di klaro.

Hiling na paliwanag sa galaw ng mundo,

talaga bang ganito, sunud-sunod na delubyo?


Dalangin ko’y hawakan, huwag pabayaan.

Tulad ng Iyong pangako sa sangkatauhan,

titingnan, aalagaan at pakakaingatan,

walang hanggang pagmamahal sa amin ilaan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page