top of page
Search

@Buti na lang may SSS | July 10, 2022


Dear SSS,


Magandang araw. Ang mother-in-law ko ay SSS pensioner. Sa kasalukuyan, siya ay naninirahan sa Canada. Nais sana niyang malaman kung paano siya makakapag-comply sa ACOP. Kailangan pa bang umuwi siya sa Pilipinas? — Shiela


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Shiela!


Simula noong Oktubre 2021, muling ibinalik ang Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program o ang taunang pagre-report ng mga pensyonado sa SSS. Layunin nitong masiguro na ang tamang benepisaryo pa rin ang tumatanggap ng pensyon sa SSS at para maprotektahan ang pondo nito, kung saan mayroong mga pagkakataong nagbago na ang estado ng surviving spouse na kinakailangang malaman ng SSS, tulad ng kanilang pag-aasawa at iba pang kadahilanan.


Ang mga sumusunod na uri ng pensyonado ang mga kinakailangang tumugon hanggang Oktubre 31, 2022 upang hindi maputol ang pagtanggap nila ng kanilang buwanang pensyon:

  • retirement pensioners na naninirahan sa ibang bansa;

  • total disability pensioners;

  • survivor pensioners (death); at

  • dependent (minor/incapacitated) pensioners sa ilalim ng guardianship.


Nais naman nating banggitin na ang mga retiradong pensyonado ng SSS na naninirahan sa Pilipinas ay exempted pa rin mula sa ACOP simula noong Oktubre 2017 kaya hindi na nila kailangang mag-report sa SSS para rito.

Samantala, Shiela, para sa mga pensyonado na naninirahan sa ibang bansa, tulad ng iyong mother-in-law, may tatlong pamamaraan upang isagawa ang ACOP.


Option 1: Sa pamamagitan ng video conference (Microsoft Teams). Mag-send siya ng appointment request sa ofw.relations@sss.gov.ph. Hintayin ang e-mail confirmation mula sa SSS na naglalaman ng transaction reference number (TRN) at ng link sa Microsoft Teams. Sa scheduled video conferencing, dapat mayroon siyang maipakitang isang (1) primary ID card o dalawang (2) secondary ID cards gaya ng Senior Citizens Card, Voter’s at Postal ID, atbp.


Option 2: Maaaring ipadala ang mga required na dokumento sa e-mail address ng pinakamalapit na SSS foreign office. Sa Canada, matatagpuan ang mga opisinang ito sa Philippine Overseas Labor Office sa Vancouver, Philippine Consulate General sa Calgary, at sa Philippine Consulate General naman sa Toronto.


Option 3: Maaari ring ipadala ang mga required na dokumento sa pamamagitan ng koreo sa SSS OFW-Contact Services Section, SSS Bldg., East Avenue, Diliman, Quezon City 1100.


Para sa Option 2 at 3, dapat ihanda ng mother-in-law mo, Shiela ang sumusunod na mga dokumento:


  • duly-accomplished ACOP Form;

  • isang primary o dalawang secondary ID cards;

  • half-body photo ng pensyonado na may hawak na kasalukuyang dyaryo o kaya’y nasa background niya ang TV news crawler o ticker kung saan makikita ng malinaw ang news headline at kasalukuyang petsa.


Samantala, ang mga pensyonado na makatutugon sa compliance ng ACOP bago ang nabanggit na deadline ay exempted na para sa taong 2022 kung saan ang compliance nila ay sa susunod na taon na o sa 2023.


Shiela, maaari mo ring i-download ang ACOP form sa link na ito https://bit.ly/3mC8TkE.

Nais naming ipaalala na kung hindi makakapag-comply sa ACOP ang iyong mother-in-law hanggang Oktubre 31, 2022 maaaring maputol ang pagtanggap niya ng buwanang pensyon.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | July 9, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay pensiyunado ng SSS. Kamakailan ay nabalitaan ko na mayroong pautang para sa aming mga pensyonado. Paano ba mag-apply dito? Salamat. — Eileen


Sagot


Mabuting araw sa iyo, Eileen!


Totoong may pautang na ibinibigay ang SSS para sa mga retiradong pensyonado nito at ito ang Pension Loan Program (PLP) na binuksan mula pa noong Setyembre 2018. Layunin ng programa ang makapagbigay ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng pautang na may mas mababang interes. Batid naman natin sa panahong ito na nasa gitna tayo ng pandemya ay kailangan n’yo ng karagdagang financial assistance para sa inyong mga pangangailangang medikal, atbp.


Ang PLP ay nagsisilbing alternatibo sa mga private lending institutions, kung saan mas mababa ang interes at hindi nila kailangang gamiting kolateral ang kanilang ATM cards.

Upang makahiram sa ilalim ng PLP kinakailangang matugunan ninyo ang sumusunod na kondisyon:


-hindi dapat hihigit sa 85 taong gulang sa katapusan ng termino ng pautang;

-walang ibinabawas sa kanyang buwanang pensyon, tulad ng natitirang balanse sa ibang pautang ng SSS o kaya’y sobrang benepisyong binayaran ng SSS;

-walang utang sa ilalim ng SSS Calamity Assistance Package; at

-tumatanggap na ng regular na pensyon na hindi bababa sa isang buwan.


Halimbawa, nag-apply kayo ngayong Hunyo, ang simula ng inyong pagbabayad ay sa Agosto pa.


Sa kasalukuyan, maaari kayong makahiram ng katumbas ng tatlo hanggang 12 beses ng inyong tinatanggap na basic monthly pension (BMP) kasama ang P1,000 additional benefit na ibinigay noong 2017. Subalit, hindi ito hihigit sa P200,000 na siyang maximum loanable amount na ipinahihiram sa ilalim ng PLP. Dagdag pa rito, ang net take-home pension o matitira sa inyong buwanang pensyon ay hindi dapat bababa sa 47.25%.


Samantala, ang pension loan na katumbas ng tatlong beses ng inyong tinatanggap na buwanang pensyon ay babayaran ninyo sa loob ng anim na buwan; kung katumbas naman ng anim na beses ng inyong buwang pensyon, maaari ninyo itong bayaran sa loob ng 12-buwan. Kung ang nahiram ninyong pension loan ay katumbas ng siyam o 12 beses ng buwanang pensyon, maaari ninyo itong bayaran ng hanggang 24-buwan o sa loob ng dalawang taon.


Online na rin ang pag-file ng application sa PLP maging kayo man ay first-time borrower o magre-renew ng pension loan. Kinakailangan lamang na kayo ay nakarehistro sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph. Hinihingi rin namin ang inyong contact number o aktibong mobile number, kabilang ang inyong SSS UMID-ATM o kaya’y ang Union Bank Quick Cash Card para rito.


Mag-log in kayo sa inyong My.SSS account at magtungo sa E-Services tab, kung saan makikita ninyo ang “Apply for Pension Loan.” I-click ninyo ito upang simulan ang iyong aplikasyon. Sunod, piliin ang halaga ng iyong uutangin at kung gaano mo ito katagal babayaran. Matapos nito, i-click ang “I agree sa mga terms and conditions of the program.”


Maaari naman ninyong i-download o kaya’y i-print ang kopya ng Disclosure Statement at makatatanggap na kayo ng kumpirmasyon sa pamamagitan ng e-mail o text tungkol sa iyong aplikasyon. Papasok naman ang halaga ng iyong inutang sa inyong UMID-ATM o UnionBank Quick Cash Card.


◘◘◘


Para sa mga delinquent housing loan borrowers, simula Mayo 25, 2022 ay binuksan ng SSS ang Housing Loan Restructuring and Penalty Condonation Program. Sa ilalim nito, hindi na kailangang bayaran ng miyembro o mga tagapagmana nito ang mga naipong multa o penalties sa hindi nila nabayarang housing loan. Maaari silang mag-file ng aplikasyon sa SSS Housing and Acquired Asset Management Department na nasa 12/F, SSS Building, East Avenue, Diliman, Quezon City at sa Housing and Acquired Asset Management Section ng mga piling sangay ng SSS sa labas ng Metro Manila. Tatanggap ng aplikasyon para dito hanggang Hunyo 30, 2022.


Nais din nating ipaalala sa mga pensyonado ng SSS na kailangan nilang tumugon sa Annual Confirmation of Pensioners (ACOP) Program hanggang Hunyo 30, 2022. Pinapaalalahan naman natin ang mga retirement pensioners na nasa abroad, total disability pensioners, survivor pensioners (death), at dependent (minor/incapacitated) pensioners sa ilalim ng guardianship na mag-comply dito.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "MYSSSPH" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates." Maaari din ninyong bisitahin ang uSSSap Tayo Portal sa https://crms.sss.gov.ph/.


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 

@Buti na lang may SSS | July 3, 2022


Dear SSS,


Magandang araw! Ako ay self-employed member ng SSS. Nais kong ituloy ang aking pagbabayad ng kontribusyon, subalit natatakot akong magpunta sa sangay ng SSS dahil sa COVID-19. Mayroon bang paraan upang makapagbayad ako ng aking kontribusyon sa pamamagitan ng online? - Tessie


Sagot


Mabuting araw sa ‘yo, Tessie!


Maaaring makapagbayad ng iyong kontribusyon sa pamamagitan ng mga online payment channels ng SSS. Taong 2018 nang inilunsad ang SSS Mobile App na maaaring i-download ng libre sa App Store, Google Play Store o Huawei AppGallery gamit ang iyong smartphone o Android tablet o cellphone. Layunin nitong maging mas maginhawa ang pagbabayad ng kontribusyon ng mga miyembro. Patuloy na sinisikap ng SSS na maging available ang mga online payment channels nito sa pamamagitan ng ating mga bank, non-bank bank partners para sa iba’t ibang uri ng transaksyon sa SSS sa kapakanan ng ating mga miyembro at employer.


Samantala, ang mga individual paying members tulad ng self-employed, voluntary at Overseas Filipino Workers (OFWs) ay maaaring magbayad ng kontribusyon gamit ang kanilang PayMaya at BPI account sa pamamagitan ng SSS Mobile App.


Kinakailangan lamang na ikaw, Tessie ay nakarehistro at may account sa My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Upang magamit naman ang SSS Mobile App, kinakailangan mo itong i-install sa iyong smartphone.


Para makapagbayad ng iyong kontribusyon, kailangan munang makakuha ng Payment Reference Number (PRN) para sa iyong gagawing pagbabayad. Maaaring makapag-generate ng PRN gamit ang SSS Mobile App. Kinakailangang mag-log in sa nasabing mobile app gamit ang iyong existing na My.SSS username at password.


Sunod, i-tap mo ang “Generate PRN/SOA” icon na iyong makikita sa iyong mobile screen. Matapos nito, i-tap mo ang “Create” at punuan mo ang mga hinihinging impormasyon tulad ng type ng membership mo, gayundin ang buwan at halaga ng babayarang kontribusyon. Kapag naibigay na ang lahat ng kailangang impormasyon, i-tap ang “SUBMIT” at lalabas ang iyong PRN/SOA. Maaari itong i-download bilang PDF o hindi kaya’y magtuloy na sa pagbabayad.


Dahil mayroon nang PRN, maaari ka ng magbayad. I-tap ang “Pay.” Lalabas sa screen ang payment methods. Maaaring mamili sa pagitan ng PayMaya at BPI. Tiyakin mo na mayroon kang existing account sa iyong napiling online payment channel.


Kung PayMaya ang nais gamitin, i-tap mo ang "Pay with PayMaya Account." Suriin ang detalye ng iyong babayaran bago i-click ang "OK." Mag-log in sa iyong PayMaya account details. Ipadadala sa iyong mobile number ang one-time pin (OTP). Ilagay mo ang iyong OTP at i-click ang "Proceed." Tiyaking tama ang payment details bago i-click ang "OK." Kapag naiproseso na Tessie ang iyong pagbabayad, may lilitaw na kompirmasyon ng iyong transaksyon.


Samantala, kung pinili naman ang BPI, i-tap ang “BPI” at sunod mong i-tap ang “OK” at “PROCEED.” Dadalhin ka nito sa authentication page ng BPI. Kinakailangan mong mag-log in gamit ang iyong credentials sa BPI at piliin kung aling BPI account ang gagamitin mo. Magpapadala ang BPI ng 6 na numero bilang OTP sa iyong mobile number at ilagay ito sa blankong espasyo sa BPI site upang makumpleto ang proseso ng iyong pagbabayad. Kung naging matagumpay ang iyong pagbabayad, makikita mo ang isang notipikasyon sa iyong screen kung saan nakalagay ang petsa at oras ng pagbabayad, PRN, binayarang buwan, halaga ng ibinayad na kontribusyon, at transaction reference number. Kakaltasan naman ng P15 convenience fee ang iyong BPI account sa bawat matagumpay na transaksyon.


◘◘◘


Mula Mayo 30, 2022, nais naming ipaalam sa ating mga retiree-pensioners na ang mga first-time borrowers sa ilalim ng SSS Pension Loan Program (PLP) ay maaari nang magsumite ng kanilang aplikasyon online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website (www.sss.gov.ph). Kinakailangan lamang na mag-log in ang retiree-pensioner sa kanyang My.SSS account at piliin ang E-services sa tab nito at i-click ang “Apply for Pension Loan.” Punan ang lahat ng hinihinging impormasyon at isumite ang aplikasyon.

Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


Kung mayroon kayong katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page