top of page
Search

ni Thea Janica Teh | December 16, 2020


ree


Bubuksan nang muli ang U-turn slot sa tapat ng Quezon City Academy ngayong darating na Biyernes upang maiwasan ang matinding trapiko ngayong Christmas season.


Matatandaang ipinasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang U-turn slot noong Setyembre upang maisagawa ang planong busway sa EDSA.


Makatutulong din ang pagbubukas nito upang makapagbigay-daan sa mga emergency vehicle lalo na sa mga sasakyang patungo sa WC General Hospital na isa sa COVID-19 facility sa QC.


Bukod pa rito, magbubukas din ang MMDA ng special lane sa isa pang isinarang u-turn slot sa Panorama upang madaanan lamang ng mga emergency vehicles.


Sa ngayon ay inaayos na rin ang zipper lane na magsisilbing daanan ng mga emergency vehicle na ipapasok sa loob ng busway.


Magtatalaga ng ilang MMDA enforcers sa lugar upang masigurong ang dadaan lamang dito ay mga ambulansiya, bumbero at mga pulis.


Ayon kay MMDA EDSA traffic czar Bong Nebrija, tanging ang U-turn slot lamang sa may Quezon City Academy ang bubuksan. Maglalagay din umano ang MMDA ng ilang signage upang hindi malito ang mga motorista.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 16, 2020


ree


Inaprubahan ng House of Representatives ngayong Miyerkules ang pagpapalawig ng validity ng 2020 national budget at Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) hanggang sa susunod na taon.


Sa plenary session, sumang-ayon ang mga mambabatas sa pagbabago ng Senado sa House Bill 6656 na palawigin ang validity ng national budget hanggang Disyembre 31, 2021.


Kaya naman, inaprubahan din ng mga ito ang House Bill 8063 na naglalayong magamit ang budget ng Bayanihan 2 hanggang June 30, 2021.


Nitong Disyembre 14, sinabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mambabatas na ayusin na ang pagpapalawig ng validity upang masiguro na hindi maaantala ang mga proyekto sa pagpuksa sa COVID-19.


Kung hindi man ito naaprubahan, ang natirang budget ay mapupunta na sa National Treasure.


Samantala, as of November 30, nasa P110 bilyon pa sa ilalim ng 2020 budget ang hindi pa nagagamit at P38 bilyon naman sa ilalim ng Bayanihan 2, ayon kay Sen. Sonny Angara.

 
 

ni Thea Janica Teh | December 16, 2020


ree


Hindi sasali sa pilot implementation ng face-to-face classes sa Enero ang Davao City at Cotabato, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Miyerkules.


Ayon sa Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), hindi pa handa ang mga eskuwelahan sa bansa na magsagawa ng face-to-face class ngayong school year.


Nauna na ring nagsabi ang Metro Manila council na hindi sasali ang National Capital Region sa dry run ng face-to-face classes sa January.


Ibinahagi ni COCOPEA Managing Director Joseph Noel Estrada na hindi pa umano kumokonsulta sa kanila ang DepEd patungkol sa pagbabalik ng face-to-face classes sa ibang lugar.


Dagdag pa ni Estrada, huli na para pag-usapan ang face-to-face classes dahil dapat ay isinagawa ito bago pa magsimula ang school year.


Hindi na umano nakapagplano at nakapaghanda ng budget ang mga paaralan para rito.


Samantala, tinatayang nasa 1,000 paaralan sa buong Pilipinas ang hinirang ng DepEd sa pagsali sa implementasyon ng face-to-face classes sa susunod na taon.


Ang dry run ay gagawin sa mga lugar na may mababang kaso ng COVID-19.


Noong Mayo, matatandaang hindi pinayagan ng pamahalaan ang pagsasagawa ng face-to-face classes hangga’t wala pang COVID-19 vaccine.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page