top of page
Search

@Buti na lang may SSS | June 27, 2022


Dear SSS,


Nais kong itanong ang SSS death benefit claim ng tatay ko. Namatay siya noong January 19, 2021. Makukuha ba ng Nanay ko ang pensyon ni Tatay? May una siyang pinakasalan, gayundin si Nanay. Maililipat ba ang pensiyon ni Tatay sa kanya? – Maribeth


Sagot


Mabuting araw, Maribeth!


Ang pagkakasunud-sunod o order of preference ng mga benepisyaryo ng miyembro ng SSS ay ang mga sumusunod: Una, primary beneficiaries o pangunahing benepisyo na tumutukoy sa legal na asawa at menor-de-edad na anak, kasama ang legal na ampon at incapacitated; ikalawa, secondary beneficiaries na binubuo ng mga magulang ng namayapang miyembro kung siya ay single o walang asawa; ikatlo, designated beneficiaries o ang at itinalaga ng miyembro bilang kanyang benepisyo sa SS Form E-1/E4; at ikaapat, ang legal heirs o mga legal na tagapagmana ng namatay na miyembro na naaayon sa Civil Code of the Philippines.


Sa ilalim ng Republic Act 11199 o ang Social Security of 2018, ang may karapatan sa batas na makatanggap ng death benefit ng miyembro ay tanging ang mga legal na benepisaryo ng SSS, tulad ng ating nabanggit.


Kung ang namatay na miyembro ay pensyonado, ililipat ang pensyon nito sa kanyang legal na asawa na katumbas ng 100% na tinatanggap ng namayapang miyembro. Kung may anak naman siya na wala pang 21 taong gulang, makatatanggap ang kanyang anak ng dependents’ pension. Ito ay katumbas ng P250 kada bata o 10% ng basic monthly pension, alinman ang mas mataas. Samantala, maaari itong ipagkaloob sa limang menor-de-edad na anak, simula sa pinakabata, ngunit walang kaukulang substitution. Matitigil lamang ang benepisyong ito kapag umabot na siya ng 21 taong gulang, nakapag-asawa, nakapagtrabaho o kaya’y namatay.


Sa kaso ng iyong namayapang ama, hindi maituturing na benepisyaryo ang iyong nanay dahil hindi siya ang legal na asawa ng iyong tatay. Idagdag pa rito, may ibang asawa rin ang iyong nanay. Kaya hindi siya kuwalipikadong tumanggap ng pensiyon mula sa SSS.


Kung wala nang menor-de-edad sa inyong magkakapatid, maaari kayong makatanggap ng nalalabing balanse ng inyong tatay na nakapaloob sa five-year guaranteed period kung hindi pa nakalalagpas ng limang taon ang pagtanggap ng pensyon ng miyembro.


Sa ilalim ng five-year guaranteed period, kapag ang miyembro ng SSS na nakatatanggap ng retirement pension o total permanent disability pension ay mamatay bago pa umabot sa limang taon ng kanyang pagtanggap ng pensyon, ang balanse nito ay ibibigay sa mga secondary, designated o legal heirs na babayaran sa pamamagitan ng lump sum benefit.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | June 26, 2022


Dear SSS,


Magandang araw. Nais ko sanang itanong kung kailangan ko bang magpunta sa SSS branch upang i-update ang aking contact details? Salamat. - Marko


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Marko!


Malugod naming ibinabalita sa iyo na maaari na muling mag-update ng contact details sa pamamagitan ng online simula May 16, 2022. Ito ay para masiguro ang kaligtasan at kaginhawahan ng ating mga miyembro at pensyonado sa gitna ng kasalukuyang pandemya sanhi ng COVID-19.



Marko, ang mga miyembrong tulad mo na mayroong My.SSS account ay maaari nang mag-update o magpalit ng kanilang contact details tulad ng numero sa telepono, mobile number, mailing address, foreign address at e-mail address, nang hindi na kailangan magpunta pa sa anumang sangay ng SSS upang magsumite ng kanilang member data change request o SSS Form E-4.


Sa mga wala pang contact information maliban sa kanilang mobile number, maaari silang mag-update ng kanilang contact details. Samantala, kung wala namang rehistradong mobile number ang miyembro sa SSS, kinakailangan niyang magsadya sa anumang sangay ng SSS para i-submit ang kanilang mobile number sa pamamagitan ng Member Data Change Request Form at mag-set ng appointment sa pamamagitan ng kanilang My.SSS account, o kaya naman mag-walk in batay sa number coding scheme na ipinatutupad ng SSS. Ito ay ang mga sumusunod batay sa last digit ng kanilang SS Numbers:

  • 1-2 - Lunes;

  • 3-4 - Martes;

  • 5-6 - Miyerkules;

  • 7-8 - Huwebes; at

  • 9-0 - Biyernes.


Matatandaang pansamantalang sinuspinde ng SSS ang online updating ng contact details sa My.SSS noong August 3, 2021 upang bigyang-daan ang pagpapahusay ng SSS online portal at mapalakas ang security features nito para maprotektahan ang mga confidential na impormasyon ng mga miyembro at pensyonado ng SSS.


Samantala, maaaring gawin ito sa pamamagitan ng pag-log-in sa kanilang My.SSS account at piliin ang “Update Contact Info” na makikita sa ilalim ng “Member Info” menu. Maaari rin silang mag-update o magpalit ng kanilang contact numbers, e-mail addresses at mailing addresses, maliban sa kanilang home address at isumite ito online.


Magpapadala naman ang SSS ng notification sa e-mail at mobile number ng miyembro. Kinakailangan lamang kumpirmahin ang request sa pamamagitan ng pag-click sa link na ipinadala sa kanilang e-mail address upang i-update ang kanilang contact details.


May tatlong araw lamang ang mga miyembro para kumpirmahin ang request dahil awtomatikong mawawalan ng bisa ang link pagkatapos ng nasabing araw at kinakailangang ulitin ang proseso. Matapos kumpirmahin ang request, makikita na ang updated contact information ng miyembro sa system makalipas ng dalawang araw at ipagbibigay-alam naman ito sa miyembro.


Mahalagang matiyak ng miyembro na updated ang kanyang contact information dahil dito ipadadala ng SSS ang anumang mensahe at updates hinggil sa kanyang mga transaksyon mula sa SSS.


◘◘◘


Simula Mayo 30, 2022, nais naming ipaalam sa ating mga retiree-pensioners na ang mga first-time borrowers sa ilalim ng SSS Pension Loan Program (PLP) ay maaari nang magsumite ng kanilang aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon.


Para sa mga delinquent housing loan borrowers, mula Mayo 25, 2022 ay binuksan ng SSS sa huling pagkakataon ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa 12/F, SSS Building, Diliman, Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila. Tatanggapin ang mga aplikasyon hanggang Hunyo 30, 2022.


Nais din naming ipaalala sa aming mga pensyonado na kailangan nilang tumugon sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagrereport ng mga pensyonado sa SSS hanggang Hunyo 30, 2022. Ang mga pensyonado na dapat tumugon sa ACOP ay mga retirement pensioner na naninirahan sa ibang bansa, total disability pensioner, survivor pensioner (death) at dependent (minor/incapacitated) pensioner sa ilalim ng guardianship.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | June 23, 2022


Dear SSS,


Mahalaga ba na i-update ang record ko sa SSS? Bagong kasal ako at nais kong ilagay na beneficiary ang aking asawa. - Sanya


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Sanya!


Sadyang napakahalagang updated at tama ang impormasyon ng iyong pangalan, petsa ng kapanganakan at iba pang detalye na nakatala sa iyong record sa SSS. Ang pagkakaroon ng hindi tugmang impormasyon sa personal record ay maaaring magdulot ng problema sa miyembro, lalo na kung mag-apply ng loan application at benefit claims. Maaari kasing maantala ang pagpoproseso ng iyong mga transaksyon sa SSS kung mayroong hindi tugma o discrepancies sa iyony record. Kaya patuloy ang aming paghikayat na i-update ng mga miyembro ang kanilang rekord sa SSS, lalo na sa pagpapalit ng pangalan, petsa ng kapanganakan, higit lalo ang pagdagdag ng mga bagong benepisaryo. Tulad sa iyong kaso, dapat mong i-update ang iyong civil status sa kadahilanang ikaw ay nag-asawa na.


Simple lamang ang pag-update ng rekord sa SSS. Maaari itong gawin gamit ang iyong My.SSS account at hindi na kailangan pang magsadya sa pinakamalapit na sangay ng SSS. Kinakailangan lamang na ikaw ay nakarehistro na at may sariling My.SSS account.

Upang makapagrehistro, maaaring magtungo sa SSS website at i-click ang “MEMBER.”


Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click mo ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan, ang irerehistro mong e-mail address ay aktibo at nagagamit mo pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para mai-activate at magamit ang iyong account.

Kung ikaw ay mayroon ng My.SSS account, i-click mo ang “Member.” Mag-login ka gamit ang iyong user ID at password. Sunod, i-click ang “I’m not a robot” at i-click ang “Submit.” Makikita mo ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” I-click mo ang “E-SERVICES” tab at hanapin mo ang “Request for Member Data Change (Simple Correction).” Piliin ang “CIVIL STATUS” upang mai-update ang iyong civil status mula Single ito ay magiging Married.


Gamit ito ay maaaring i-update ang iyong apelyido mula sa apelyido mo sa iyong pagkadalaga ay maaari na itong palitan iyong apelyido ng iyong napangasawa. Sunod, dapat i-upload ang supporting document bilang patunay ng pagbabago ng iyong civil status sa pag-upload ng iyong Marriage Certificate.


Sunod, i-click mo ang “This is to certify that all information and documents are true” at isumite ito sa pamamagitan ng pag-click sa “SUBMIT.” Kapag successful ang iyong transaction, lilitaw ang transaction number. Mahalaga na tandaan mo ito. I-check mo ang iyong email na nakarehistro sa SSS sapagkat dito ipapadala ang Notice of Approval o Rejection sa iyong request.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page