top of page
Search

ni Zel Fernandez | May 4, 2022



Aabot sa 103 pamilyang nasunugan sa Brgy. UP Campus nitong nakaraang araw ang nadulutan ng pinansiyal na suporta ng Philippine Red Cross – Quezon City Chapter.


Ayon sa ulat, bawat residente umano na nasunugan ng pagmamay-aring bahay ay nakatanggap ng ₱10,000, habang ₱5,000 naman ang ipinagkaloob ng Red Cross sa mga nangungupahan.


Kaugnay nito, sa kasalukuyan ay pansamantala pa ring nanunuluyan sa Sampaguita at Kamia Residence Hall ang mga nasunugang pamilya.


Samantala, nauna nang pinagkalooban ng mga relief packs at hot meals mula sa Quezon City government at iba pang organisasyon ang mga residenteng nasunugan sa UP Campus.


 
 

ni VA/MC - @Sports | May 3, 2022



Tinalo ng University of the Philippines ang Ateneo de Manila University, 84-83 upang putulin ang 13-0 game winning streak ng Blue Eagles sa huling araw ng elimination round ng University Athletic Association of the Philippines Linggo nang gabi sa Mall of Asia Arena.


Ang pagwawagi ng UP ang nagtakda para kumpletuhin ang Final Four format sa UAAP Season 84 postseason. Lakas ni Malick Diouf ang inasahan ng Diliman-based squad sa panalo sa bisa ng 18-point, 16-board performance, habang si Carl Tamayo ay nagdagdag ng 16 points sa panalo.


Haharapin ng UP ang no. 3 De La Salle University sa Final Four, habang ang top seeded Ateneo ay lalaban sa Far Eastern University. May twice-to-beat incentives ang Ateneo at UP tungo sa Final Four. Nauna rito, nalagay ang FEU Tamaraws sa Final Four slot matapos ilaglag ang University of Santo Tomas, 109-65, at pagkatalo ng National University sa La Salle, 76-65.


Nagwagi ang Adamson University sa University of the East, 65-53. Tinapos ng Ateneo ang elimination round hawak ang nabahirang 13-1 card, habang umibayo ang UP ng 12-2. Rumehistro ang La Salle ng 9-5 card habang ang FEU ay may 7 panalo at 7 talo. Bukod sa basketball postseason, nakaiskedyul na rin ang UAAP women's volleyball ngayong linggo.


 
 

ni Zel Fernandez | May 2, 2022



Walo katao kabilang ang dalawang bata at sanggol ang nasawi matapos sumiklab ang apoy sa residential area sa Village A, Brgy. UP Campus, Diliman, Quezon City ngayong Lunes nang umaga, kung saan ang anim sa walong namatay ay natagpuan umano sa iisang kwarto.


Batay sa ulat, nagsimula ang sunog bago mag-alas- 5:00 nitong umaga, na agarang kumalat sa mga kabahayang pawang gawa sa light materials, kaya agad itong itinaas ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa ikalawang alarma.


Pasado alas-6:00 ng umaga nang makontrol ang pagkalat ng apoy at idineklarang naapula ang sunog bandang alas-7:00 ng umaga.


Tinatayang aabot sa kabuuang 250 pamilya ang naapektuhan ng sunog kung saan 80 kabahayan ang naiulat na nasunog.


Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog, habang tinutukoy pa ang halaga ng mga gamit na nasunog.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page