top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 15, 2020


ree


Handa na ang mga pribadong ospital sa posibilidad na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa darating na holiday, ayon sa mga opisyal nito ngayong Martes.


Ayon sa OCTA Research Group, maaaring matapos ang taong 2020 sa 480,000 kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Kaya naman, pinaalalahanan nito ang publiko na panatilihin ang pagsunod sa mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, social distancing at pag-iwas sa mass gathering.


Ibinahagi ng Members of the Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. na bumaba ang bilang ng naa-admit sa ospital dahil sa COVID-19 nitong nakaraang linggo, ngunit naghahanda na rin umano ang mga ito sa posibilidad na muling paglobo ng kaso ng tatamaan ng virus.


Sa katunayan, ayon kay Members of the Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. President Jose Rene de Grano, nagbigay ito ng mandato na nakalaan ang 20% ng allocation ng beds para lamang sa mga pasyenteng may COVID-19.


Dagdag pa nito, nakahiwalay ang COVID areas sa non-COVID areas. Aniya, mas safe pa umano ang ospital kaysa sa mga pasyalan tulad ng mga malls dahil istriktong sinusunod ng mga staff ang health protocols.


Samantala, pinaalalahanan naman ng vice-president ng Philippine College of Physicians na si Dr. Maricar Limpin ang publiko na huwag nang magdiwang ng holiday sa labas ng bahay upang maiwasang mahawa ng virus.


Aniya, "Gusto sana naming paalalahanan ang lahat na kaya nating mag-celebrate at gawing masaya ang Kapaskuhang ito but at the same time, panatilihin nating ligtas ang bawat isa."

 
 

ni Thea Janica Teh | December 14, 2020


ree


Pinagpapaliwanag ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes ang isang health facility matapos itong maningil ng mas mataas sa itinakdang presyo ng COVID-19 swab testing.


Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nagpadala na umano sila ng sulat upang magpaliwanag kung bakit mas mataas sa itinakdang presyo ng COVID-19 test ang sinisingil sa mga pasyente nito.


Dagdag ni Vergeire, ang pagmo-monitor sa mga pasilidad ay nakapailalim sa Health Facilities and Services Regulatory Bureau.


Hindi binanggit ni Vergeire kung ospital o laboratory ang nahuli nitong lumabag. Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang sagot ng pasilidad kung bakit ito naningil ng mas mahal sa itinakdang presyo.


Sa ilalim ng administrative order ng DOH at Department of Trade and Industry, ang sinumang lumabag dito ay papatawan ng suspensiyon at mumultahan.


Para sa first offense, maaaring masuspinde nang 15 araw ang pasilidad at may multa na P20,000. Para sa 2nd offense, 30 araw ang suspensiyon at kinakailangang magbayad ng P30,000. Para naman sa 3rd offense, tatanggalan na ng pamahalaan ng lisensiya ang pasilidad upang hindi makapag-operate.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 14, 2020


ree


Patay ang isang negosyante matapos barilin ng rding-in-tandem bandang alas-6 ng umaga ngayong Lunes sa Barangay Marana 1st, Ilagan City, Isabela.


Kinilala ang 44-anyos na biktima na si Manuel Camungao na may-ari ng junkshop sa Barangay Santa Victoria, Ilagan City.


Ayon sa hepe ng Ilagan City Police na si Police Lt. Col. Virgilio Abellara, Jr., galing umano ang biktima sa kanilang bahay at papunta sana sa bayan ng Cabagan gamit ang kanyang forward truck nang tambangan ito ng dalawang lalaking magkaangkas saka pinagbabaril.


Nagawa pa umanong makababa ng sasakyan ng biktima at tumakbo ngunit naabutan ito ng mga suspek at pinagbabaril muli na dahilan na ng pagkamatay ng biktima.


Sa ngayon ay pinaghahanap na ng mga pulis ang mga suspek na tumakas papunta sa Barangay Baligatan.


Inaalam na rin ng mga ito ang motibo sa pagpatay sa biktima at patuloy na iniimbestigahan ang pinangyarihan ng insidente upang makakuha pa ng ebidensiya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page