top of page
Search

ni Mary Gutierrez Almirañez | March 11, 2021



ree

Dalawampung bahay at 40 pamilya ang apektado sa naganap na sunog sa Dagupan Extension Bgy. 155 Zone 14, Tondo, Maynila kaninang alas-4 nang madaling-araw, Marso 11, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).


Batay sa ulat, napabayaang kandila mula sa bahay ng pamilya Liwanag ang pinagmulan umano ng sunog. Kaagad kumalat ang apoy sa katabing junkshop hanggang sa tuluyan na ring nadamay ang mga magkakadikit na bahay na yari lamang sa kahoy.


Sa ngayon ay apulado na ang sunog, kung saan tinatayang P100,000 na halaga ng mga ari-arian ang natupok. Samantala, ang mga residente ay nagsimula na ring bumalik sa kanilang bahay para maghanap ng mga kagamitan na puwede pang mapakinabangan.


Wala namang iniulat na nasugatan sa insidente. Iyon nga lang, kapansin-pansing hindi na nasusunod ang social distancing at iba pang health protocols laban sa COVID-19.


 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | February 21, 2021



ree

Patay ang limang katao kabilang ang 4 na menor-de-edad sa naganap na sunog sa Parola Compound, Tondo, Manila kagabi. Kinilala ng awtoridad ang mga nasawing sina Jake Loyola, 37, at kanyang mga anak na edad 3 at 8.


Binawian din ng buhay ang dalawang iba pa na nasa edad 10 at 12 sa insidente. Umabot sa first alarm ang sunog bandang alas-11:53 PM at itinaas sa second alarm nang hatinggabi.


Pitong minuto ang nakalipas nang umabot ito sa 3rd alarm. Bandang 1:49 AM ng Linggo nang umabot na ito sa 4th alarm at idineklarang under control kaninang 5:04 AM lang.


Nahirapan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil sa masikip na eskinita patungo sa compound at sinabayan pa ng malakas na hangin na nagpalakas sa sunog.


Ayon din kay Manila Police District Police Station 12 Chief Police Lieutenant Cenon Vargas, may mga residenteng nang-agaw ng hose sa mga bumbero upang masigurong ang bahay nila ang unang maisasalba sa apoy.


Aniya, "May napaulat na may ilang residente na nang-aagaw ng hose para ipang-apula sa apoy." Tinatayang aabot sa 300 kabahayan at 600 pamilya ang naapektuhan ng naganap na sunog.


Aabot din umano sa P3 million ang pinsalang naidulot nito. Kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad upang malaman ang sanhi ng sunog.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page