top of page
Search

Nakapagsagawa na ng raffle ngayong araw, Mayo 11, ang Korte Suprema sa petisyon ng ABS-CBN laban sa National Telecommunications Commission (NTC).

Ito ay kinumpirma ni SC Spokesperson Atty. Brian Keith Hosaka.

Aniya, mayroon nang member-in-charge na hahawak sa nasabing petisyon bagama't, confidential aniya ang resulta ng raffle sa ilalim ng internal rules ng SC.

Matatandaang, sa petisyon ng network ay hinihiling nito sa Korte Suprema na magpalabas ng temporary restraining order na pipigil sa cease and desist order na inilabas ng NTC sa operasyon ng network.

 
 

Inaasahang bukas, Mayo 11, iaanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang desisyon kung palalawigin o tatanggalin na ang enhanced community quarantine (ECQ).

Gagawin ng Pangulo ang anunsiyo pagkatapos ng pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

“'Antay na lang po tayo, isang tulog na lang po iyan. Sa Lunes po inaasahan natin na magkakaroon po ng approval ang ating Presidente kung ano ang mangyayari sa atin ng May 16,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Una nang sinabi ni Roque na posibleng mananatili sa enhanced community quarantine ang ilang lugar sa Metro Manila na kinokonsiderang high risk sa Coronavirus Disease 2019.

 
 

Pinaalalahanan ang mga concerned government agencies na tulungan ang mga stranded na manggagawa sa Metro Manila upang ligtas na makauwi sa kanilang mga lalawigan.

Ito ay sa sandaling alisin na ang travel restrictions at maiayos na ang mga protocols para maiwasan ang higit pang pagkalat ng COVID-19.

Ayon kay Sen. Christopher 'Bong' Go, habang inihahanda ang pag-implementa ng Balik Probinsya Program ay unahin na munang tulungan ang mga na-stranded dito sa Maynila tulad ng pagbibigay ng pagkain at transportasyon pabalik sa kani-kanilang probinsya.

Nakipag-ugnayan na rin umano ang mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa probisyon ng transportation assistance at transitory packages para sa stranded workers.

Tiniyak naman ng Department of Transportation (DOTr) ang ligtas na biyahe ng mga ito pabalik ng kanilang mga lalawigan.

Para naman sa mga nawalan ng trabaho, hinikayat ang Department of Labor and Employment (DOLE) at mga Local Government Units (LGUs) na asistehan ang mga apektadong manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng cash for work programs at iba pang livelihood assistance na kinakailangan sa sandaling makauwi na sila.

Binigyang-diin din ang pangangailangan ng proper health protocols upang masigurong hindi makapag-uuwi ng virus sa kanilang mga probinsiya ang mga manggagawa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page