top of page
Search

ni Twincle Esquierdo | November 28, 2020




Kinalampag ni Sen. Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) dahil wala umanong magawa ang dalawang ahensiya para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga produkto sa mga palengke kahit idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa buong Luzon dahil sa hagupit ng Bagyong Ulysses.


“Puro matatamis na salita lang ang napapala natin mula sa DA at DTI. Walang natutupad na price control,” sabi ni Marcos.


Ayon pa kay Sen. Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, mas malaki pa ang puhunan ng mga tindera kesa sa mga suggested retail price (SRP) na ipinataw ng gobyerno, kaya mas mataas ang presyuhan sa mga palengke.


Ayon naman sa mga tindera, nagmahal ang presyo ng mga bilihin dahil sa kulang ang supply ng mga produkto mula sa mga lalawigan dulot ng pinsala ng bagyo sa agrikultura gayong mataas ang demand o panga¬ngailangan ng publiko.


Mataas din ang mark-up cost ng mga middlemen o mga gumigitna sa pagbili ng mga gulay sa mga farmers.

 
 

ni Twincle Esquierdo | November 28, 2020



Nagbigay ng paalala ang The National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MRIIS) ngayong Sabado sa mga residente ng Northern Luzon na magbabawas sila ng tubig na 786 cubic meters per second (cms).


Sa ibinigay na pahayag ng NIA-MRIIS ang Gate 4 ng Magat Dam ay bubuksan ng dalawang metro para makapag-release ng 393 cms. Bubuksan naman ng isang metro ang Gate 3 nang alas-8 ng umaga para makapag-discharge ng 179 cms.


Samantala, dalawang metro naman sa Gate 1 nang alas-9 ng umaga para makapagbawas ng 393 cms.


Sa pagbabawas ng tubig sa Magat Dam, lubos na maaapektuhan ang Cagayan at Isabela dahil sa pagbaha.


Ayon naman sa NIA, kapag hindi sila nagbawas ng tubig ay mas marami ang maaapektuhan.


"If Magat Dam did not release water, it would break, millions would be affected. Magat Dam is not designed for flood control," sabi ng NIA.


Ayon naman sa PAGASA ngayong Sabado ay makararanas ng maulan na panahon at kalat-kalat na pag-ulan ang Cagayan, Isabela, Apayao, Abra, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora at Benguet.


Nagbigay na ng babala ang state weather bureau sa mga residente na maaaring magkaroon ng flash floods o landslides habang papalakas ang ulan.


Matatandaan din na isinailalim ang Isabela at Cagayan sa state of calamity ngayong buwan matapos ang Bagyong Ulysses dahil sa matinding pag-ulan at pagbaha. Dahil dito ay nakatanggap ng pagpuna ang NIA dahil sa pagbawas nila ng tubig mula sa Magat Dam na nakadagdag sa malawakang pagbaha dalawang linggo na ang nakalilipas.


Gayunman, idiniin ng administrator ng NIA na si Ricardo Visaya na kinailangang buksan ang mga gates ng Magat Dam sa gitna ng malakas na pag-ulan na dala ng Bagyong Ulysses upang mapanatili ang lebel ng tubig sa dam.

 
 

ni Twincle Esquierdo | November 21, 2020





Humingi ng paumanhin ang Maynilad sa mga customers dahil patuloy na isinasagawa ang rotational service interruption matapos ang pananalasa ng Bagyong Ulysses.


“We apologize to our affected customers for the inconvenience this has caused. Know that we are working non-stop to restore our operations affected by Typhoon Ulysses,” sabi ng Maynilad advisory.


Umabot sa 1 milyon Maynilad customers ang naapektuhan ng water interruption, habang 38,000 ang wala pa ring kuryente.


Patuloy pa ring ipinatutupad ang rotational service interruption schedules ng Maynilad dahil wala pa rin sa normal na output ang produksiyon ng tubig sa La Mesa Treatment Plant.


Batay sa concessionaire, Biyernes nang mapatatag ang water production sa treatment plant sa 2,000 million liters per day (MLD) dahil ang turbidity level o sukat ng linaw ng raw water na mula sa Ipo Dam ay nananatiling mababa sa 300 Nephelometric Turbidity Units (NTU).


Ngunit ayon sa Maynilad, ang 2,000 MLD ay mababa pa rin sa normal na output na 2,300 MLD dahil patuloy pa rin ang clearing ng sludge sa basins ng kanilang pasilidad.


“Nonetheless, this is enough for us to maintain the rotational service interruption schedules that were put in place to ensure that all customers receive water supply daily despite the limited supply,” sabi ng Maynilad.


Samantala, sinisigurado nila na mabibigyan ng mobile water tanker delivery services ang mga naapektuhan ng water interruption sa tulong ng lokal na pamahalaan at Bureau of Fire Protection. Inaasahan nilang matatapos ang pagtanggal ng sludge sa basins sa Nobyembre 24.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page