top of page
Search

ni VA @Sports | August 17, 2024


Sports News
Photo: Circulations / FB

Sa kabila ng kanyang pagwawagi ng 2 Olympic gold medals na naging dahilan sa pagbuhos sa kanya ng napakarami at naglalakihang mga biyaya, hindi pa rin kuntento ang gymnast na si Carlos Yulo.


Nais ni Yulo na madagdagan pa ang mga events na puwede at gusto niyang magwagi ng gold medals sa susunod na 2028 Los Angeles Olympics.


Ngayon pa lamang ay buo na sa isipan ng 24- anyos na Olympics champion na magwagi rin sa men’s individual at men’s team all-around events na pinagharian ng Japanese gymnast na si individual all-around gold medal winner na si Shinnosuke Oka.


“Tatargetin ko yung individual all-around medal at kung masusunod ang plano pati yung team all-around at sana pati parallel bars makapag-final," ani Yulo sa isang panayam sa TV dalawang araw pagkauwi ng bansa mula Paris. “Isa sa mga pangarap ko na manalo rin ang mga teammates ko ng medal sa Olympics. Ipinagdarasal ko yun."


Ayon kay Gymnastics Association of the Philippines president Cynthia Carrion may posibilidad na magbuo sila ng “Dream Team” na isasabak sa LA Games kung saan makakasama ni Yulo ang nakababatang kapatid na si Eldrew, Miguel Besana at ang Filipino-British na si Jake Jarman, ang nagwagi ng bronze medal sa floor exercise sa Paris.


Samantala, kabi-kabila naman ang mga pabuya at insentibong tinatanggap ni Yulo mula ng dumating sila ng Pilipinas. May dagdag pang P20-M pa mula sa gobyerno gaya ng isinasaad ng Republic Act 10699 at P14-M mula sa Kongreso.


May P6-M bahay at lupa sa Nasugbu, Batangas at P150,000 Mabuhay Miles taun-taon at panghabang buhay mula sa Philippine Airlines bukod pa ang libreng 28 domestic at international flights galing naman sa Cebu Pacific.


Bibigyan din si Yulo ng Sports betting app na Arena Plus ng P5 milyon at gayundin magbibigay si dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson ng P5-M kung magkakabati ang kanilang pamilya. Pero para kay Yulo ang pinakamahalaga sa lahat ng kanyang mga natanggap ay walang iba kundi ang dalawang gintong medalya na napanalunan niya sa Paris Games.

 
 

ni VA @Sports | July 6, 2024


Sports News
Photo: Nesthy Petecio / FB

Dahil sa walang katiyakan kung makakalaban pa siya sa susunod na Olympics, sisikapin ng boxer na si Nesthy Petecio na makamit ang pinakamimithing gold medal sa nakatakdang pagsabak sa darating na 2024 Paris Games.Nagwagi ng silver medal at naging kauna-unahang Filipina boxer na nanalo ng medalya sa quadrennial games, maaaring hindi na makabawi sa susunod na 2028 Los Angeles Olympics kung mabibigo pa siya ngayong taon sa Paris.


Ito'y dahil posibilidad na walang idaraos na boxing event sa LA Games.Dulot ito ng ipinataw na ban sa International Boxing Association (IBA) sa pagpapatakbo ng Olympic boxing tournament mula pa noong 2021 dahil sa iba't-ibang mga isyu at kontrobersya.


Binigyan ng IOC (International Olympic Committee) ng deadline na hanggang 2025 para pamunuan ang boxing para magkaroon ng maayos na liderato dahil kung hindi ay aalisin nila sport sa kalendaryo ng Los Angeles Games.


Dahil dito, nais ibuhos ng 32-anyos na si Petecio ang kanyang makakayanan sa posibleng huling pagsalang niya sa Olympics.


“Hindi pa sigurado kung magre-retiro na ako. Medyo hindi na rin tayo bumabata.Pero gusto ko pang makaabot sa susunod na Asian Games kasi hindi pa ako nanalo ng medalya dun e. Pero sa Olympics baka last na 'tong sa Paris," ani Petecio. 



 
 

ni VA @Sports | June 25, 2024



Sports News


Nagwagi  muli ng gold medal ang Filipino pole vaulter na si Ernest John "EJ" Obiena nang manguna ito sa Memorial Czesław Cybulskiego sa Poznan, Poland kahapon-Lunes (Manila time).


Nagposte si Obiena ng bagong meet record na 5.87 meters sa pagpapatuloy ng kanyang preparasyon para sa Paris Olympics. Noong nakaraang linggo, naitala ni Obiena ang kanyang season best na 5.97 meters sa 6th Irena Szewińska Memorial na ginanap sa Zdzisław Krzyszkowiak Stadium sa Bydgoszcz, Poland sa pamamagitan ng kanyang bagong poles.


Nagtangka pa ang world no. 2 pole vaulter na magtala ng panibagong Philippine at Asian record na 6.01 meters ngunit bigo sa lahat ng kanyang tatlong attempts.


Pumangalawa kay Obiena para sa silver ang home bet na si Piotr Lisek matapos naka-clear ng 5.82 meters habang pumangatlo naman para sa bronze ang  training partner niyang si Hussain Asim Al-Hizam ng Saudi Arabia makaraang magtala ng 5.62 meters. 


Samantala, dumating na sa France noong Linggo (Philippine time) ang ilan sa mga Filipinong atleta na nag-qualify para sumabak sa Paris Olympics.


Ang mga atleta ay nagsisimula na ngayon ng isang buwang training camp sa Metz, bago sumabak sa aktuwal na kompetisyon.


Ibinahagi ng Philippine Olympic Committee ang kaganapan sa kanilang social media page. The first batch of athletes that flew in with us here last Saturday morning are amazed with the facility and are eager to wind up their training for their respective events for the Olympics,” ayon kay POC Chief Abraham 'Bambol' Tolentino na kabilang sa grupo na dumating doon at  si Paris Olympics chef de mission Jonvic Remulla.


Umalis noong Sabado ng umaga patungong Metz, France ang delegasyon na pinangungunahan nina flag bearers Nesthy Petecio at Carlo Paalam.


Kasama ang kapwa boxers na sina Hergie Bacyadan at Aira Villegas, weightlifters Elreen Ando, John Ceniza at Vanessa Sarno at ang rower na si Joannie Delgaco.


Inaasahang darating din sa Metz sa susunod na ilang araw sina boxer Eumir Felix Marcial, fencer Samantha Catantan at gymnasts Carlos Yulo, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar at EJ Obiena.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page