top of page
Search

Sinampahan na ng Philippine National Police (PNP) ng mga reklamong kriminal si National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Major General Debold Sinas at ang ilang mga tauhan nito.

Ito ay kaugnay ng idinaos na pagtitipon para sa kaarawan ng heneral sa gitna ng enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Nabatid mula kay Brigadier General Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, inihain na ng PNP Internal Affairs Service at PNP Intelligence Group ang mga reklamo sa Taguig City Prosecutor's Office.

Ayon kay Banac, kabilang sa mga isinampa laban kay Sinas at sa kanyang mga opisyal ay ang paglabag sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act at sa ordinansa ng Taguig City.

Una nang naibahagi ng NCRPO Public Information Office sa Facebook account nito at naging viral na rin sa social media ang mga larawan ng idinaos na Midnight Serenade at salu-salo para sa kaarawan ng heneral. Pinaniniwalaang nalabag ang social distancing, hindi pagsusuot ng face mask at pagbabawal sa mass gathering sa nasabing pagtitipon.

 
 

Iginiit ng Malacañang na dapat maglaan ang mga kumpanya ng shuttle service para sa kanilang mga empleyado para sa pagbabalik operasyon.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, bagama't gusto ng gobyerno na muling buhayin ang ekonomiya ng bansa, hindi naman maaaring makasangkapan ang buhay ng mga Pilipino.

"Klaro po iyan, dahil lahat po iyong industriya na bubuksan, dapat sila magbigay ng shuttle, puwede iyong pag-aari na nila o pupuwede silang; kapag umupa kukuha po ng special permit sa LTFRB," ani Roque.

Kung hindi umano talaga kaya ng mga kumpanya na magbigay ng sasakyan para sa kanilang mga kawani ay huwag na munang magbukas.

Ang mas importante aniya sa kasalukuyan ay maiwasan ng bansa ang pagkakaroon ng ikalawang bugso ng mga tatamaan ng COVID-19.

Matatandaang sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ilan pang mga industriya ang pinayagan nang makabalik operasyon habang bawal pa rin ang public transportation.

 
 

Photo: Lenlen Oreta

Sumakabilang-buhay na ang dating senador na si Tessie Aquino-Oreta sa edad na 75.

Ang pagpanaw ng dating mambabatas ay kinumpirma ng kanyang anak na si Malabon City Mayor Lenlen Oreta.

Ayon kay Mayor Oreta, pumanaw ang kanyang ina kagabi, May 14, alas-10:48 ng gabi.

"On behalf of my family, it is with great sadness that I announce the passing of my mom at 10:48 p.m. of May 14. Former Senator Tessie Aquino-Oreta was a public servant who devoted her life to the country and her adopted hometown of Malabon," ayon kay Mayor Oreta.

Inalala din ng alkalde ang pagiging mapagmahal na lola, ina, asawa at kaibigan ng dating senador.

Wala namang nabanggit ang alkalde hinggil sa dahilan ng pagpanaw ng kanyang ina.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page