top of page
Search
  • BULGAR
  • Jul 12, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | July 12, 2022


Hindi ka na naubusan,

ang daming pinanghuhugutan

Puno na ng kadramahan

ang puso mong nahihirapan.


Hindi ka na ba nagsawa

Sa puro tamang hinala,

At sa pagdaloy ng luha

Sa iyong mga mata pababa sa lupa?


Hindi mapatawad ang sarili,

Hindi matantanan ang pagsisisi,

Lagi na lang nag-aatubuli,

Hindi sigurado sayong napili.


Hindi makawala sa nakaraan,

Kahit panahon ay nagdaan,

Kahit nag-iba na ang kalakaran

Ng sistema nating sinasabayan.


Palagi kang nalilito,

At madalas ay nahihilo

Sa paikot-ikot nating mundo,

Na kinatatayuan at ginagalawan mo.


Pero tandaan mo,

Sa problema’t kumplikasyon,

Sa init at kombulsyon,

At sa walang tigil na konsumisyon,

Palagi mong hanapin ang solusyon.


Oo, laging may solusyon.

Sapagkat hindi mo pa oras tumigil,

At sa oras na ika’y manggigil,

Sa tagumpay, ‘wag kang magpigil,

Oo, dapat lang na ‘wag kang magpapigil!


Dahil sa pagtaas o pagbaba,

Kumanan man o kumaliwa,

Ang Diyos ay hindi sa ‘yo mananawa,

Kaya sa paglalakbay mo’y hindi ka mawawala.


 
 
  • BULGAR
  • Jun 18, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | June 18, 2022


Luluhod sa pag-ibig mo kahit pa malunod. (A)

Kakanta kahit pa masintunado sa mga nota. (B)

Sasayaw kahit pa masagwa ang bawat bitaw ng mga galaw. (C)

Tatagay at tatagay kahit pa umuwi pang luluray-luray. (D)


Bilang patunay lang na handa kong gawin ang lahat,

Lulunukin ang mga sandaling may tamis at alat.

Ilang guhit man o lamat ako’y nagpapasalamat

sa lahat kahit sa oportunidad na hindi ko nakagat.


Magpapasalamat kahit sa sandaling iyong ipinagkait,

Mga sandaling malayo ka kahit tayo’y magkalapit,

Sandaling bakit ba hindi ko nagawang ipilit,

Dahil ba alam kong mararamdaman ko itong sakit?


Sakit na alam kong hindi ko makakayanan.

Naging saglitan lang ang taong dapat pangmatagalan.

Bakit naging sakitan itong ating pagmamahalan?

Pagmamahalang nauwi na lang sa murahan at sumpaan.


Dahan-dahan akong pinapatay sa pagbitaw mo na biglaan,

Biglaang nag-iba ang storyang ating natutunghayan.

Nabitawan ang mga pangakong ating pinanghahawakan.

Hawak ko na lang ay panyo para ang sariling luha’y mapunasan.


Luluhod para magmakaawang ‘wag kang lumisan,

Kakanta para iparating itong aking nararamdaman.

Sasayaw kasama ka sa gitna ng kalawakan.

Tatagay dahil hindi na kita maramdaman at mahahagkan.


Iiyak na lang para mabawasan ang kabigatan,

Hihiling na sana’y panaginip lang lahat ng masakit na katotohanan.


 
 
  • BULGAR
  • Jun 14, 2022

ni Kaizen - @What's In, Ka-Bulgar | June 14, 2022


Nakakagalaw pero walang kalayaan,

Natutula na lang habang nalilipasan

Kailan na nga ba muling gaganahan

kung parating lungkot ang nakahain sa hapag kainan?


Madalas, malalim ang aking iniisip,

Kailan nga ba magbabago ang ihip?

Sa pag-asa’y nais ko nang sumilip

upang igsan na itong masamang panaginip.


Sa umaga’y tatapikin ang sarili

Sasabihing magtiis at manatili,

sa kabila ng sumisinding pighati,

paglabang muli ang aking napili.


Sa tanghali’y manghihiram ng libang

Upang matalo ang inip na panghibang

at madaig ang kabaliwang muntikang

hindi na maharang ng pagkailang.


Sa gabi’y pinipilit kong matulog

upang ang mga mata’y hindi mahulog

sa higaang puro talas at bubog

kung saan ako marahang lumulubog.


Itong kulungang walang selda,

Walang bantay, walang puwersa.

Kulungang puno ng problema

na dalamhati ang sintensya.


Pagod na akong lumangoy sa alat

ng mga luha kong ni ayaw paawat.

Nais na muling sa laya makakalakad

kaya’t kung mapagbibigyan na’y, salamat.


Salamat.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page