top of page
Search

ni Jasmin Joy Evangelista | January 19, 2022



Mangiyak-ngiyak ang 80-anyos na si Lolo Narding Floro matapos ikulong at sampahan ng kaso dahil umano sa pagnanakaw ng mangga.


Ayon sa Asingan Public Information Office, hinuli si lolo Narding noong January 13, 2022 sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng 7th Municipal Circuit Trial Courts (MCTC) ng Asingan-San Manuel noong Disyembre 20, 2021.



“Pinapitas ko ‘yung isang puno ng mangga wala pang sampung kilo, ang alam ko sakop namin. Noong binakuran nila, sinakop naman na nila pero tanim ko naman yun…” paliwanag ni lolo Narding.


Ayon pa kay Lolo Narding, sinubukan niyang makipag-usap at inalok pang babayaran ang mga mangga pero sinabihan daw siyang bayaran ang P6,000 na piyansa.


“Ang gusto ko sana makipagsundo, maliit lang naman kasi na bagay, noong ibibigay ko yung bayad ayaw nilang tanggapin, ang sabi nila bayaran ko ng anim na libo,” dagdag pa niya.


Samantala, nag-ambagan naman ang mga pulis sa Asingan para mabuo ang P6,000 halaga na pang-piyansa ni Lolo Narding.


Pero dahil Alert Level 3, hindi pa raw mapirmahan ang kanyang release paper. Sa ngayon, ang Asingan Police ang nangangalaga sa kanya.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 24, 2021




Humingi na ng tawad sa publiko ang Diocese of Tagum sa Davao del Norte matapos mag-viral sa social media ang nagalit na pari habang itinuturo sa magulang kung paano ipupuwesto ang binibinyagang sanggol, ayon sa ini-upload na video ng isang May Flor Concon Decano nitong ika-13 ng Marso ngunit ngayo’y binura na.




Batay sa pahayag na pinirmahan nina Bishop Medil Aseo at Chancellor Father Vicente Arado, Jr., "This concerns the Baptism incident which has regretfully gone viral in the social media and other media platforms of which we are deeply sorry! We ask for everyone’s forgiveness for the pain and scandal this may have caused."


Tumanggi naman ang simbahan na ibigay ang pangalan ng pari na nagbinyag sa Nuestra Señora de la Candelaria Parish sa Bgy. Kimamon, Sto. Tomas, Davao del Norte.


Sa ngayon ay nakapag-usap na umano ang magulang ng sanggol at ang nasangkot na pari. Giit pa ng Diocese, "This Lenten Season gives us the opportunity to do some soul-searching as well as to resolve to make amend of our lives for the better. Learning from every lesson this incident has offered, may we as pilgrims to life eternal continually grow in holiness and perfection."

 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | December 22, 2020



Nagtalaga ng bagong local police chief ang mayor ng Bato, Catanduanes matapos sibakin sa puwesto ang dating hepe dahil sa kontrobersiyal nitong komento sa insidente ng pamamaril at pagpatay ng isang pulis sa mag-ina sa Tarlac.


Si PLt. Fidel Romero Jr. ang itinalagang bagong chief of police ni Mayor Juan Rodulfo ngayong Martes. Ayon kay Rodulfo, hindi niya nagustuhan ang naging reaksiyon ng dating hepe ng pulisya ng naturang lugar na si Police Capt. Ariel Buraga sa pagpatay ni Police Senior Master Sergeant. Jonel Nuezca sa mag-inang kapitbahay nito na sina Sonya at Frank Gregorio.


Nag-viral din sa social media ang ngayo’y deleted nang Facebook post ni Buraga na (posted as is): “My Father is a Policeeeee Mannnnn ha!!! I don’t care eh eh eh eh eh err!!! P@#Yng ina mo gusto mo tapusin na kita ngayon???? Bang Bang Bang Bang.. Lesson Learn kahit puti na ang buhok o ubanin na tayo eh matuto tayo rumispeto sa ating mga Kapulisan.. mahirap kalaban ang Pagtitimpi at pagpapasensya.. “RIP Nanay and Totoy..”


Pahayag ni Rodulfo, “Sa post niya… parang dinedepensa pa niya dahil sa walang respeto kaya puwedeng gawin ‘yun… Dahil grabe, brutal po ‘yong pagpatay sa mag-ina, diretso na po ako, pumasok po sa isip ko na itong tao na ito (Buraga) ay mapanganib po para sa aming mga mamamayan sa aming bayan.”


Kinausap din umano ni Rodulfo si Buraga at aniya, “Ipinaliwanag niya po na ‘yung kanyang post na ‘yun, ano lang po ‘yun, dahil sa hindi pagrespeto ng mag-ina na ‘yun sa pulis, kaya nagawa ‘yung krimen. 'Yun po ‘yung paulit-ulit niyang sinabi, na hindi niya ginusto na pumatay ‘yung ano, pero ‘yong respeto, 'yun daw ‘yung dapat.


“Sabi ko nga sa kanya, may kasalanan o walang kasalanan, hindi mo puwedeng patayin, sa ganyang sitwasyon, ilagay mo sa kamay ‘yong batas. ‘Yan po ‘yung sinabi ko sa kanya.”


 
 
RECOMMENDED
bottom of page