top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 19, 2021



ree

Naniniwala ang Metro Manila Council (MMC) na hindi pa panahon upang ipatupad ang ‘vaccine pass’ o ang ‘no vaccine, no entry’ sa mga indoor establishments, batay sa panayam kay MMC Chairman at Parañaque Mayor Edwin Olivarez ngayong umaga, May 19.


Aniya, "Very unfair naman po ‘yan na bibigyan natin ng policy na ‘yun lang makakapasok sa indoors, sa ating mga restaurant, at iba pang mga establishment ay ‘yung mga nabigyan ng vaccination pass."


Dagdag niya, "Sa amin sa MMC, parang hindi pa ho tama ang panahon ngayon po para i-implement ‘yang policy na ‘yan."


Sumang-ayon naman sa kanya ang 17 Metro Manila Mayors na binubuo ng MMC.


Matatandaang hindi rin pabor ang Department of Health (DOH) at Department of Trade and Industry (DTI) sa ganitong panukala dahil kaunti pa lamang ang bilang ng mga nababakunahan kontra COVID-19 sa bansa.


Gayunman, nilinaw ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. na magsisimula nang umarangkada ang mabilis na vaccination rollout sapagkat narito na ang mga bakuna, kung saan tina-target nila ang 500,000 bakunado kada araw.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 18, 2021



ree

Tatlong milyong indibidwal na ang nabakunahan kontra COVID-19, ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr. sa ginanap na public briefing ngayong umaga, May 18.


Aniya, “Sa ngayon, maganda pa rin po ang mga balita natin dahil ang ating pagbabakuna, napakataas na po, nasa 3 million.”


Batay ito sa datos na 3,001,875 na kabuuang bilang ng mga nabakunahan, kabilang ang 719,602 na mga nakakumpleto ng dalawang dose, at ang 2,282,273 indibidwal na naturukan ng unang dose na nasa A1 hanggang A4 priority groups as of May 16.


Ibinida rin ni Galvez na sa loob lamang ng 17 araw ay nakayanan ng ‘Pinas na mabakunahan ang mahigit 1 million Pinoy dahil may sapat na suplay ng COVID-19 vaccines na ang bansa kaya mas bumilis ang alokasyon.


Sabi pa niya, “Kasi nu'ng unang rollout natin, para tayong nagbe-break-in na sasakyan. Nu’ng March, umabot tayo ng 40 days bago maka-isang million. Ganoon din po sa April na 1 million in 30 days. Ngayon, nakuha po natin ang 1 million in 17 days at nakita po natin na ‘yung ating volumes ng bakuna, dumating lang nu’ng May 7.”


Sa ngayon ay 7,149,020 doses ng COVID-19 vaccines na ang naipamahagi sa iba’t ibang vaccination sites, na nakalaan para sa mga medical frontliners, senior citizens, persons with comorbidities at mga empleyado na kinokonsidera bilang economic frontliners.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 7, 2021



ree

Lumapag na sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang eroplano ng Cebu Pacific na naghatid sa 1.5 million doses ng Sinovac COVID-19 vaccines galing China ngayong umaga, Mayo 7.


Sa kabuuang bilang, umabot na sa mahigit 5 million doses ng Sinovac ang nakarating sa bansa, kabilang ang donasyong 600,000 doses nu’ng February 28 at ang 400,000 doses nu’ng March 24.


Kasama rito ang biniling 1 million doses ng gobyerno na dumating nu’ng March 29 at ang 500,000 doses nu’ng April 11. Kaagad din itong sinundan ng karagdagang tig-500,000 doses nu’ng April 22 at 29.


Sa ngayon ay 1,500,000 doses ang pinakamaraming nai-deliver sa bansa. Sinalubong iyon nina Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr..



ree

 
 
RECOMMENDED
bottom of page